NAMAYAGPAG ang DLSU Green at Lady Tankers matapos ipagpatuloy ang paghakot ng mga parangal sa ikalawang araw ng UAAP Season 85 Swimming Championships, Nobyembre 25 sa Rizal Memorial Sports Complex Teofilo Yldefonso Swimming Pool.
Langoy ng tagumpay
Ipinamalas muli ng Green Tankers ang kanilang bilis sa paglangoy sa ikalawang araw ng torneo. Binasag nina Green Tanker Jose Maria Roldan, Sean Gabriel Cruz, Jaren Tan, at Seb Wong ang rekord sa men’s 4×100-meter freestyle relay matapos magtala ng 3:36.25 minuto.
Nagpasiklab din muli si Green Tanker Steven Ho matapos maibulsa ang pilak na medalya sa men’s 200-meter backstroke. Rumatsada rin si Green Tanker Ted Laminta matapos masungkit ang pilak na medalya sa men’s 400-meter freestyle. Sinundan pa ito nang pagbulsa ni Green Tanker Reiniel Lagman ng tansong medalya sa parehong swimming event.
Sa pagtatapos ng ikalawang araw ng torneo, Nakatungtong pa rin sa ikalawang puwesto ang Taft-based squad tangan ang 161 puntos.
Tunghayan ang muling pagsalang ng Green Tankers sa tubig ngayong araw, Nobyembre 26 mula ika-8:30 ng umaga sa parehong lugar.
Pagbulsa ng mga parangal
Umarangkada muli si Xiandi Chua matapos makamit ang kaniyang ikaapat na gintong medalya matapos magtala ng 4:34.07 minuto sa women’s 400-meter freestyle. Nakamamangha namang binasag ni Lady Tanker Chloe Isleta nang dalawang beses ang rekord sa women’s 200-meter backstroke. Nakaukit muna ng 2:22.66 minuto si Isleta sa preliminaries bago ito mapalitan ng kaniyang 2:18.40 minuto upang maibulsa ang gintong medalya.
Nakamit din ni Lady Tanker Isleta ang pilak na medalya sa women’s 100-meter butterfly. Hindi rin nagpatinag si Lady Tanker Raven Alcoseba matapos maiuwi ang pilak na medalya sa women’s 400-meter freestyle. Nasungkit naman nina Lady Tanker Samantha Banas, Audrey Chua, Zandria Olazo, at Robin Tolentino ang tansong medalya sa women’s 4×100-meter freestyle relay.
Buhat ng mga tagumpay na ito, nananatili ang Lady Tankers sa unang puwesto tangan ang 209 puntos.
Abangan ang muling paglangoy ng Lady Tankers ngayong araw, Nobyembre 26 mula ika-8:37 ng umaga sa parehong lugar.