Green Spikers, nakamit ang ikalawang panalo sa UAAP Season 85 Men’s Beach Volleyball Tournament!

Kuha ni John Mauricio

NAIRAOS ng DLSU Green Spikers ang kanilang ikalawang panalo matapos tuldukan ang kampanya nang pabagsakin ang UP Fighting Maroons, 18–21 , 22–20, 15–11, sa kanilang dikdikang sagupaan sa UAAP Season 85 Men’s Beach Volleyball Tournament, Nobyembre 27 sa Sands SM By the Bay.

Para sa kanilang huling laban, pinagtulungan nina Green Spikers Noel Kampton at Andre Espejo ang unang set matapos sumiklab ang matinding depensa ni Kampton na gumising sa diwa ng DLSU. Tila ramdam ang tensyon sa pagitan ng mga koponan lalo na ang pag-atake nina Dan Nicolas at Erl Eusebio para sa Fighting Maroons, 18-21.

Hindi nagtagal at rumatsadang muli si Kampton sa kaniyang mga umaatikabong atake upang guluhin ang depensa ng Diliman-based squad, 9-5. Naging bentahe rin para sa Green Spikers ang naitatalang error ng Fighting Maroons upang masungkit ang panalo sa ikalawang set, 22-20. 

Malugod na binuksan ni Espejo ang ikatlong set sa pamamagitan ng kaniyang cross-court hit para sa Taft-based squad. Sa huli, hindi na nagpatumpik-tumpik si Kampton nang wakasan ang sagupaan matapos magpakawala ng malakuryenteng tirada, 15-11. 

Hawak ng Green Spikers ang 2-5 panalo-talo kartada, gayundin ang Fighting Maroons na nagresulta ng 2-5 rekord.

Sa kasamaang palad, bigong makapuslit ng puwesto ang Green Spikers sa final four ng naturang torneo.