Beyond Green: Usaping sustainable development tungo sa luntiang lipunan, pinangunahan ng Manila Bulletin

mula Manila Bulletin

PINASINAYAAN ng Manila Bulletin sa pamamagitan ng “Beyond Green” ang isang talakayang naglalayong payabungin ang kaalaman ng mga mamamayang Pilipino ukol sa sustainable na pamamaraan ng paggawa ng mga kilalang kompanya sa bansa habang patuloy na tinatahak ng mundo ang landas ng modernisasyon, Nobyembre 23 at 24.

Sa pambungad na mensahe ng programa, binigyang-diin ni Philip Cu-unjieng, project head ng Beyond Green, na layunin nilang magkaroon ng diskurso sa sustainability na mas madaling maintindihan ng madla. Salungat ito sa kanilang naoobserbahan sa ibang programang puno ng teknikal na pagpapaliwanag ukol sa naturang konsepto. Naniniwala si Cu-unjieng na sa ganitong pamamaraan mas tatangkilikin ng mga mamamayan at mga kompanya ang sustainability na magiging pamana ng bansa sa susunod na henerasyon. 

Komunidad ng konserbasyon

Hindi maikukubling patuloy nang namamayagpag ang urbanisasyon at industriyalisasyon sa bansa, partikular na sa kalakhang Maynila. Sa kasalukuyan, kapalit ng luntiang komunidad ang kaliwa’t kanang matatayog na gusali sa rehiyon at iba pang pook na urban sa bansa, tulad na lamang ng Cebu. Sa kabila nito, nanindigan ang SM Engineering Design and Development (SMEDD), Arthaland, Alliance Global, Inc., at Filinvest na kanilang isinasaalang-alang ang kapakanan ng kalikasan at sustainability sa kanilang mga arkitektura at proyektong pagpapatayo ng mga gusali. 

Naniniwala ang SMEDD na nararapat na bigyan ng agarang aksyon ang pagbabago ng klima. Buhat nito, kabilang sa kanilang konkretong plano ang mitigasyon sa pinsalang dala ng bagyo, pagtitipid ng tubig at enerhiya, at sustainable development ng kanilang kompanya. Isang halimbawa ng pag-angkop ng mga ito ang pundasyon ng SM Mall of Asia na mayroong matitibay na sea wall upang protektahan ang gusali sa daluyong tuwing may bagyo. “Disaster management and risk resiliency are part of our DNA and way of life,” ani Chico Sy, pangulo ng SMEDD. 

Ibinida naman ng Arthaland ang kanilang mga proyektong umani ng iba’t ibang parangal buhat ng pagiging makakalikasan nito. Isa na rito ang Arthaland Century Pacific Tower na kinilala bilang kauna-unahang gusali sa bansa na net zero carbon. Layunin ng Arthaland na makamtan ang naturang inobasyon pagdating ng 2030 at kasalukuyan na nilang nakamit ang 60% nito. 

Pinatunayan din ng Alliance Global, Inc. na nakasasabay sila sa mga hakbang ng sustainable development sa kanilang mga opisina. Sa katunayan, nakatanggap kamakailan lamang ang apat na opisina ng kanilang kompanya ng Leadership in Energy and Environmental Design (LEED) certification mula sa US Green Building Council. Ito ang sertipikasyong ginagamit sa buong mundo upang kilalanin ang mga gusaling nakabubuti sa kalikasan. Bunsod nito, nakapagtala ng 17 LEED-certified na gusali at opisina ang kompanya. Mahalaga para sa naturang kompanyang makatanggap ng ganitong pagkilala sapagkat pinauunlad nito ang kapakanan ng kanilang mga empleyado sa transisyon tungo sa pagtatapos ng pandemya. 

Bukod pa rito, nakikiisa rin ang Filinvest sa layuning makamit ang sustainability sa pamamagitan ng kanilang proyekto sa Alabang na Filinvest City. Nakatanggap ang naturang proyekto ng parangal bilang natatanging central business district na Building for Ecologically Responsive Design Excellence-certified at LEED Gold-certified. Ayon kay Don Ubaldo, senior vice president ng Filinvest, nais ng kanilang kompanyang magtaguyod ng komunidad na hindi nakaliligtaan ang kapaligiran. “We should be able to meet the needs of the present, without compromising the ability of future generations to meet their needs later on,” panawagan ni Ubaldo. 

Tungo sa luntiang bukas

Kabuhol na ng modernisasyon ang pagkawasak ng kapaligiran. Namumuhay tayo sa isang mundong walang puwang ang pagpapanatili ng maayos na kalikasan para sa makabagong mundo. Gayunpaman, pinatunayan ng mga kompanyang City of Dreams Manila (COD), Wilcon Depot, Watson’s, Unilever, at Lixil na maaaring maging kakampi ng kalikasan ang modernong pamumuhay.

Sa paglalayong isaalang-alang ang kalikasan sa gitna ng malawakang inobasyon, mahalagang samahan ito ng mga konkretong pagkilos upang maisakatuparan ang mithiing ito. Para sa mga kompanyang tulad ng COD, Watson’s, at Lixil, kaakibat ng nasabing pagkilos ang paggamit ng renewable energy gaya ng solar panels sa kanilang mga establisimyento. Sa katunayan, gumagamit ng 3,100 solar panels ang COD sa kanilang hotel at casino habang carbon dioxide-neutral na ang mga planta ng Lixil. Lumipat na rin sa 100% LED lights at inverter technology ang Watson’s at priyoridad naman ng Wilcon ang pagbebenta ng mga low-energy consuming na produkto.

Binigyang-pansin naman ang kahalagahan ng waste management at pagbabawas ng paggamit ng plastik tungo sa isang luntiang kinabukasan. Isinasagawa ng COD ang sarili nilang waste composition upang maging pataba sa kanilang hardin at ibinabahagi nila ito sa mga magsasaka. Kasalukuyan namang nagsisimula ang mga refill station ng Watson’s para sa mga produkto nito, habang hindi na gumagamit ng plastik ang Unilever at Lixil sa kanilang produksyon. Sa pamamagitan naman ng GROHE Blue, isang tap water filter ng Lixil, unti-unti nang nabawasan ang paggamit ng plastic bottles para sa inuming tubig.

Ugat ng kakulangan

Malayo pang makaalpas ang Pilipinas sa pagiging isang hindi progresibong bansa at kasabay nito ang samu’t saring mga kakulangang maiuugat sa problemang pang-ekonomiya at pankapaligiran dito. Kaakibat din ng mga kakulangang ito ang pag-arangkada ng iba’t ibang inobasyon mula sa malalaking kompanya sa Pilipinas. 

Milya-milyang layo pa ang tatahakin ng bansa upang makasabay sa pandaigdigang inobasyon. Isa ang pagsulong sa carbon neutrality sa mga proyektong nakikitaan ng potensyal ng Toyota Motors na makatutulong sa pagpapayabong ng sistemang pankapaligiran sa bansa. Bagamat layunin ng kompanya ang pagmamanupaktura ng mga sasakyang naghahatid ng zero emission, nababatid pa rin nila ang mga malalaking hadlang dito. Sa kasalukuyang panahon, may iilang tinatawag na hybrid electric vehicles ang Toyota at kabilang na rito ang mga modelong pinangalanang RAV4, Camry, Cross, at Altis. 

Sa kabilang banda, tinalakay rin ng Coca-Cola ang kanilang mga proyektong nakaangkla sa tamang pangangasiwa sa yamang tubig ng Pilipinas. Nakasentro ang mga ito sa pagpapayabong ng iba’t ibang sektor gaya ng agrikultura at livestock sa pamamagitan ng mas sistematikong paggamit ng yamang tubig.

Bakas din ang maigting na hangarin ng Aboitiz Inc. na iangat ang sektor ng enerhiya sapagkat hindi maipagkakailang malaki ang kakulangan sa naturang sektor. Sinasabing isang milyong kabahayan pa ang hindi nakararanas na magkaroon ng maayos na kuryente. Bunsod nito, nilalayon nilang masolusyonan ang suliranin sa enerhiya sa iba’t ibang paraan, gaya ng pagpapaangat sa Cleanergy portfolio ng bansa. Bagamat maraming problema ang nais tugunan ng mga kompanya, hindi ito maisasakatuparan nang walang suporta mula sa gobyerno at kaakibat na pagbabago mula sa mga mamamayan.  
Samakatuwid, isang hakbang patungo sa isang mas mayabong na luntiang kinabukasan ang pagbubusisi ng bawat problemang nakaangkla sa sistema ng bansa. Gayunpaman, isang kolektibong hakbang ang kakailanganin upang maisakatuparan ang bawat inobasyon at ideolohiya. Magbubunga lamang ang bawat diskurso sa nasabing pagtitipon sa oras na mapaunlad ang ugat na priyoridad ang pagsuporta sa isang progresibong sistema.