NALASAP ng DLSU Lady Archers ang pait ng pagkatalo sa kanilang bakbakan kontra UST Growling Tigresses, 57-68, sa UAAP Season 85 Women’s Basketball Tournament semifinals, Nobyembre 30 sa Smart Araneta Coliseum.
Pinangunahan ni Charmine Torres ang Lady Archers matapos makakuha ng 16 puntos, siyam na rebound, at apat na steal. Umarangkada rin sina Fina Tchuido at Lee Sario nang magtala ng kanilang double-double performance. Tumikada si Tchuido ng 10 puntos at 13 rebound habang kumamada naman si Sario ng 10 puntos at 12 rebound.
Ibinandera naman ni MVP frontrunner Eka Soriano ang UST matapos maitala ang kaniyang career-high na 23 puntos, 11 rebound, limang assist, at dalawang steal. Kasangga naman niya sa pagpuntos si Tacky Tacatac nang magtala ng 17 puntos, apat na rebound, isang assist, at tatlong steal.
Naging tutok ang dalawang kopanan sa pagpapamalas ng kanilang malapader na depensa sa pagbubukas ng unang kwarter. Nabasag man ni Torres ang katahimikan sa pamamagitan ng kaniyang put-back jumper, agad namang sumagot ang UST matapos sumiklab ang kanilang opensa. Tila hindi nagpatinag ang Taft-based squad ng unti-unting mahabol ang iskor ng UST bago matapos ang unang kwarter, 12-14.
Mainit na binuksan ng UST ang ikalawang kwarter matapos magpakawala ng dalawang nagbabagang tres sina Soriano at Joylyn Pangilinan, 12-20. Umalab naman ang diwa ng kababaihan ng Taft nang bumulusok sina Torres, Tchuido, Sario, at Bettina Binaohan ng kaliwa’t kanang tirada, 23-26. Gayunpaman, nangibabaw pa rin ang puwersa ng España matapos kumamada ng 12-0 scoring run, 23-38.
Walang kupas na napanatili ng España-based squad ang kanilang kalamangan sa ikatlong kwarter. Pilit mang idinidikit ng Lady Archers ang talaan, rumaragasa pa rin ang opensa ng UST. Nagpakitang-gilas sina Soriano at Rocel Dionisio ng isang matinding pick-and-roll play na sinundan pa ng nagbabagang tres ni Pangilinan upang mapalaki ang bentahe ng UST, 37-53.
Bitbit ang hangaring maitulak ang serye sa do-or-die match, ipinagpatuloy ng Growling Tigresses ang kanilang umaatikabong momentum pagpasok ng ikaapat na kwarter. Mahigpit naman ang kapit ng DLSU sa bakbakan nang bumulusok si Torres ng steal at fastbreak layup, 47-55. Gayunpaman, hindi na binitawan pa nina Pangilinan at Soriano ang pagkakataon at tuluyang sinelyuhan ang panalo, 57-68.
Abangan ang kapana-panabik na rubber match sa pagitan ng Lady Archers at Growling Tigresses sa darating na Linggo, Disyembre 4 sa SM MOA Arena.
Mga iskor:
DLSU 57 – Torres 16, Niantcho Tchuido 10, Sario 10, Binaohan 7, De La Paz 4, Arciga 4, Jimenez 2, Ahmed 2, Dalisay 2.
UST 68 – Soriano 23, Tacatac 17, Pangilinan 11, Dionisio 7, Santos 3, Villasin 3, Serrano 3, Bron 1.
Quarterscores: 12-14, 23-38, 37-53, 57-68.