RUMARAGASA ang lupon ng DLSU Green at Lady Tracksters matapos makamtan ang dalawang ginto at dalawang pilak na medalya sa ikatlong araw ng UAAP Season 85 Athletics Championships, Disyembre 2 sa Philsports Arena, Pasig City.
Pagpapainit sa torneo
Naudlot ang pamamalasa ni Francis Obiena matapos ang kaniyang gintong medalya noong unang araw ng torneo. Gayunpaman, naitala niya ang kaniyang personal best sa javelin throw matapos makaukit ng 50.52 metrong layo upang makuha ang ikalimang puwesto sa naturang event.
Nanatili sa ikapitong puwesto ang katayuan ng Green Tracksters bitbit ang kabuuang 23 puntos matapos makapaglimbag ng walong puntos sa ikatlong araw ng paligsahan.
Pagdaan ng mga reyna
Tila nagmamarka ang bawat hakbang ng Lady Tracksters matapos maabot ang unang puwesto sa katayuan sa torneo makalipas ang unang dalawang araw. Kaakibat nito, dinagdagan pang muli ng mga atleta ang kanilang puntos upang manatiling nasa tuktok ng torneo.
Naiuwi nina Jessel Lumapas, Erica Ruto, Hannah Delotavo, at Trixie De La Torre ang gintong medalya sa 4×100-meter relay women’s division sa oras na 47.62 segundo.
Samantala, kapwa naman nakapuwesto sa podium sina Daniella Daynata at Franz Bintad sa discus throw women’s division. Nakapagpalipad ng 42.16 metrong layo si Daynata upang maibulsa ang gintong medalya habang naibato ni Bintad ang discus sa 38.88 metrong layo para masungkit ang pilak na medalya.
Napasakamay rin ni Jeante Wangkay ang pilak na medalya para sa Berde at Puti matapos ang kagila-gilalas na paglalakad sa 3,000-meter walk women’s division sa loob lamang ng 16:06.35 minuto.
Namayagpag ang Lady Tracksters sa pagtatala ng 79 puntos para sa ikatlong araw ng torneo. Buhat nito, patuloy na nangunguna ang kababaihan ng Taft sa torneo na may kabuuang iskor na 216. Sinundan ito ng UST at UP na mayroong 200 at 130 puntos, sa oras ng pagkakasulat.
Subaybayan ang masidhing pagpapakitang-gilas ng DLSU Green at Lady Trackers sa ikaapat na araw ng torneo, Disyembre 3 sa ganap na ika-3 ng hapon sa Philsports Arena, Pasig City.