ITINAMPOK sa huling State of Student Governance (SSG) ni University Student Government (USG) President Giorgina Escoto ang mga naisakatuparang proyekto ng kanilang administrasyon, Disyembre 1 sa Waldo Perfecto Seminar Room sa ganap na ika-11 ng umaga.
Kaugnay nito, pinasalamatan ni Escoto ang pamayanang Lasalyano sa oportunidad na ibinigay sa kaniya upang makapaglingkod sa Pamantasan. Pinaalalahanan din niya ang susunod na opisyales ng USG sa kanilang mga hakbangin.
Paninindigan ng USG
Gumawa ng ingay ang administrasyon sa ilalim ng panunungkulan ni Escoto matapos tahasang tutulan ang kandidatura nina Ferdinand Marcos Jr. at Sara Duterte-Carpio noong nakaraang halalan. “We made it very clear which side we stand with to this day – we continue to stand with the students and we most certainly are faithful to the sovereign Filipino people,” ani Escoto.
Nanawagan ng suspensyon ng klase ang kanilang opisina at patuloy na pinalawig ang panawagang “No classes under a Marcos presidency” pagkatapos ilabas ang resulta ng halalan. Aniya, isa itong paraan ng pakikiisa sa mga biktima ng Batas Militar at pag-alala sa mga sakripisyo ng mga lumaban sa People Power Revolution 1986.
Hinikayat din ng kanilang opisina ang pamayanang Lasalyanong magsuot ng itim na damit noong Setyembre 21 bilang paggunita sa ika-50 anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar sa Pilipinas. Hindi ito ikinatuwa ng dating tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na si Lorraine Badoy dahil hindi aniya dapat nakikinig ang mga estudyante sa mga grupong may kaugnayan sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front.
Samantala, inilunsad din ng USG ang Martial Law Pushback Series, Singkwento Human Library, Gunita Museum visits, at human rights and democracy course elective upang mas mapaigting pa ang kaalaman at paninindigan ng mga Lasalyano ukol sa usaping Batas Militar.
Natuklasan din sa sarbey na Pulso ng Lasalyano na sinusuportahan ng pamayanang Lasalyano ang tambalan nina dating Vice President Leni Robredo at Senator Kiko Pangilinan. “It was through this event that I was able to affirm that the youth is the hope of our motherland,” komento ni Escoto ukol sa isinagawang misa at pres-konperensiya para sa kandidatura ng Leni-Kiko.
Ibinahagi niyang sinuportahan ang nasabing aktibidad ng Samahang Lasalyano at mga estudyanteng lider mula Ateneo de Manila University, University of the Philippines, Adamson University, National University, Far Eastern University, University of Santo Tomas, at University of the East.
Naisakatuparang proyekto
Ibinida ni Escoto na matagumpay nilang nalampasan ang hamon ng pagpapatupad ng face-to-face na klase sa Pamantasan at pagkakaroon ng aktibong pakikibahagi sa mga gawaing pambansa. Aniya, naitaguyod ng kanilang administrasyon ang “One with the Students, Together for the Nation” na layunin ng USG.
Naibalik ang mga face-to-face na aktibidad at klase sa Pamantasan noong Marso 2022 sa tulong ng kampanyang #BalikDLSU ng USG. Kaugnay ito ng isinulong na #LigtasNaBalikEskwela ng mga estudyante mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa noong kasagsagan ng pandemya. Katuwang sa pagpapatupad nito ang trisectoral committee sa pangunguna nina Administration Representative Dr. Robert Roleda at Faculty Representative Dr. Ben Teehankee.
Matatandaang nagsagawa ng focus group discussion at sarbey ukol sa muling pagbubukas ng kampus ang Office of the Vice President for Internal Affairs noong ikalawang termino ng akademikong taong 2021-2022 bilang bahagi ng kanilang proyektong Boses ng Lasalyano. Layon nitong alamin ang mga pangamba at suhestiyon ng pamayanang Lasalyano ukol sa umiiral na proseso ng pagpasok sa kampus.
Binigyang-daan din ng proyektong ito ang muling pagbubukas ng mga pasilidad at pagsasagawa ng mga face-to-face na aktibidad sa loob ng kampus. Ilan na rito ang Manila Mayoral Candidates’ Forum at #Youth2022: Vice Presidential Forum na pinangasiwaan ng Committee on National Issues and Concerns at Center for Social Concern and Action. Isinagawa ito sa Henry Sy Sr. Hall Grounds sa ganap na ika-3 ng hapon, Abril 6 at 8.
Bukod pa rito, naisaayos din ang academic calendar ng DLSU upang matulungan ang mga Lasalyanong makapagtapos sa tamang oras. Binago ang orihinal na iskedyul na pagkakaroon ng ikatlong termino at pinalitan ito ng pinaikling Summer Term. Nagtagal ito ng walong linggong may maximum na anim na unit para sa mga hindi pa magtatapos at 12 unit naman para sa mga magtatapos.
“I plead directly to Br. Bernie to listen to the students’ concerns before the final decision was made,” kwento ni Escoto. Bunsod nito, naimbitahan siyang magsalita sa President’s Council upang maipaglaban ang kanilang hangaring mapakinggan ang boses ng mga estudyante. Gayundin, tinutulan ng USG ang 3% na pagtaas ng matrikula dahil magdudulot lamang ito ng dagdag pahirap sa mga Lasalyanong naapektuhan ng pandemya. Sa kasamaang palad, hindi ito naging matagumpay.
Ibinalik din ang pagsasagawa ng Commencement Exercises nang face-to-face sa Philippine International Convention Center dahil naniniwala si Escoto na nararapat na maranasan ito ng bawat Lasalyanong magtatapos. Patuloy rin nilang inaaral ang ipinatutupad na alituntunin para sa mga gantimpala at parangal alinsunod sa mga pagbabagong ipinatupad sa akademikong polisiya noong pandemya.
Pamana sa susunod na administrasyon
Naniniwala si Escoto na napabuti ang kabuuang karanasan ng mga Lasalyano sa Pamantasan sa ilalim ng kaniyang pamamahala sa loob ng 370 araw. Dagdag pa niya, “For the past three years, I have dedicated myself to fighting for your rights and welfare. I am more than grateful to have been given the opportunity of being your president. You are the legacy that we will leave behind.”
Iiwanan niya ang ilang mahahalagang proyekto sa administrasyon ni Alex Brotonel, bagong halal na USG president, tulad ng pagpapatupad ng polisiya sa anti-red tagging, pagpapaigting sa nabuong samahan kasama ang Board of Trustees, at pagpapatupad ng Lasallian Community Assistance Program. Bukod pa rito, inaasahang magkakaroon din ng Satellite National ID Registration sa Gokongwei Building, Disyembre 5 hanggang 10.
Umaasa si Escoto na maipagpapatuloy ang mga inisyatiba para sa mga gawaing pambansa na kanilang nasimulan. “I am confident in the legacy that I will be leaving behind,” pagtatapos niya.