SUMADSAD ang DLSU Green Archers kontra AdU Soaring Falcons, 76-80, sa kanilang do-or-die match sa battle for fourth ng UAAP Season 85 Men’s Basketball Tournament, Disyembre 4 sa SM MOA Arena.
Binitbit ni Evan Nelle ang bandera ng Green Archers matapos magtala ng 20 puntos, apat na rebound, at pitong assist. Umalalay rin sa kaniya sa pagpuntos si Mark Nonoy nang magsumite ng 15 puntos.
Nagpahirap para sa kampanya ng Taft-based squad si Jerom Lastimosa nang makapagtala ng 22 puntos, anim na assist, at isang steal. Kaagapay naman niya sa pagpuntos si Joshua Yerro matapos makapagtudla ng 13 puntos, 6 na board, at isang assist.
Naging maalab ang simula ng Taft-based squad sa unang kwarter matapos magpasiklab ng tirada sa labas ng arko nina Ben Phillips at Nelle, 6-2. Umarangkada rin si Nonoy nang magpakawala ng nakagigimbal na tatlong tres upang palobohin ang kanilang bentahe sa bakbakan, 16-5. Tila hindi nakontento si star guard Nelle nang magpakitang-gilas ng isang floater bago matapos ang kwarter, 27-20.
Matapos ang mahigit dalawang minutong walang tala ang magkabilang koponan, binasag ni Earl Abadam ang katahimikan nang magpakawala ng mainit na tres, 30-22. Gayunpaman, nagsimulang humagupit ang Soaring Falcons nang magtala ng 6-0 run sa pangunguna ni Lastimosa, 30-25.
Hindi naman nagpatinag ang kalalakihan ng Taft matapos sunod-sunod na magliyab sa loob at labas ng arko nina B.Phillips at Cortez upang makapagtudla ng 10 puntos na abante, 45-35. Sinubukan mang ibaba ni Lastimosa ang kalamangan matapos humirit ng tirada sa three-point line, dali-dali naman itong sinagot ni Nelle ng kaniyang nagbabagang tres, 48-38.
Bitbit ang hangaring makamit ang ikaapat na puwesto, agarang nagpakawala ng malasiling tres ang tambalang Nelle at Nonoy sa pagbubukas ng ikatlong kwarter, 56-46. Tila nabuhayan ng diwa ang Marcelino-based squad nang bumulusok si Lastimosa sa pagpuntos upang makamit ang kanilang unang kalamangan, 56-57. Hindi naman nagpatinag si Aaron Buensalida matapos magpakitang-gilas ng layup sa pagtatapos ng ikatlong kwarter, 60-59.
Mainit at dikit ang palitan ng puntos ng parehong koponan sa ikaapat na kwarter. Naging bentahe ng koponang Green and White ang magkakasunod na fastbreak shots at free throws ni Austria, 71-67. Sa pagpatak ng huling dalawang minuto, nahirapang umusad ang Green Archers sa bagwis ng Soaring Falcons. Sa natitirang ilang segundo, waging naipasok ni Lastimosa ang dalawang free throw at tuluyang sinelyuhan ang laban, 76-80.
Buhat ng pagkatalong ito, bigong makatapak sa final four ang Green Archers. Matagumpay namang nasungkit ng AdU ang ikaapat na puwesto para sa final four ng torneo.
Natuldukan ang kampanya ng DLSU Green Archers sa torneo matapos lumapag sa ikalimang pwesto. Bukod pa rito, nagtapos na rin ang playing career nina main gun Schonny Winston at team captain Joaqui Manuel.
Mga iskor:
DLSU 76 – Nelle 22, Nonoy 15, B. Phillips 11, Austria 11, Cortez 10, Abadam 3, Macalalag 2, Buensalida 2.
AdU 80 – Lastimosa 22, Yerro 13, Manlapaz 11, Douanga 10, Manzano 8, Sabandal 8, Jaymalin 3, Hanapi 2, Flowers 2, Torres .
Quarterscores: 27-20, 48-38, 60-59, 76-80.