PAPASOK sa finals ang DLSU Lady Archers matapos patumbahin ang UST Growling Tigresses, 74-69, sa do-or-die semifinals ng UAAP Season 85 Women’s Basketball Tournament, Disyembre 4 sa SM MOA Arena.
Umarangkada para sa Lady Archers si Bettina Binaohan nang magtala ng 17 puntos, 10 rebound, dalawang assist, dalawang turnover, dalawang steal, at isang block. Hindi rin nagpaawat si Fina Niantcho matapos tumikada ng 18 puntos, 12 rebound, dalawang block, dalawang steal, at isang assist.
Ibinandera naman ni Agatha Bron ang España-based squad nang makapagsalaksak ng 13 puntos, tatlong rebound, at isang block. Kaagapay ni Bron ang puwersang hatid nina Eka Soriano at Rocel Dionisio tangan ang pinagsamang 19 na puntos.
Nagsagutan agad ng puntos ang Lady Archers at Growling Tigresses sa pagpasok ng unang kwarter. Lalong uminit ang labanan nang magbalikan ng umaapoy na tres sina Lady Archer Lee Sario at Growling Tigress Soriano, 6-5. Nagpalit man ng rotasyon ang UST, hirap pa ring makahabol ang España-based squad matapos rumatsada ng putbacks at scoop shots ng DLSU, 21-18.
Tila matalim ang baong palaso ni Niantcho sa ikalawang kwarter matapos ang sunod-sunod na tirada. Hindi pumayag ang UST na malamangang muli nang magpakawala si Bron ng umaatikabong tres, 26-24. Bagamat bantay-sarado ng UST, hindi pa rin napigilan ang opensa ng DLSU matapos ang kabilaang spin move ni Charmine Torres at one-hander ni Niantcho, 38-34.
Agarang umarangkada ang kababaihan ng Taft matapos magpakawala ng tres si Sario sa simula ng ikatlong kwarter, 41-34. Bumulusok naman ng kaliwa’t kanang tirada sa labas ng arko sina Bron, Soriano, at Joylyn Pangilinan para sa UST, 53-48. Gayunpaman, nagliyab ang puwersa ng Taft-based squad at hindi na hinayaang makahabol ang kababaihan ng España, 57-50.
Sagutan ng tirada naman ang agad na bumungad sa ikaapat na kwarter matapos paigtingin ng dalawang koponan ang kanilang opensa. Gayunpaman, nanatili sa kampo ng Lady Archers ang momentum matapos mailusot ni Binaohan ang kaniyang tres, 64-57.
Tila nabuhayan ng loob ang Golden Tigresses matapos lumiyab ang mga galamay ni Dionisio at nagpakawala ng tirada sa labas ng arko para itabla ang laban, 69-all. Hindi naman nagpatinag ang Taft-based squad matapos bumida sa loob ng free-throw line nina Binaohan, Marga Jimenez, at Torres. Buhat nito, naselyuhan ng Lady Archers ang panalo upang makausad sa finals, 74-69.
Subaybayan ang kapana-panabik na tapatan ng DLSU Lady Archers kontra NU Lady Bulldogs para sa kampeonato sa darating na Miyerkules, Disyembre 7 sa ganap na ika-11 ng umaga sa Smart Araneta Coliseum.
Mga iskor:
DLSU 74 – Niantcho Tchuido 18, Binaohan 17, Torres 16, Sario 12, Jimenez 5, Dalisay 3, Arciga 2, De La Paz 1
UST 69 – Bron 13, Soriano 10, Dionisio 9, Villasin 8, Tacatac 8, Pangilinan 8, Ambos 8, Serrano 3, Santos 2
Quarterscores: 21-18, 38-34, 57-50, 74-69