NAGBIGAY-LIWANAG ang Animo Christmas! 2022 na mayroong temang “Mabuhay Ka, Hesus!” sa Pamantasang De La Salle (DLSU), Disyembre 2 sa Henry Sy Sr. Hall Grounds mula ika-4 ng hapon hanggang ika-6 ng gabi. Kinabilangan ito ng pagpapailaw ng Christmas Tree, pagsasagawa ng Banal na Misa, pagsasagawa ng lights and sound show, at mga pagtatanghal.
Pagdiriwang ng Paskong Lasalyano
Pinailaw ang Animo Christmas Tree sa ganap na ika-5:49 ng hapon habang nagtanghal ng iba’t ibang awiting pamasko ang DLSU Chorale, De La Salle Innersoul, Lasallian Youth Orchestra, at Green Music Collective. Ilan sa mga kantang itinanghal ang “Ang Pasko ay Sumapit,” “Maligayang Pasko,” at “Pasko na Naman.”
Pinailawan din ng iba’t ibang kulay ng Pasko ang façade ng St. La Salle Hall bilang bahagi ng lights and sounds show, kasabay ng mga awiting “O Holy Night” at “Praise His Holy Name.” Ibinida rin sa harap ng gusali ang standee na “Mabuhay, Hesus!” alinsunod sa kasalukuyang tema ng Animo Christmas! 2022. Samantala, patuloy namang nagtanghal ang DLSU Chorale at De La Salle Innersoul sa Henry Sy Sr. Hall Grounds. Inawit nila ang “Gloria in excelsis Deo” at “The Meaning of Christmas.”
Nagbalik-tanaw si Fritzie Ian De Vera, bise presidente para sa Lasallian Mission, sa mga dating tema ng “Animo Christmas!” at hinikayat ang mga estudyante at iba pang kawani ng Pamantasang ipagdiwang ang Paskong Lasalyano. Ayon kay De Vera, pag-asa ang naging tema noong pandemya samantalang “God is with Us” naman noong 2021 bilang paalala na lagi nating kasama ang Panginoon. “[The] theme for 2022 is ‘Mabuhay Ka, Hesus!’ that encourages the members of our community to live God in our hearts,” pagbabahagi ni De Vera.
Binanggit din ni De Vera ang mahahalagang petsa sa Pamantasan para sa buwan ng Disyembre, tulad ng Anaya 2022: Christmas Bazaar na nagsimula noong Nobyembre 28 at magtatapos sa Disyembre 10. Gaganapin din ang Christmas online show sa Disyembre 7 para sa mga propesor at iba pang kawani ng Pamantasan.
Isasagawa naman sa Henry Sy Sr. Hall Grounds ang simbang gabi mula Disyembre 16 hanggang 23 sa ganap na ika-10:30 ng gabi, habang sa Disyembre 24 naman ang misa para sa bisperas ng Pasko. “Mabuhay Ka, Hesus sa aming mga puso, magpakailanman. . . sama-sama tayong ipagdiwang ang regalong pagmamahal ng Diyos sa ating komunidad,” pagtatapos ni De Vera.
Tagisan ng talento
Nagpakitang-gilas ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor ng Pamantasan para sa talent contest ng Animo Christmas! 2022. Kabilang dito ang DLSU Parents of University Students Organization (PUSO), The Animo ng DLSU Senior High School, at Kapit-balay ng External Service Providers (ESP). Nagsilbing hurado sina De Vera, Provost Dr. Robert Roleda, at DLSU President Br. Bernard Oca, FSC sa naturang patimpalak.
Tampok sa mga indak ng DLSU PUSO ang awiting “Tuloy na Tuloy pa rin ang Pasko”, samantalang magkahalong sayaw at awit sa tugtuging “Live Jesus in Our Hearts” naman ang handog ng The Animo. Malateatrong pagsasadula at pagsasayaw naman ng Kapit-balay sa mga awiting “Hesus” at “Christmas Bonus” ang nakasungkit ng unang puwesto sa patimpalak. Nagwagi naman sa ikalawang puwesto ang The Animo habang nakuha ng DLSU PUSO ang ikatlong puwesto.
Sa pangwakas na pananalita, ikinagalak ni Oca ang pagdiriwang dahil sa dami ng bilang ng mga Lasalyanong dumalo sa aktibidad. “The one that bring us here altogether, is Jesus. My dream for all of us is for Jesus to live in our hearts. . . magpakailanman, lalo na ngayong Pasko. Experience Jesus in every one of us,” masayang sambit ni Oca.