Green at Lady Tracksters, nagpasiklab sa huling araw ng UAAP Season 85 Athletics Championship!

Kuha ni John Mauricio

NAGPASIKAT ang koponan ng DLSU Green at Lady Tracksters matapos makapag-uwi ng pitong ginto at siyam na pilak na medalya sa kahabaan ng UAAP Season 85 Athletics Championships, Disyembre 4 sa Philsports Arena, Pasig City.

Itinanghal na first runner-up ang Lady Tracksters matapos makapagtala ng 288 puntos habang lumapag sa ikapitong puwesto ang Green Tracksters tangan ang 25 puntos sa buong torneo.

Pag-ukit ng karangalan 

Naibulsa ni Lady Trackster Trexie De La Torre ang gintong medalya matapos magtala ng 5.78 metrong layo sa long jump women’s division. Hindi naman nagpahuli ang puwersa nina Lady Trackster Hannah Delotavo, Bernalyn Bejoy, Erica Ruto, at Jessel Lumapas nang tumikada ng panibagong rekord na 3:50.33 minuto sa 4×400-meter relay women’s division.

Bago ang huling araw, namayagpag bilang reyna ng 400-meter hurdle women’s division si Lady Trackster Bejoy nang masungkit ang gintong medalya sa oras na 1:01.34 minuto. Nakatapos din sa naturang event si Lady Trackster Abcd Agamanos nang lumapag sa ikawalong puwesto tangan ang 1:08.23 minutong rekord.

Umukit din ng titulo si Lady Trackster Daniella Daynata nang mapasakamay niya ang pilak na medalya sa women’s shot put. Naibato niya ang bola ng 12.49 metrong layo na nagbunsod ng kaniyang pagkapanalo. Bagamat bigong makapukol ng parangal, nagtapos sa ika-12 puwesto si Lady Trackster Ann Katherine Quintoy matapos umukit ng 9.70 metrong layo habang nasa ika-13 puwesto naman si Lady Trackster Gimpel Ablona nang makapagtala ng 9.59 metrong layo sa shot put.

Hindi man umabot sa top 10 si Lady Trackster Kristine Joy Begata, masigasig niyang winakasan ang kaniyang kampanya sa 10,000-meter run women’s division sa oras na 46:40.33 minuto nang lumapag siya sa ika-12 puwesto.

Nakapagtala rin ng 3,400 puntos si Lady Trackster Rea Christine Rafanan habang 3,278 naman ang napukol ni Lady Trackster Mica Cabaddu sa heptathlon women’s division. Bunsod nito, nagwakas sa ikapito at ikasiyam na puwesto ang dalawang atleta.

Pagkilala sa talento

Wala mang nakapag-uwi ng medalya sa koponan ng Green Tracksters, hindi naman nito mapipigilan ang pagkilala sa mga atletang buong-tapang na naglaro sa athletics championships. Nakamit ni Green Trackster Motoki Fukuda ang ika-12 puwesto sa discus throw men’s division nang maibato niya ang discus sa layong 33.01 metro.

Lumapag din si Green Trackster Kang Dal Calub sa ika-10 puwesto sa 5,000-meter walk men’s division nang matapos makapagmarka ng oras na 26:29.19 minuto. Kabilang din si Green Trackster Marion Maurice Santos sa mga lumahok sa nabanggit na event at naabot niya ang ika-15 puwesto sa oras na 29:33.04 minuto. 

Pumangalawa ang Lady Tracksters sa kabuuang standings ng collegiate athletics na mayroong rekord na pitong ginto at siyam na pilak na medalya bitbit ang 288 puntos. Bigo mang masungkit ng Green Tracksters ang titulo, tinuldukan naman nila ang kanilang kampanya sa ikapitong puwesto tangan ang rekord ng isang gintong medalya at kabuuang 25 puntos.