Pag-upo sa trono: Green Booters, naabot ang gintong medalya sa Ang Liga!

Kuha ni John Mauricio

PINARANGALAN bilang kampeon ang DLSU Green Booters B matapos takasan ang Philippine Air Force (PAF), 1-1 (5-4 PSO), sa kanilang dikdikang sagupaan sa Division 1 finals ng Ang Liga kahapon, Disyembre 11 sa DLSU Canlubang Football Pitch. 

Dikit ang naging tema ng sagupaan matapos ipamalas ng dalawang koponan ang kanilang bilis at liksi sa bawat possession. Lalo pang tumindi ang bakbakan nang paigtingin ng Green Booters ang kanilang ball movement at solidong depensa. Buhat nito, nagawang makabuwelo ng Taft-based squad upang maka-iskor sa goal ng katunggali, 1-0.

Hindi naman nagpatinag ang puwersa ng Air Force nang ipamalas ang kanilang bersyon ng goal defense at nakamamanghang ball movement. Buhat nito, nag-iba ang ihip ng hangin matapos malipat ang umaatikabong momentum sa PAF. Tila nabasag ng Air Force ang matatag na depensa ng koponang Green and White na naging daan upang maitabla ang laban, 1-all.

Bumungad sa pagbubukas ng ikalawang yugto ang malapader na depensa ng dalawang koponan. Dahil dito, nahinto ang pag-usad ng talaan at tuluyang pumasok ang magkabilang koponan sa penalty shoot-out. Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Green Booter Isaac Anoh matapos maipasok ang lahat ng kaniyang penalty kick upang selyuhan ang gintong medalya para sa kalalakihan ng Taft, 5-4. 

Bunsod ng panalong ito, hinirang bilang kampeon ang koponang Lasalyano bitbit ang kanilang malinis na panalo-talo kartada. Nakamit naman ng Philippine Air Force ang pilak na medalya sa unang dibisyon ng torneo.