Green at Lady Jins, nagpakitang-gilas sa unang araw ng UAAP S85 Taekwondo Kyorugi Tournament!

Kuha ni Adrian Teves

BUMIDA ang DLSU Green at Lady Jins matapos makamit ang ikatlong puwesto sa unang araw ng UAAP Season 85 Taekwondo Kyorugi Tournament kahapon, Disyembre 14 sa Ateneo de Manila University Blue Eagle Gym. 

Lumiyab ang koponang Green Jins matapos ipakita ang kanilang nakamamanghang estilo nang maungusan ang puwersa ng UP Fighting Maroons, 4-3. Gayunpaman, tila nabigong makapiglas ang kalalakihan ng Taft matapos mapurnada ng UST Tiger Jins sa kanilang ikalawang bakbakan, 3-4. 

Hindi naman nagpahuli ang Lady Jins nang mapabagsak nila ang UP Fighting Maroons upang makamit ang kanilang unang panalo, 4-3. Sinundan pa ito ng isang dominanteng panalo matapos lampasuhin ang archrivals ADMU Blue Eagles sa kanilang ikalawang laban, 6-1. Sa kasamaang palad, bigong maipagpatuloy ng Lady Jins ang kanilang 2-game win streak matapos mapatumba ng NU Lady Bulldogs, 3-4.

Sa pagtatapos ng unang araw ng torneo, lumapag sa ikatlong puwesto ang Green Jins tangan ang 1-1 panalo-talo kartada. Samantala, naabot din ng Lady Jins ang ikatlong puwesto buhat ng kanilang naitalang 2-1 rekord.

Tunghayan ang muling pagratsada ng Green at Lady Jins ngayong araw, Disyembre 15 sa parehong lugar.