Kakila-kilabot na balita para sa mga mamamahayag ang sumalubong nitong Oktubre 4. Inihayag sa publiko ang walang habas na pagpatay ni Joel Escorial, suspek na bumaril kay Radio Broadcaster Percival Mabasa o Ka Percy Lapid, Oktubre 3 ika-8:30 ng gabi sa tarangkahan ng BF Resort Village sa Las Piñas. Bagamat hindi pa rin natukoy ang motibo, hindi maitatangging may kaugnayan ito sa pagiging isang masugid na kritiko ng nakaraan at kasalukuyang administrasyon ni Lapid. Banta ito sa malayang pamamahayag at paglapastangan sa ating karapatan at demokrasya–lalo na hindi ito ang unang kaso ng pagpaslang sa isang mamamahayag sa bansa.
Pumalo sa 23 mamamahayag ang napaslang sa Pilipinas mula 2016 hanggang 2022 ayon sa United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization. Ikalawang mamamahayag na si Lapid na napatay sa ilalim ng administrasyong Ferdinand Marcos Jr. Matatandaang ilang linggo bago ang insidente, pinagsasaksak din ang radio broadcaster na si Renato “Rey” Blanco sa Negros Oriental. Kapansin-pansin na, tulad ni Lapid, isang matatas na kritiko ng pamahalaan si Blanco.
Nakababahala ring ikapito ang Pilipinas sa mga bansang may “worst journalist killings” na may 14 na kasong hindi pa rin nalulutas sa loob ng 10 taon, ayon sa Committee to Protect Journalists (CPJ). Bukod dito, 15 taon na ring napabibilang ang Pilipinas sa 11 nangungunang bansa sa Global Impunity Index ng CPJ. Patunay na mapanganib ang pagtahak sa larangan. Hindi malaya ang pamamahayag sa ating bansa.
Kahindik-hindik ang maging isang mamamahayag sa Pilipinas. Gayunpaman, naninindigan ang Ang Pahayagang Plaridel (APP) na hindi dapat manahimik at magpasindak sa lumalapastangan ng ating karapatan sa malayang pamamahayag. Hindi dapat tayo magpatinag sa kanila at hindi natin dapat hayaang makitilan ng boses ang mga mamamayan. Karapatan ng taumbayang malaman ang katotohanan. Higit pa rito, patuloy tayong lumaban para sa katarungan.
Karapatan natin ang malayang makapagpahayag kaya isang malaking pagbabanta sa ating kalayaan, hindi lamang sa malayang pamamahayag, ang pagpaslang kina Lapid at Blanco. Naniniwala ang APP na kailangang magkaisa ng lahat sa pagtindig at paglaban para sa katotohanan at katarungan tungo sa ating pagkamit sa isang tunay na malaya at ligtas na lipunan.