Pagbabalik ng mga face-to-face na klase sa PE, inusisa

Dibuho ni Jillianne Ocampo

GALAK AT PAGOD—dalawang salitang naglalarawan sa pananaw ng mga estudyanteng Lasalyano sa pagbabalik face-to-face ng mga klase sa pisikal na edukasyon (PE). Maaalalang noong kasagsagan ng pandemya, napilitang ilipat online ang lahat ng klase sa mga kursong Physical Fitness and Wellness (GEFTWEL), Physical Fitness and Wellness in Dance (GEDANCE), Physical Fitness and Wellness in Individual Sports (GESPORT), at Physical Fitness and Wellness in Team Sports (GETEAMS). 

Naging pokus ng GESPORTS at GETEAMS noong online na klase ang paglalaro ng Mobile Legends: Bang Bang at chess. Inilipat din sa online na pamamaraan ang nakasanayang pagsayaw at pag-eehersisyo sa GEDANCE at GEFTWEL. Matapos ang higit dalawang taong pagharap ng mga estudyante sa iskrin ng kaniya-kaniyang gadyet, muling pinahintulutan ng pamunuan ng Pamantasang De La Salle (DLSU) ang face-to-face na pagsasagawa ng mga klase sa PE.

Kahalagahan ng pisikal na klase

Umani ng positibong komento at reaksiyon ang pagbabalik ng mga face-to-face na klase sa PE. Kinapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) sina Sean Kim, estudyante ng GETEAMS, at Alecxis Libang, kasalukuyang kumukuha ng GEFTWEL, upang hingin ang kanilang saloobin ukol sa pagsasagawa ng klase sa PE sa pisikal na pamamaraan.

Ibinahagi ni Kim ang kaniyang karanasan at ang kahalagahan ng face-to-face na klase, “Parang napansin ko na ‘di ba nga GETEAMS so makikita mo talaga yung teamwork doon, ‘yung interaction namin ‘yung pagiging tight namin sa isa’t isa parang hindi lang sa loob ng Razon, kundi lumalabas na rin sa ibang classes….lumalabas na sa classroom.”

Aminado naman si Libang na mas epektibo ang face-to-face na klase sa PE kompara sa online kahit na mas nakapapagod. Bukod dito, batid ng estudyanteng naisasakatuparan ang tunay na hangarin ng asignatura sa pisikal na klase dahil mas nahihikayat sila ng mga propesor na mag-ehersisyo. 

Gayunpaman, kinakailangang masunod ang mga panuntunang pankalusugang itinalaga ng DLSU upang masiguro ang kaligtasan ng mga estudyante at guro. Ilan sa mga hakbang na isinasakatuparan ang pagkakaroon ng sapat na social distancing, maayos na bentilasyon sa loob ng silid-aralan, at pagsagot ng self-health check o declaration form ng mga estudyante bago pumasok sa klase.

Pagpabor sa face-to-face na klase

Pinapaboran din ng dalawang estudyanteng Lasalyano ang face-to-face na klase dahil sa mga benepisyo ng pagkakaroon ng pisikal na interaksyon, tulad ng mas interaktibong paraan ng pangangasiwa ng mga propesor. Ayon sa mga nakapanayam ng APP, madalas na hindi nagiging akma ang sistema ng ibang propesor noong online ang PE. “Imbis na ‘yung chess, ‘yung kung saan nakatatak ‘yung prof ko, sa warm-ups na lang siya mas nakafocus so. . . more on sa physical na ehersisyo ‘yung mas finofocus namin. . . ganon din sa ibang PE subject na natapos ko na na very workout intense,” pagbabahagi ni Kim. 

Marami ring balakid ang nabigyang-solusyon ng pagbabalik ng face-to-face na klase. Ayon sa isa ring kumukuha ng GEFTWEL na si Carl Mamuri, hindi na limitado ang espasyo at kagamitang kailangan sa pagsasagawa ng mga aktibidad sa PE dahil sa Pamantasan na ginagawa ang mga ito.

Pananaw nina Libang at Kim, higit na mas makabubuti ang kasalukuyang takbo ng mga klase sa PE. May kaakibat mang pagod ang pagpasok nang face-to-face para kina Martin Carreon na kasalukuyang kumukuha ng kursong GESPORT at Libang, kaya anilang isakripisyo ito upang magkaroon ng mas maayos na pakikisalamuha sa kanilang mga kaklase at makuha ang sapat na pagkatuto sa kinukuhang asignatura.