NANANATILING AKTIBO ang Office of Counseling and Career Services (OCCS) sa paglulunsad ng mga inisyatiba at proyekto upang mapanatili ang kaayusan sa kalagayang-kaisipan at karera ng mga estudyanteng Lasalyano sa Pamantasan.
Sa isinagawang panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), ibinahagi ni University Counselor Bon Homme Richard Torres ang mga serbisyong inihahandog ng OCCS sa pamayanang Lasalyano at ang karanasan ng kanilang opisina sa muling pagbabalik ng mga face-to-face na klase.
Transisyon sa face-to-face na moda
Nakatuon ang OCCS sa paglinang ng maayos na kaisipan ng mga estudyanteng Lasalyano at pagpapaunlad ng kanilang mga karera. Isinasakatuparan nila ang kanilang mga layunin sa pamamagitan ng kanilang mga binuong programa at interbensyon tulad ng webinar at pagpapayo, telemental health services, at kursong Student Affairs Services (SAS).
Nakikipag-ugnayan din ang kanilang opisina sa iba’t ibang yunit ng Pamantasan tulad ng Lasallian Core Curriculum at Lasallian Center for Inclusion, Diversity, and Well-being para sa kanilang mga proyekto. Inilunsad ng OCCS katuwang ng dalawang nasabing opisina ang webinar na “Understanding and Responding to Students’ Mental Health Needs” nitong Disyembre 7. Layon nitong bigyang-ideya ang mga Lasalyano ukol sa mga umiiral na patakaran at serbisyo sa Pamantasan kaugnay ng mental health.
Ibinahagi rin ni Torres sa APP na nanumbalik na ang mga face-to-face na counseling sa kanilang opisina. Subalit, magpapatuloy pa rin ang pagbibigay ng mga serbisyo sa online na setup tulad ng telemental health. Ani Torres, layon ng counseling ang magbigay-tulong sa mga estudyanteng mayroong kinahaharap na suliraning may kaugnayan sa kanilang sikolohikal, akademiko, o personal na aspekto, maging ang pagpili ng karerang tatahakin.
Napansin ni Torres sa kanilang mga pagpupulong na mas malaking bilang ng mga estudyanteng Lasalyano ang kumukonsulta noong nagsimula ang pandemya. Unti-unti namang dumarami ang humihiling ng face-to-face na sesyon sa kaniya-kaniyang counselor ngayong pagbabalik face-to-face ng mga klase. Samantala, maaga pa aniya upang masabing mas marami ito kompara sa bilang ng mga nagpapakonsulta noong pandemya.
Kaugnay nito, ibinahagi ni Torres na ilan sa mga alalahaning natatanggap ng kanilang opisina ang pagod mula sa paggamit ng pampublikong transportasyon, paninibago sa pagtira sa dormitoryo, at pakikihalubilo sa mga kaklaseng hindi pa nila lubos kakilala.
Pagtanggap ng serbisyo
Kaakibat ng muling pagbabalik ng face-to-face na mga klase at aktibidad sa kampus ang muling pakikisalamuha ng mga estudyante nang harapan sa isa’t isa. Bilang tugon sa kanilang nararamdamang pagkabahala, binigyang-diin ni Torres na makatutulong na matukoy aling aspekto ng transisyon ang nagdudulot nito upang mabigyan ng maagap na pagtugon.
Ilan sa mga mungkahing inilatag niya ang pagsasaayos ng paraan ng pagkatuto, ugali sa pag-aaral, at sistema ayon sa pangangailangan ng face-to-face na moda. Maaari ring maghanap ng bagong coping mechanism na makatutulong sa estado ng kaisipan tulad ng pakikisalamuha sa kapwa at pag-aalaga sa pisikal na katawan. Makatutulong din aniya ang pagiging sensitibo at pagbibigay-suporta sa mga kaibigan at kakilala.
Subalit, binigyang-diin ni Torres na mahalaga pa ring humingi ng tulong mula sa mga propesyonal tulad ng mga counselor ng OCCS. “Ang paghingi ng propesyonal na tulong ay isa sa mga best option na meron kayo lalo kapag nahihirapan na kayong [unawain] at i-manage ang inyong sarili sa pagharap ng inyong issues or concerns,” paalala ni Torres sa mga nag-aatubili pang humingi ng tulong.
Sa mga estudyanteng nagnanais makatanggap ng serbisyo ng OCCS, mangyaring magtungo lamang sa Room 203 ng Br. Connon Hall o makipag-ugnayan sa kanilang email na [email protected] at Facebook page na DLSU Office of Counseling and Career Services. Maaari ring magpadala ng mensahe o tumawag sa opisyal na numero ng 0928-454-6489 at 0905-221-6924. Bukas ang tanggapan tuwing Lunes hanggang Sabado mula ika-8 ng umaga hanggang ika-5 ng hapon.
Maaari ring tumungo ang mga estudyante sa Mental Health Task Force. Tutugunan ng mga estudyanteng boluntaryong naglilingkod para sa nasabing opisina ang mga alalahaning ibabahagi sa kanila. Ipadala lamang ang mensahe sa email na [email protected] mula Lunes hanggang Biyernes sa ganap na ika-8 na umaga hanggang ika-5 ng hapon.