IPINAMALAS ng ECHO Loud Aura Philippines ang bagsik ng koponang Pilipino matapos pabagsakin ang Rex Regum Qeon Hoshi (RRQ), 3-1, sa lower bracket finals ng M4 2022 World Championships Mobile Legends: Bang Bang kagabi, Enero 14 sa Tennis Indoor Stadium Senayan.
Agarang dinomina ng ECHO sa pagbubukas ng unang laban ang RRQ Hoshi matapos maging agresibo sa opensa at makamit ang objectives. Tila nawasak naman ang estratehiya ng Indonesian-based squad nang magpakitang-gilas si jungler ECHO KarlTzy matapos ang clutch na pagsungkit ng Lord. Hawak ang umaatikabong momentum, tuluyang nailigpit ng koponang Pilipino ang mga katunggali sa unang laban, 1-0.
Naging maingat ang galawan ng RRQ Hoshi sa pagpasok ng ikalawang laban. Bitbit ang hangaring makabawi, pinuntirya ng Indonesian-based squad ang objectives kasama na ang pagtapat sa agresibong porma ng ECHO. Sumiklab din ang diwa ni RRQ Alberttt matapos iparamdam ang bagsik ni Karina nang kunin ang Lord at lustayin ang koponang Pilipino, 1-all.
Kapit-bisig namang binuksan ng ECHO ang ikatlong laban matapos ipamalas muli ang kanilang rumaragasang opensa. Umarangkada si ECHO Sanji matapos tumudla ng nagbabagang killing spree na sinundan pa ng pagkuha ng Lord ni ECHO KarlTzy. Sinubukan pang bumawi nina RRQ Alberttt at Skylar ngunit hindi na hinayaan pa nina ECHO Sanford at Bennyqt ang pagkakataong angkinin ang ikalawang panalo, 2-1.
Hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang ECHO na tuldukan ang bakbakan nang ipagpatuloy ang kanilang malasiling momentum. Nagpakitang-gilas muli si jungler ECHO KarlTzy gamit si Akai nang angkinin ang Lord at magtala ng nakamamanghang sampung assist upang pigilan ang Indonesian-based squad na makabwelo. Kaakibat nito, tuluyang gumuho ang RRQ Hoshi at masilakbong naselyuhan ng koponang Pilipino ang puwesto sa grand finals, 3-1.
Kaakibat ng panalong ito, papasok ang ECHO sa grand finals ng torneo at muling magtutuos kontra sa defending champions Blacklist International. Abangan ang kapana-panabik na tapatan ng dalawang koponang Pilipino mamaya, ika-6:30 ng gabi sa Tennis Indoor Stadium Senayan.