NAGBITIW sa puwesto ang sampung opisyales habang itinalaga naman ang siyam na bagong opisyales ng University Student Government (USG) at Laguna Campus Student Government (LCSG) sa ikalawang espesyal na sesyon ng Legislative Assembly (LA), Pebrero 1.
Pagbaba sa puwesto
Pinangunahan ni Chedrin Rheyein Tan, BLAZE2022, ang pagtalakay ukol sa sarili niyang pagbibitiw sa panunungkulan. Ayon sa kaniyang liham ng pagbibitiw, hindi na sapat ang kaniyang mga yunit bilang isang estudyante sa Pamantasan para ipagpatuloy pa ang kaniyang posisyon hanggang sa dulo ng akademikong taong ito.
Pinuri ni Sen Lecitona, FAST2019, si C. Tan, at inilahad na naibigay ni C. Tan ang kaniyang 101% sa paglilingkod para sa kaniyang batch at Pamantasan. Pinasalamatan naman ni C. Tan ang mga kinatawan ng LA at binanggit na inaasahan niyang naibigay niya ang kaniyang buong husay sa kaniyang termino.
Inihain naman ni Keil Finez, CATCH2T23, ang mga resolusyon sa pagbibitiw nina Bryan Daniel Camarillo at Eliana Louise Misa bilang batch president at batch vice president ng CATCH2T23. Ipinaabot ni Misa ang kaniyang pasasalamat para sa oportunidad na ibinigay sa kaniya bilang batch vice president sa isang pahayag na kaniyang ipinadala kay Finez.
Nagbitiw sina Misa at Camarillo upang mas bigyang-tuon ang kanilang gawaing akademiko. Kasalukuyang sumasailalim si Misa sa kaniyang capstone project sa senior year habang nahihirapan si Camarillo sa pagbalanse ng kaniyang mga tungkulin bilang opisyal at estudyante.
Pinangasiwaan naman ni Simon Kabiling, CATCH2T26, ang pagbibitiw nina Aliexandra Heart Po at Bianca Mari Cuales bilang batch president at batch vice president ng CATCH2T25. Dulot naman ng personal na kadahilanan ang pagbibitiw nina Po at Cuales.
Sunod namang tinalakay ni Lana Leigh Santos, CATCH2T24, ang pagbibitiw nina Francis Doble at Frances Danielle Solis bilang batch president at batch vice president ng CATCH2T24. Ayon kay Solis, kinakailangan niyang bigyang-priyoridad ang kaniyang mga akademikong responsibilidad at ibalanse ang kaniyang workload. Samantala, tatahakin ni Doble ang mas mataas na posisyon sa USG upang mas mapaglingkuran ang kaniyang mga kapwa estudyante.
Isinapormal ang pagbibitiw nina C. Tan, Misa, Camarillo, Cuales, Po, Solis, at Doble matapos makatanggap ng botong 26 for, 0 against, at 0 abstain.
Inilatag naman ni Aeneas DR Hernandez, EXCEL2022, ang pagbibitiw nina Marie Angeline Trinidad at Lauren Gabrielle Morada bilang batch president at batch vice president ng EXCEL2022. Ayon kina Trinidad at Morada, nais nilang tutukan ang kanilang gawaing akademiko lalo na at nasa huling dalawang termino na si Morada ng kolehiyo.
Binigyang-pasasalamat ni Hernandez sina Trinidad at Morada para sa kanilang serbisyo bilang kaniyang katrabaho. Inaprubahan ang kanilang mga pagbibitiw sa botong 24-0-0 at 23-0-0. Hindi naman na umabot sa 26 ang mga boto bunsod ng pagbibitiw ni C. Tan at pag-alis ng ilang kinatawan sa sesyon.
Ipinabatid naman ni Santos ang pagbibitiw ni Chelsea Alexandra Alabanza bilang College of Computer Studies (CCS) college president. Inusisa ni Francis Loja, EXCEL2023, ang dahilan sa pagbibitiw ni Alabanza dahil kahihirang lamang sa kaniya noong nakaraang termino.
Kaugnay nito, ibinahagi ni Alabanza na nakararanas siya ng mga isyu sa kaniyang pisikal at mental na kalusugan. Pinaplano rin niyang magpokus sa kaniyang gawaing akademiko dahil isasagawa na niya ang kaniyang practicum sa susunod na termino. Bunsod nito, inamin niyang hindi niya maibibigay ang kaniyang 100% na serbisyo sa USG.
Pahayag din ni Alabanza, “It was really an honor to serve my college and be someone who was the voice of the students.” Isinapinal ang resolusyon sa botong 20-0-0.
Plano ng mga hinirang
Binigyang-pagkakataon naman ang mga kandidato na ipahayag ang kanilang mga plano at hangarin sakaling maitalaga sa puwesto. Mapapansing mula sa CCS ang karamihan ng mga itinalaga sa sesyon.
Inilahad ni Doble, tumatakbong CCS college president, na plano niyang pausbungin ang kalinangan ng mga estudyante at pagtibayin ang serbisyong pangmag-aaral ng kolehiyo. Alinsunod nito, magtatatag siya ng student services council upang bigyang-daan ang mas organisadong pagpapakalat ng impormasyon.
Itinalaga si Doble bilang CCS college president sa botong 21-0-0 bilang kapalit ni Alabanza sa puwesto. Matatandaang kabibitiw lamang ni Doble bilang batch president ng CATCH2T24 sa sesyon.
Ipinahayag din ni Nicole Gene Dans, tumatakbong batch president ng CATCH2T24, ang kaniyang planong maghandog ng kalidad na serbisyong pangmag-aaral at maghatid ng mga oportunidad upang magbigay–kapangyarihan sa kaniyang batch.
Binigyang-diin ni Dans na marami pa silang oras para paghandaan ang kaniyang mga ipinapanukalang proyekto nang tanungin siya ni Hernandez ukol sa posibilidad nito. Bukod pa rito, nauudyok din ang mga miyembro ng organisasyon na ipatupad ang mga naturang proyekto dahil kapaki-pakinabang din ito para sa kanila.
Wika naman ni Eldrich Jadrian Go, tumatakbong batch vice president ng CATCH2T24, sa kaniyang presentasyon, “I envision the batch student government to be a student government that takes initiative, to listen to the needs of our batchmates, and to serve them by creating events or initiative plans based on what we heard from them.”
Inaprubahan ang mga resolusyon ukol kina Dans at Go sa parehong botong 22-0-0.
Hangad naman ni John Exequiel Corpuz, tumatakbong batch president ng CATCH2T25, na magtatag ng isang progresibong CATCH2T25. Aniya, magagawa ito sa tulong ng mga proyektong nakatuon sa pagpapunlad ng sarili, pagpapatibay ng mga koneksyon, at paglinang ng kamalayan.
Nais naman ni Kaye Diosa Suba, tumatakbong batch vice president ng CATCH2T25, na ibalik ang pagtanggap at progresibong asal na nakuha niya mula sa organisasyon. Kaugnay nito, layon niyang magpatupad ng mga proyekto na magpapataas ng interaksyon ng mga estudyante sa isa’t isa at makahanap ng mga oportunidad sa kasalukuyan at pati na rin para sa kanilang kinabukasan.
Pagkatapos magpresenta nina J. Corpuz at Suba, kinuwestiyon ni Hernandez ang kanilang rason sa hindi pagtakbo sa nagdaang eleksyon. Ani J. Corpuz, hindi siya tumakbo sa eleksyon dahil kasalukuyan siyang chief of staff ng CATCH2T25. Bukod pa rito, napag-isipan niyang mahirang bilang batch president dahil isa siya sa pinaka-kwalipikadong tao para palitan si Po at ipagpatuloy ang kanilang adhikain para sa batch.
Ipinaliwanag naman ni Suba na naniniwala siyang mayroong ibang tao na mas karapat-dapat na mamuno kaysa sa kaniya noong nakaraang taon. Subalit, nagkaroon na siya ng kakayahang mamuno ngayon dulot ng kaniyang karanasan bilang dating organizational development executive ng CATCH2T25.
Sa ipinadalang mensahe naman ni Ashley Nicole Corpuz, tumatakbong batch vice president ng CATCH2T26, iginiit niyang dedikado siya sa pakikipag-ugnayan sa ibang miyembro ng CATCH2T26 upang dumisenyo ng mga programa at inisyatibang makapagbubunga ng kolaborasyon, kritikal na pag-iisip, at pamumuno.
Dagdag pa niya, itataguyod niya ang pagkakaroon ng pantay na akses sa kalidad na edukasyon at kagamitan, at pagkakaisa ng mga estudyante. “By implementing these initiatives, I am confident that we can create a positive and supportive environment where all students feel valued and included, and are inspired to reach their full potential,” pagtatapos niya.
Itinaguyod ni Kabiling ang mga resolusyon sa paghirang kanila J. Corpuz, Suba, at A. Corpuz. Ipinasa ang mga resolusyon sa mga botong 23-0-0, 21-0-0, at 22-0-0.
Iprinesenta rin ni Arhen Richmond Nuguid, tumatakbong kinatawan ng LA ng BLAZE2022, na napagtanto niya ang kahalagahan ng pagsasaayos ng Animospace at pagsulong ng open business learning nang lumipat sa hybrid learning ang Pamantasan. Dulot nito, napagdesisyunan niyang maging bahagi ng LA upang mas pagtuunan ang paggawa ng patakaran para dito.
Sa botong 21-0-0, ipinasa ang resolusyon sa ilalim ng pagtataguyod ni Emerina Penaflor, BLAZE2023.
Ipinaalam naman ni Raphaela Tan, 75th ENG, ang mga pahayag nina Aliyah Climacosa, tumatakbong Gokongwei College of Engineering representative ng LCSG, at Cuen Habulin, tumatakbong campus treasurer, dahil hindi sila nakadalo sa sesyon.
Kabilang sa mga plano ni Climacosa ang pag-rebrand ng Facebook page ng kaniyang kolehiyo upang ikonekta ang mga kulay nito sa konsepto ng inhinyero at paggawa ng concern form upang mas madali silang makausap ng mga estudyante. Ilan naman sa mga proyekto ni Habulin ang pagsasakatuparan ng pahiram program na magsisilbing device lending program at ang paggawa ng mga scholarship at grant.
Inaprubahan ang panunungkulan ng mga bagong opisyal ng LCSG sa parehong botong 22-0-0.