Green Spikers, kinapos matapos ang sagupaan kontra Tiger Spikers

kuha ni Adrian Teves

PALYADO ang pana ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers laban sa bangis ng University of Santo Tomas (UST) Tiger Spikers sa loob ng apat na set, 22-25, 25-23, 22-25, 19-25, sa kanilang season opener sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 Men’s Volleyball Tournament, Pebrero 26 sa Mall of Asia Arena, Pasay City.

Umarangkada si Green Spiker John Ronquillo para sa Taft-based squad matapos sumungkit ng 18 puntos. Kaakibat niya sa pagpuntos si Green Spiker Noel Kampton na humakot ng 11 puntos. 

Bumida naman sa hanay ng Tiger Spikers si rookie Josh Ybañez matapos magpakawala ng 24 na puntos. Sumagot din sa opensa sina Tiger Spikers Rey De Vega at Jay De La Noche matapos magtala ng kabuuang 34 na puntos.

Maagang nagpasiklab si De Vega sa unang set matapos makakuha ng magkasunod na ace, 5-8. Samantala, nakahabol ang Green Spikers matapos bumulusok ang off-the-block hit ni Ronquillo, 14-13. Nagpatuloy ang paghadlang ng depensa ng UST at tuluyang natamo ang momentum, 22-25.

Agad na umabante ang DLSU sa ikalawang set matapos makalamang ng anim na puntos bunsod ng kanilang matatayog na block, 8-2. Tuluyang bumida ang puwersa ng naturang koponan sa pangunguna ni Ronquillo, 16-13. Sa kabilang banda, nabutasan ni De Vega ang mala-pader na depensa ng DLSU upang itabla ang laban, 21-all. Agad namang sumagot si Green Spiker Ronquillo at matagumpay na tinuldukan ang ikalawang set matapos ang sunod-sunod na error ng UST, 25-23.

Mainit na bakbakan pa rin ang tema sa ikatlong set matapos ang dikit na laban. Isang back-to-back affair ang naganap sa dalawang koponan matapos magpalitan ng tirada na nauwi sa iskor na 19-19. Naagaw ng Tiger Spikers ang momentum at tuluyang nasungkit ang ikatlong set mula sa naghahabol na Green Spikers, 22-25.

Naging mapurol ang depensa ng Green Spikers sa pagbubukas ng ikaapat na set. Agad namang kinuha ng Tiger Spikers ang oportunidad upang palakihin ang kalamangan, 8-11. Bunsod nito, tuluyang pinatikim ng mga taga-España ang mapait na pagkatalo sa Taft-based spikers, 19-25.

Susunod na haharapin ng DLSU Green Spikers ang puwersa ng University of the Philippines Fighting Maroons sa darating na Miyerkules, Marso 1, ika-12 ng hapon sa PhilSports Arena.