IBINULSA ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang kanilang unang panalo kontra University of Santo Tomas (UST) Golden Tigresses matapos ang dikdikang sagupaan sa loob ng limang set, 25-20, 16-25, 25-8, 15-25, 16-14, sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 Women’s Volleyball Tournament, Pebrero 26, sa SM Mall of Asia Arena.
Agarang umaksyon ang super rookie na si Angel Canino matapos makapagsumite ng 18 puntos na binubuo ng 16 na atake, isang block, at isang ace. Hindi rin nagpatinag ang puwersang hatid nina Jolina Dela Cruz at Leila Cruz matapos makapag-ambag ng pinagsamang 26 na puntos.
Nagpakitang-gilas naman si Golden Tigress Eya Laure matapos makapagtala ng nagbabagang 19 na puntos upang itaas ang bandera ng UST. Umalalay din sina Milena Alessandrini at Regina Jurado tangan ang pinagsanib-puwersang 18 marka.
Maagang kalbaryo ang pinalasap ng Golden Tigresses sa pagbukas ng unang set matapos ang hindi mapigilang pagbomba ni Laure, 0-5. Gayunpaman, agarang binasag nila Lady Spikers Canino, Dela Cruz, at Fifi Sharma ang alingangaw ng España-based squad matapos magpakawala ng mga pinagsamang tirada, 8-12. Tuluyang nangibabaw ang mga solidong hampas at off-the-block hit ni Canino na naging dahilan ng pag-agaw nito ng momentum, 20-19. Bunsod nito, tila natulog ang puwersa ng Golden Tigresses na naghatid ng sunod-sunod na errors, 25-20.
Sa kabila ng umaalab na sagutan ng Lady Spikers at Golden Tigresses sa umpisa ng ikalawang set, sinelyuhan ni Golden Tigress Imee Hernandez sa gitna ang pitong abante ng mga taga-España, 12-19. Hindi naman nakaporma pa ang Taft-based squad nang magtala ng dalawang magkasunod na puntos si Laure upang bitbitin ang talaan sa 16-25.
Rumatsada ang Lady Spikers sa ikatlong set matapos magpaulan ng walong magkakasunod na puntos, 8-0. Sinikap ng koponan ang pag-arangkada sa dulong bahagi sa pangunguna ni Canino matapos ang isang atake mula sa likod, 16-8. Tuluyan namang siniil ni Team Captain Marionne Alba ang 9-0 run at 2-1 bentahe ng Lady Spikers nang magpakawala ito ng isang ace, 25-8.
Buena manong running at quick attack ang ipinamalas ni Taft Tower Thea Gagate sa pagsalubong ng ikaapat na set, 2-1. Sa kabilang banda, hindi nagpahuli si Laure nang maibaon ang backrow attack nito tangan ang pag-akyat sa apat na kalamangan ng koponan, 7-11. Sinubukan namang buhayin ni Canino ang dilaab ng Taft-based squad buhat ng kagimbal-gimbal na atake sa zone 6, 13-19. Gayunpaman, hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Alessandrini na selyuhan ang ikaapat na set mula sa kaniyang down-the-line hit, 15-25.
Maagang nagpasiklab ang Lady Spikers sa decider nang pumuntos ang mga ito ng apat na abante, 5-1. Hindi naman nagpatinag ang mga tigre at nagawang umangat ng isang marka sa dulong bahagi ng sagupaan, 12-13, gamit ang atake ni Janna Torres sa gitna. Ngunit, hindi na nakapalag pa ang Golden Tigresses at tuluyang ipinamigay ang panalo sa Lady Spikers nang hindi naitawid ni Laure ang kaniyang atake, 16-14.
“Nasa isip ko lang po talaga, atin ‘to. Papakita po namin kung sino kami as Lady Spikers and kung ano ang kaya namin,” ani Canino sa panayam sa kaniya.
Bunsod nito, napasakamay ng Lady Spikers ang 1-0 kartada sa ikalawang araw ng pagbulusok ng kompetisyon.
Susunod na makahaharap ng DLSU Lady Spikers ang University of the Philippines Fighting Maroons sa darating na Marso 1, ika-4 ng hapon, sa parehong lugar.