DINAGSA ng mga estudyante at alumni ng Pamantasang De La Salle ang Job Expo na pinamagatang Stellaris: Surpassing Boundaries sa Corazon Aquino Democratic Space, Pebrero 20 hanggang 22. Nagpatuloy naman ang mga programa ng bawat kompanya hanggang Pebrero 25.
Matatandaang isinagawa nang birtwal noong nakaraang taon ang company roadshow dulot ng kinahaharap na pandemya. Itutuloy naman ang ikalawang bahagi ng Job Expo sa Marso 8 hanggang 10.
Pagbabalik sa face-to-face na moda
Ibinida ang mahigit 80 lokal at multinasyonal na mga kompanya sa Stellaris na pinangasiwaan ng Office of Counseling and Career Services (OCCS). Umabot naman ng mahigit 1,500 undergraduate at graduate na estudyante kada-araw ang nagsidalo sa programa.Layon ng programang tulungan ang mga estudyanteng naghahanap ng internship at trabaho.
“Through the Job Expo, we hope to provide our undergraduate, graduate students, and alumni the exceptional opportunity to interact and create connections with business representatives and equip themselves with the necessary knowledge and skills,” pagbibigay-linaw ni John Vincent Limsico, team head ng Publicity ng Stellaris.
Hinango ang temang Stellaris: Surpassing Boundaries sa pagiging malawak ng daigidig na nilalakbay ng mga Lasalyano, habang inaabot ang mga pangarap na may kaakibat na pagsubok. “They will write a new chapter in their history by exploring different possibilities. Their achievements shall fulfill the dreams of exploring the unknown,” ani Limsico.
Dagdag pa rito, nagkaroon din ng pagkakataong makadalo ang mga estudyante sa mga company talk ng mga diamond at gold partner ng Stellaris na isinagawa sa mga silid-aralan ng Don Enrico T. Yuchengco Hall. Kabilang dito ang Aboitiz Equity Ventures, Inc., Accenture, Metrobank Company, Mondelez International, at ING Business Shared Services. Mayroon namang 10 gold partners at ilan dito ang Oracle Philippines, Huawei Technologies Phils. Inc., at First Gen Cooperation.
Bunsod nito, napabuti ng pagbabalik sa face-to-face na moda ang kalidad ng Job Expo na tinamasa ng mga Lasalyano, batay kay Limisco. Sa pagpapalipawanag niya, naging mas kapaki-pakinabang ang Job Expo ngayong taon sapagkat binigyang-pagkakataon ang mga estudyante at alumni na direktang makipag-ugnayan sa mga kompanya. Naging maganda rin ang tugon ng mga kompanyang lumahok sa Job Expo sa mga Lasalyano at sa mismong programa.
Paghahanda ng mga tagapangasiwa
Pinangasiwaan ng mga estudyanteng kinatawan sa ilalim ng OCCS ang isinagawang Job Expo. Ayon kay Anne Limsico, team head ng Marketing for Companies, ang pagkokonsepto sa pagsasagawa ng programa ng face-to-face ang kanilang pinakamalaking kinaharap na pagsubok.
Pagpapakalat naman ng impormasyon ukol sa programa sa loob ng Pamantasan ang pinakamalaking pagsubok na kinaharap ng Publicity, ayon kay J. Limsico. Ilan sa naisip nilang paraan ang lubusang paggamit ng mga espasyo ng Pamantasan tulad ng pagkakabit ng mga tarpaulin sa Green Street, Bloemen Blackboard, at mga elevator. Subalit, bigo silang maipatupad ang mga ito ngayong taon.
Samantala, siniguro ng Logistics na maayos na naproseso ang lahat ng kinailangang rekisito para sa tatlong araw na face-to-face na aktibidad. Ayon kay Samantha Mamuric, team head ng Logistics. “We made sure to familiarize ourselves with the revised processes with the DLSU offices, especially as we have shifted to using The CONCiERGE as a one-stop service platform for the majority of our service requests.”
Nakipagtulungan naman ang Linkages sa pakikipag-ugnayan sa mga lalahok na kompanya at pagreserba ng mga kinailangang kagamitan nito sa kanilang mga booth. Kumuha rin ang Food Team ng iba’t ibang sponsor upang makahikayat ng maraming estudyanteng dadalo.
Hindi rin kinalimutan ng Souvenirs Team ang pagtawag ng mga tagapagtustos para sa mga ibibigay ng kanilang opisina sa mga kinatawan ng kompanya, ayon kay Sophia Durana, team head ng Souvenir. Kabilang sa mga ipinamahaging souvenir ang mga panulat, memo pad, backpack, sobre, at sertipiko.
Maayos na inorganisa naman ng Documentations Team ang iba’t ibang kailangang dokumento para sa mismong programa. Batay kay Marguerita Cabusido, team head ng Documentations, nakipagpulong muna ang kanilang pangkat sa mga alumni na nangasiwa ng face-to-face na Job Expo bago ang pandemya upang malaman ang iba’t ibang responsibilidad ng mga miyembro. “We then plotted our calendar and aligned it with the other teams,” dagdag niya.
Bilang pagtatapos, ibinida ni J. Limsico na ikinagagalak ng mga kompanya ang kanilang pagdalo at inaasahang makikipagsosyo muli sa susunod na Job Expo. “They were excited to hear and see that the students were interested to learn more about their companies and their career opportunities during the expo,” aniya. Gayundin, sabik ang mga estudyanteng malaman ang ginagawa ng mga kompanya at ang mga trabahong maaari nilang matanggap mula sa mga ito.
Nagbigay din ng kaparehong interes ang mga Lasalyano sapagkat nakatanggap din ng mga katanungan ang OCCS tungkol sa kanilang susunod na paglulunsad ng Job Expo.