HINAGUPIT ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang sandatahan ng University of the Philippines (UP) Fighting Maroons matapos mamayagpag sa loob ng straight sets, 25-14, 25-20, 25-14, sa unang yugto ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 Women’s Volleyball Tournament, Marso 1, sa SM Mall of Asia Arena, Pasay City.
Muling nagpasiklab si Lady Spiker Angel Canino nang tumikada ng 11 atake at dalawang ace. Nakapag-ambag din ng kabuuang 22 puntos sina Jolina Dela Cruz at Thea Gagate upang makamit ang ikalawang panalo sa torneo.
Nagpakitang-gilas naman sa hanay ng Fighting Maroons si Stephanie Bustrillo matapos magtala ng 10 puntos. Umagapay din si Alyssa Bertolano nang umukit ng pitong marka mula sa anim na atake at isang block.
Hindi na nagpatumpik-tumpik si Taft Tower Gagate matapos magpakawala ng dalawang quick attack sa pagbubukas ng unang set, 4-0. Sa kabilang banda, binomba ni Jewel Encarnacion ng crosscourt attack ang kalaban upang pigilan ang sunod-sunod nilang pagtirada, 13-7. Hindi naman nagpaawat si Canino nang mailapag ang nagbabagang atake sa zone 6 upang tuldukan ang mahabang rally, 22-11. Bunsod nito, sinubukang kumapit ni Bertolano tangan ang kagimbal-gimbal na down-the-line hit, ngunit tuluyan din niyang ibinigay ang pagkapanalo sa Taft matapos magsumite ng service error, 25-14.
Inalagaan ng Lady Spikers ang momentum sa pagpasok ng ikalawang yugto, 3-1. Hindi naman nagpatinag ang Fighting Maroons at nakamit ang unang kalamangan sa naturang set, 9-10. Agad namang sumagot ng nag-aalab na running attack si Gagate upang itabla ang laban, 11-11. Naibalik naman ng Taft-based squad ang mabagsik nilang puwersa matapos magpaulan ng sunod-sunod na puntos upang selyuhan ang ikalawang set, 25-20.
Nagpatuloy ang pagbulusok ng Lady Spikers sa ikatlong set nang maagang magpasabog ng mga atake sina Canino, Cruz, at Dela Cruz upang makamtam ang walong kalamangan, 9-1. Sinubukang idikit ng mga Iskolar ng Bayan ang tala buhat ng ace at block nina Ethan Lainne Arce at Niña Ytang, 15-10, ngunit agad itong tinipak ni Gagate nang magpamalas ng dalawang magkasunod na palo sa gitna, 17-10.
Ipinatikim naman ni 6’2 Shevana Laput ang kaniyang husay sa UAAP nang magpasiklab ng dalawang magkasunod na hampas at block upang bitbitin ang Taft-based squad sa match point, 24-13. Natigil naman ang maagang pagdiriwang ng grupo nang hindi nagpatinag ang atake ni Bustrillo kontra sa higanteng pader ng Taft, 24-14.
Sa kabila ng pagtatangkang makahabol sa 10 kalamangan ng Lady Spikers, tuluyan nang naudlot ang inaasam na unang panalo ng Fighting Maroons sa inambag na off-the-block hit ni Laput, 25-14. Buhat nito, nananatiling malinis ang luntiang koponan sa talaan ng mga panalo hawak ang 2-0 na baraha.
Susubukang paigtingin ng Lady Spikers ang kanilang panalo-talo kartada kontra sa archrivals na Ateneo de Manila University Blue Eagles sa darating na Marso 5, ika-3 ng hapon, sa SM MOA Arena.