BINIHAG ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang mabangis na koponan ng University of the Philippines (UP) Fighting Maroons matapos ang masidhing salpukan sa tatlong set, 25-21, 25-20, 25-19, sa kanilang unang tapatan sa UAAP Season 85 Men’s Volleyball Tournament, Marso 1, sa Philsports Arena.
Pinangunahan ni Green Spiker Noel Kampton ang pag-arangkada ng Taft-based squad matapos magpaulan ng 13 puntos, anim na dig, at 13 spike upang pahinain ang kapit ng UP Fighting Maroons. Agresibong nagpakitang-gilas si Menard Guerrero sa pamamagitan ng kaniyang walong excellent dig at pitong excellent reception. Mainit ding nagpakawala si Angel Paul Serrano ng kumukulong 21 excellent set at isang service ace.
Agaw-atensyon naman ang ipinakitang galing ni Fighting Maroon Angelo Lagando nang trumabaho siya ng siyam na atake at limang block para sa grupo. Hindi rin nagpahuli si Fighting Maroon Louis Gamban matapos magpakita ng walong atake.
Naging dikit na karera ang pagkuha ng puntos sa pagitan ng Green Spikers at Fighting Maroons sa unang set ng laban. Subalit, pinatunayan ni Kampton ang dedikasyon na manalo ng koponan nang magpamalas ng mabigat na hampas. Mula dito, nagpatuloy ang momentum upang tuluyang maangkin ang unang set, 25-21.
Ipinagpatuloy naman ng Taft-based squad ang kanilang umaatikabong momentum sa pagpasok ng ikalawang set. Gayunpaman, sinikap ng Fighting Maroons na makabawi nang magpakitang-gilas muli ang kanilang kapitang si Gamban. Bumuwelta naman agad sa opensa ang Green Spikers nang iparamdam ni Kampton ang kaniyang mabalasik na presensya sa kort.
Tila naubusan ng enerhiya ang Diliman-based squad nang magpakawala ng kaliwa’t kanang tirada sina Billie Anima, JM Ronquillo, Nathaniel Del Pilar, at Kampton. Buhat nito, tuluyang napasakamay ng kalalakihan ng Taft ang ikalawang set, 25-20.
Pilit mang bawiin ng UP ang kalamangan ng DLSU, hindi na muling hinayaan pang makalusot ng Green Spikers matapos pumuslit ng tatlong mahahalagang puntos si Green Spiker Jules De Jesus na tumapos ng batalya, 25-19.
Sunod na haharapin ng Green Spikers ang kanilang archrival na Ateneo de Manila University Blue Eagles sa darating na Linggo, Marso 5, sa SM MOA Arena.