Dilaab ng tore: Lady Spikers, pinayuko ang sandatahan ng Lady Warriors!

Kuha ni Adrian Teves

NILAMPASO ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang hukbo ng University of the East (UE) Lady Warriors matapos mamayagpag sa loob ng straight sets, 25-20, 25-21, 25-14, sa unang yugto ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 Women’s Volleyball Tournament, Marso 8, sa Smart Araneta Coliseum.

Nagningning bilang Player of the Game si Taft Tower Thea Gagate bitbit ang 13 puntos mula sa walong atake, at limang block. Katuwang ni Gagate sa pagpuntos si super rookie Angel Canino matapos makapagtala ng walong puntos.  

Nagpasikat si Lady Warrior Vanessa Bangayan nang makapag-ambag siya ng 13 puntos para sa koponang red and white. Naging kasangga naman ni Bangayan si Lady Warrior Janeca Lana matapos pumukol ng 11 puntos. 

Pinasinayaan nina Lana at Bangayan ang pagpuntos mula sa kanilang magkasunod na atake, 0-2. Umukit din sa talaan si Lady Spiker Fifi Sharma nang umalagwa siya ng quick tip. Sinundan pa ito ng malabundok na block ni Canino at nang maibaon ni Lady Spiker Jolina Dela Cruz ang kaniyang spike, 9-8. Kasunod nito, masiglang pinigilan nina Canino at Gagate ang bola ng Lady Warriors, 14-10. Bagamat rumatsada ng magkasunod na parallel spike sina Bangayan at Lady Warrior Percae Nieva, hindi na pinatagal ni Gagate ang unang set nang magregalo siya ng quick tip, 25-20. 

Naging makipot naman ang talaan ng magkabilang koponan sa pagbubukas ng ikalawang set. Kasabay nito, nagsagutan ng mga tirada sina Canino at Lana gamit ang kanilang umaatikabong power hits, 14-13. Sa kabilang banda, naparalisa naman ang depensa ng Lady Warriors bunsod ng mabibigat na service ni playmaker Julia Coronel, 18-14. Kaakibat nito, tuluyan nang kumaripas ng takbo ang Lady Spikers matapos magsumite ng block at quick kill si Gagate, at panapos na tirada ni Dela Cruz mula sa crosscourt, 25-21. 

Matapos magsalitan ng pagpuntos ang dalawang koponan, nagpamalas ng nagbabagang spike si Lady Warrior KC Cepada, 9-6. Hindi nagpahuli si Gagate nang makapagtala siya ng tatlong sunod-sunod na block na nagpalawak ng kanilang kalamangan, 18-8. Rumatsada naman ng mabilis na dump si Lady Warrior Jhudielle Quizon matapos ang mahabang rally, 23-14. Pagkalipas ng ilang minuto, nagsanib-puwersa ang Taft towers na sina Leila Cruz at Gagate nang mahadlangan ang atake ng Lady Warriors upang makamtan ang kanilang pagkapanalo, 25-14.

Mapananatili kaya ng Lady Spikers ang kanilang malinis na kartada? Abangan ang kanilang susunod na sagupaan kontra Far Eastern University Lady Tamaraws sa darating na Sabado, Marso 11, sa ganap na ika-12 ng tanghali, sa PhilSports Arena.