Umusbong ang kadiliman sa Pamantasan matapos ang mahabang araw ng pag-aaral at pagtatrabaho. Tumindi ang pagkabalisa. Lumakas ang pintig ng puso. Pumatak ang pawis sa kabila ng malamig na kapaligiran. Kasabay ng sipol ng hangin ang pagtayo ng mga balahibo sa katawan. Bumilis ang hakbang ng mga paa—kaliwa, kanan, kaliwa, kanan. Huminga na lamang ng malalim, at lumingon sa likuran. Hindi maaninag ang katotohanan ngunit tila may mga matang nagmamasid sa bawat galaw. Sa tuwing nababahala, pumasok na ba sa isipang baka sa likod ng katatakutan, may mga kaluluwang nagmamakaawang ikuwento ang kanilang istorya? Walang sinoman ang may sapat na tapang ipahayag ang mga ito—hanggang sa ngayon.
Matapos ang mga restriksiyong naranasan dulot ng pandemya, muling umapak sa entablado ang DLSU Harlequin Theatre Guild (HTG) para sa “DuLa Salle 2k22 Campus Santo: Lasallian Urban Legends.” Ginanap ang dula nitong Marso 9 hanggang 11 sa Amphitheater ng Pamantasang De La Salle. Napanood din ito online sa pamamagitan ng isang paid livestream. Nagsilbing hurado naman sina Bb. Camille de Pedro, Direk Mark Aranal, Br. Richie Yap, FSC, Dr. Xiao Chua, at Bb. J-mee Katanyag nitong Marso 10 upang bigyang-parangal ang mga dula at mga indibidwal sa likod nito.
Handog ng Campus Santo ang mga nakakikilabot na kuwentong batay sa iba’t ibang alamat na bumabalot sa Pamantasan. Binubuo ito ng apat na dula: Laboratory: Burnout, Elevator: In Loving Memory, Classroom: Devil’s Coin, at Chapel: Stained Ghosts. Kathang-isip man o katotohanan, hindi maitatangging totoo ang takot at kabang nararamdaman tuwing nakaririnig ng mga kuwento ukol sa multo. Sa bawat dagundong ng dibdib, unti-unting nagiging realidad ang imahinasyon.
Pag-alala sa realidad
Bawat estudyante, magkakaiba man ang pinagdadaanan, pare-pareho pa ring umabot sa puntong nauupos na ang diwa. Dala ng pagod, unti-unting nawawala sa katinuan; hindi na mawari ang aktuwal na nangyayari. Kaya talagang dama ng bawat manonood, lalo ng mga estudyante, ang isinulat ni Bryll Jay Carilla na Laboratory: Burnout sa direksyon nina Aaron Job Viray at Ramon Alberto Palomares. Hango ang naturang dula sa sunog na nangyari sa isang laboratoryo sa ikaanim na palapag ng St. Joseph Hall.
Nakatutok naman ang kuwento kay Audrey, ang bidang masyadong abala sa mga gawaing may kaugnayan sa kaniyang pag-aaral, na ginampanan ni Nicka Cuenca. Dulot ng pagsubsob sa pag-aaral, umabot ito sa puntong hindi na niya namamalayan ang tunay na nangyayari sa kaniyang paligid. Namulat na lamang ang mata sa realidad nang ipaliwanag ito ng mga nagmistulang kaluluwa na nagpakita sa kaniya gamit ang sariling isipan.
Sa loob naman ng Student Personnel Services Building, kilala ngayon bilang Bro. Gabriel Connon Hall, ang tampulan ng istoryang Elevator: In Loving Memory ni Angel Karl Serrano sa direksyon nina Ace York Ramilo at Keanna Nicolei Encarnacion. Matatagpuan sa limang palapag ng gusali ang elevator na pinangyarihan ng malubhang aksidente noong dekada otsenta.
Sa bawat ugong ng makina at tunog ng mahinang kampana ng elevator, may bagabag itong iniiwan sa ere. Dulot ito ng itinatagong takot ng lahat—ang posibilidad na hindi na muling makalabas sa kuwadradong silid. Nagbigay-pugay rin ang dula sa mga kawani ng Pamantasan—mga bayaning nananatili sa likod ng kurtina. Kabilang dito ang security guard na si Ate Alex, ginampanan ni Sofia Granada, at dalawang diyanitor na sina Manang Lea at Shirley sa pagganap nina Murline Uddine at Christine Panga.
Sa halip na katakutan, naging istorya ito ng pagdadalamhati, pag-iibigan, at pagpapatawad. Nahinuha ring katambal ng buhay ang pagsakay sa elevator, kinakailangang isuko ang sarili at magtiwala sa proseso hanggang makarating sa palapag na nais puntahan. Kaya naman sa pagtatapos ng dula, binabalot nito ang mga manonood sa isang mainit na yakap sa gitna ng kalamigan. Tiyak na ipinakitang liliwanag din ang takip-silim at matatamasa ang tuluyang pagbitaw sa masaklap na nakaraan.
Sisidlan ng mga naghuhumiyaw na kaluluwa
Balot ng malamig na hangin, mas lalong nanigas ang mga manonood sa patuloy na paglalim ng mga istorya. Sa paglalim ng gabi, dahan-dahan na ring natuklasan ng mga manonood ang mga sumunod na dula tungkol sa malalagim na engkuwentro ng isang barkada at ang pananakop ng mga Hapones.
Matagal nang naririnig ang sabi-sabing huwag ipagbili ang kaluluwa sa mga demonyo, ngunit anong magagawa ng sarili kapag sariling kinabukasan ang nakasalalay dito? Naglaro sa konsepto ng paghiling sa ikalawang kalansing ng barya o barya ni Hudas ang Classroom: Devil’s Coin na isinulat ni Nina Dominique Lim sa direksyon nina Eriana Kay Tolentino at Reina Maiden Tejada. Sa paglalaro ng ilaw at dilim, mas dumagundong ang takot dahil salamin ng pagsubok ang araw-araw na nararanasan ng mga estudyanteng manonood.
Karaniwan sa mga estudyante ang magkaroon ng matayog na pangarap kaya malimit na gagawin ang lahat pati ang pagbenta sa sarili sa mga hindi kaaya-ayang nilalang. Kasabay din ng paglapit ng mga karakter na may kakila-kilabot na itsura at kasuotan, utay-utay na natututuhang hindi tangan ng demonyo ang maling desisyon sa buhay—mas nakagigimbal ang hangaring umasenso sa isang iglap na walang kalakip na pagsisikap. Sa pagkalunod sa kasakiman ng kaluluwa, nagiging sanhi na ito ng pagkawala ng esensiya ng isang tao.
Sa Chapel: Stained Ghost, isinulat ni Vernice Mitchelle Batilo sa direksyon nina Patricia Alexis Villafuerte at Lian Gabrielle De Leon, binalikan ang sinapit ng mga haligi ng simbahan sa ilalim ng pananakop ng mga Hapon. Ipinarating ng obra na hindi lamang sa mga libro matututuhan ang kasaysayan. Umikot naman sa paglalakbay tungo sa mapait na alaala ng kahapon ang dulang nakapokus sa magkaibigang sina Amy, ginampanan ni Jacinth Rodriguez, at Dean, na ginampanan naman ni Ghray de Ramos.
Sa tatlong kuwentong kanilang nasubaybayan—paring sunog ang mukha, pugot-ulong padre, at umiiyak na mga babae sa gabi—nalinawan ang mga manonood sa kahalagahan ng pagbisita sa nakaraan. Gayundin, ang gampanin nito upang hindi tuluyang mabaluktot ang kasaysayan. “Naniniwala na ako sa dilim, mga sigaw nila ngayo’y tahimik. Kailangan lang ng oras, lilipas din ang galit. Ang kabataa’y pag-asa ng bayan, lalaban sa lagim na nilalang. ‘Di hahayaang maulit ang yugto ng nakaraan,” naghihingalong tinig na may halong poot at galit nina Amy at Dean. Inawit nila ito upang mabigyang-hustisya ang mga kaluluwang nakadaupang-palad.
Pananatili ng naiwang alaala
Gamit ang apat na dulang isinabuhay ng mga bagong miyembro ng HTG, naipamalas nila ang kanilang taglay na talento sa pag-arte at pagbuo ng dula. Gayundin, napatunayan nilang karapat-dapat silang maging kaagapay ng teatro. Isinalang man ang kanilang pagtatanghal sa batayan ng mga hurado, hindi sila nagpatinag sa matatalim na matang nagmamasid sa kanilang paggalaw at pagmutawi ng mga diyalogo.
Matapos matunghayan ang mga pagtatanghal, nagbigay-pasasalamat ang mga hurado sa pagbibigay ng oras sa paglikha ng mga obra maestrang kapupulutan ng aral at ikayayabong ng teatro. Binigyan naman ni Yap ng kasiguraduhang walang kaluluwang masasaktan o magagalit sa kanilang pagsasadula. “[This was a] good way of remembering their memory, their legacy. They maybe [are] happy for telling their stories in an interesting way,” masiglang pahayag niya.
Sa huli, hindi nauwi sa wala ang kanilang iginugol na oras upang ipabatid ang mensaheng mananatiling buhay ang mga istorya sa kanilang sining. Hindi man nagwagi ang lahat, nag-uwi naman ang bawat isa ng karangalang panghabambuhay—ang pagbabahagi sa isipan ng mga manonood ng kanilang mensahe pati na rin ang mga karakter na inarte.
Maaaring walang makapagpapatunay na may mga kaluluwang naglilibot-libot sa paligid—mga alamat na tila bulung-bulungan at walang katiyakan ang pamumuhay. Gayunpaman, dahan-dahang kakainin na lamang ng takot ang yapak na sumasabay sa tibok ng dibdib—hindi mo ba naririnig ang kuwentong nais nilang ipahayag? Sa tuwing binabaybay ang kahabaan ng mga pasilyo sa Pamantasan, siguradong ka bang ikaw lamang ang mag-isang naglalakad?