BINAKURAN ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang panalo kontra sa Adamson University (AdU) Lady Falcons sa loob ng apat na set, 22-25, 25-14, 25-16, 25-19 sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 Women’s Volleyball Tournament, Marso 19 sa Filoil EcoOil Centre.
Namayagpag si Lady Spiker Angel Canino bilang Player of the Game nang umukit ng nagbabagang 21 puntos. Kasangga niya si Fifi Sharma na nakapagtala ng anim na block at dalawang service ace.
Bumida naman para sa koponan ng Lady Falcons si Trisha Tubu tangan ang 13 puntos mula sa kaniyang 12 spike at isang service ace. Umalalay naman sa kaniya si Kate Santiago na umukit ng 12 puntos.
Agad na inangkin ng Lady Falcons ang momentum sa unang set matapos magtala ng 3-0 run, 2-5. Lalo pang lumobo ang kalamangan ng Lady Falcons matapos magtala ng sunod-sunod na error ang Lady Spikers, 9-15. Sa kabilang banda, lumiyab naman ang mga galamay ni Sharma sa kalagitnaan ng set matapos ibandera ang kaniyang mabagsik na block na nagdulot ng dalawang puntos, 13-16.
Naging mabagal ang usad ng labanan matapos magpalitan ng tirada ang dalawang koponan. Subalit, agad na bumulusok ang koponan ng asul matapos itulak sa tatlo ang kalamangan sa pangunguna ng matutulis na crosscourt attack ni Tubu, 18-21. Patuloy na umarangkada ang Lady Falcons at iniwang naghihingalo ang Lady Spikers matapos selyuhan ni Lady Falcon Lucille Almonte ng isang soft touch ang unang set, 22-25.
Matinding depensa ang natunghayan sa pagbubukas ng ikalawang kwarter matapos mahadlangan ng Lady Falcons ang atake ni Sharma, 6-3. Magkasunod namang pumukol ng puntos sina Lady Spikers Marionne Alba at Canino nang solidong maibaon ang bola sa kabilang kort, 7-3. Sa huli, tuluyang tinambakan ng Lady Spikers mula sa block nina Lady Spikers Thea Gagate at Alba, at service ace ni Sharma, 25-14.
Nanaig naman ang opensa ng kababaihan ng Taft sa pagsisimula ng ikatlong set matapos magpakawala ng mga umaatikabong atake sina Lady Spikers Dela Cruz at Gagate, 4-1. Nagpasiklab din si Lady Falcon Rizza Cruz matapos mabasag ang malatoreng block ng Lady Spikers at magbitaw ng isang quick attack, 7-4. Sinubukan namang patatagin ng Lady Falcons ang kanilang depensa matapos pigilan nina Lady Falcons Lorene Toring at Santiago ang matulis na atake ni Gagate, 12-8. Gayunpaman, nanatili sa panig ng berde at puti ang kalamangan matapos magtala ng mga error ang kababaihan ng Ermita, 24-16. Hindi na pinatagal pa ng Lady Spikers at tuluyang winakasan ang set buhat ng isang agresibong atake ni Canino, 25-16.
Hindi naman nagpatalo ang Lady Falcons matapos umani ng dalawang puntos mula sa kanilang mabilis na atake, 5-2. Higit pa rito, patuloy ang makapigil-hiningang opensa ng dalawang koponan nang magpasikat si Canino mula sa kaniyang backrow attack, 10-6. Sa kabilang panig, pinayungan ni Lady Falcon Aprylle Tagsip si Canino matapos ipamalas ang kaniyang malapader na block, 10-9.
Bitbit ang pagkauhaw na angkinin ang ikaapat na kwarter, buong tapang na hinarangan ni Sharma ang umaatikabong palo ni Tubu, 14-11. Subalit, sinamantala ni Canino ang tila kumakalas na depensa ng Lady Falcons na naging dahilan upang humakot ng tatlong puntos ang Lady Spikers, 20-13. Sa huli, bigong mapigilan ng Lady Falcons si Soreño matapos makapuntos mula sa kaniyang tip, 25-19.
Subaybayan ang kapanapanabik na laban ng DLSU Lady Spikers kontra National University Lady Bulldogs sa darating na Miyerkules, Marso 22, sa ganap na ika-2 ng hapon, sa Mall of Asia Arena.