Hagupit ng berde at puti: Lady Spikers, pinadapa ang Lady Tamaraws!

Kuha ni Josh Velasco

PINAAMO ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang mabangis na puwersa ng Far Eastern University (FEU) Lady Tamaraws matapos ang dominanteng pagkapanalo sa loob ng tatlong set, 30-28, 25-12, 28-26, sa ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 Women’s Volleyball Tournament, Marso 29, sa SM MOA Arena.

Itinanghal na Player of the Game si Lady Spiker Jolina Dela Cruz matapos makapagtala ng 13 puntos mula sa 10 atake, dalawang service at isang block. Bumida rin sa talaan si Lady Spiker Angel Canino na nakapagsumite ng 16 na puntos.

Pinangunahan naman ni Chenie Taganod ang hanay ng Lady Tamaraws matapos umukit ng 13 puntos. Umagapay rin sa pag-iskor si Lady Tamaraw Jovelyn Fernandez na nagposte ng siyam na puntos.

Naging mapait ang simula ng yugto para sa Lady Spikers matapos limitahan ng Lady Tamaraws ang kanilang pagpuntos, 0-5. Binasag naman ni Lady Spiker Fifi Sharma ang kalamangan matapos payungan ang nag-aalab na atake ni Lady Tamaraw Alyzza Devosora, 8-8. Lumusot naman sa block ng Taft Towers ang palo ni Tagaod upang itabla ang laban, 27-27. Tuluyang kumawala ang Lady Spikers sa bangis ng Lady Tamaraws dulot ng isang naglalagablab na palo ni Canino, 30-28.

Maalab na sinimulan ng dalawang koponan ang ikalawang set matapos magpalitan ng solidong palo, 9-9. Agad uminit ang opensa ng Lady Spikers nang paganahin ni Alba sina Canino at Dela Cruz na nagpuslit ng sunod-sunod na atake, 11-9. Umarangkada rin para sa berde at puti ang Taft Towers matapos gumana ang mabibilis na palo ni Lady Spiker Thea Gagate gayundin ang mga service ace ni Sharma dahilan upang palobohin ang kanilang bentahe, 20-10. Hindi na hinayaan pa ng Lady Spikers na makahabol ang Lady Tamaraws at tuluyang sinelyuhan ang set, 25-12.

Hindi napigilan ang pagbulusok ni Canino matapos magpakawala ng cross-court hit, 6-4. Nagpakitang-gilas naman si Alba matapos tumugon ng isang mala-siling atake, 7-5. Pumukol naman ng service ace si Dela Cruz upang ibalik ang kalamangan sa Taft, 11-10. Sa huli, humantong sa extended set ang laban at tuluyang winakasan ng Lady Spikers ang laban, 28-26.

Buhat ng panalong ito, nananatiling malinis ang panalo-talo kartada ng Lady Spikers sa torneo. Sunod namang makahaharap ng Lady Spikers ang kababaihan ng University of Santo Tomas Growling Tigresses sa Linggo, Abril 2, sa Smart Araneta Coliseum, Quezon City.