NALUSUTAN ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang dikit na sagupaan kontra sa Far Eastern University (FEU) Tamaraws sa loob ng limang set, 25-22, 25-27, 20-25, 25-21, 15-12 sa ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 Men’s Volleyball Tournament, Marso 29, sa SM MOA Arena, Pasay.
Bumandera para sa Green Spikers si JM Ronquillo matapos magtala ng 22 puntos mula sa 20 atake at dalawang blocks. Kaagapay naman niya sa pagpuntos si Green Spiker Noel Kampton bitbit ang 23 puntos.
Sa kabilang banda, pinangunahan ni Mark Calado ang Tamaraws matapos makapagtudla ng 28 puntos.
Binulaga ng bagsik nina Green Spikers Nathaniel Del Pilar at Vince Maglinao ang unang set matapos magpamalas ng solidong block, 5-2. Agad namang nagsiklab si Calado nang maitabla ang talaan, 6-all. Kumamada rin ng magkakasunod na quick hit si Green Spiker Billie Anima, 20-16. Sinubukan pang dumikit ng Morayta-based squad ngunit tuluyang nanaig ang kalalakihan ng Taft, 25-22.
Rumatsada ng 5-0 run ang Tamaraws sa umpisa ng ikalawang set bunsod ng pinagsamang opensa nina Calado, Jose Javelona, at Martin Bugaoan upang bitbitin ang pangkat sa maagang anim na abante, 3-9. Sumagot naman ang Taft-based squad ng 6-0 run sa kalagitnaan ng set upang ungusan ang Tamaraws ng isang puntos sa bisa ng service ace at pipe attack ni Kampton, 15-14. Subalit, tuluyang namayagpag ang Tamaraws nang magsumite si Calado ng dalawang magkasunod na marka, 25-27.
Nagpatuloy ang mabagal na simula ng Green Spikers sa pagpasok ng ikatlong set matapos umarangkada si FEU rookie Zhydryx Saavedra mula sa kanan. Tuluyang napasakamay ng Tamaraws ang 2-1 bentahe matapos bigong maitawid ni Kampton ang kaniyang atake sa kabilang panig, 20-25.
Tila matumal ang pag-usad ng talaan sa ikaapat na set matapos ang kaliwa’t kanang palitan ng puntos, 9-5. Bakas pa rin ang kamandag ni Calado nang maibaba ang bentahe ng Green Spikers sa isa, 15-14. Masilakbong nakabalik ang tambalan Ronquillo at Kampton sa pag-atake upang tuluyang pabagsakin ang Tamaraws, 25-21.
Hindi nagpatinag ang Green Spikers sa decider at umukit ng maagang abante dulot ng pinaghalong atake ng wingers, 6-2. Nag-ambag din sina Anima at Del Pilar matapos maglapag sa gitna upang mapanatili ang kalamangan sa apat, 10-6. Sinimulan namang kayurin ni Ronquillo ang dulong bahagi ng sagupaan nang magpakawala ng cut shot mula sa kanan, 13-9. Tuluyang nakabawi ang Green Spikers sa mapait na pagkatalo sa unang yugto ng torneo nang tuldukan ng ika-19 na hampas ni Kampton ang tapatan, 15-12.
Bunsod nito, makahaharap ng Green Spikers ang matatapang na atleta ng University of Santo Tomas Tiger Spikers sa darating na Linggo, Abril 2, sa Smart Araneta Coliseum.