Pinaghahandaang pagbabalik ng LSAL, kinilatis sa ikatlong regular na sesyon ng LA

IPINASA sa ikatlong regular na sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang panukalang batas na nagtatakda sa mga tiyak na gampanin ng Office of the Vice President for Internal Affairs (OVPIA) sa nagbabalik na La Salle Athletic League (LSAL), Marso 29.

Inakda ang orihinal nitong bersyon nina Francis Loja, EXCEL2023 at dating chief legislator, at Katkat Ignacio, EXCEL2021, noong unang termino ng A.Y. 2021–2022 upang muling bigyang-buhay ang interes sa isports sa loob ng University Student Government (USG). 

Binagong tuntunin

Itinaguyod ni Raphaela Tan, 75th ENG, ang pag-enmiyenda sa batas ukol sa panunumbalik ng LSAL. Kabilang na rito ang paghahain ng Seksyon 3 na layong italaga ang Vice President for Internal Affairs (VPIA) at OVPIA bilang katuwang ng Industrial Management Engineering Society (IMES) na namamahala sa LSAL. Kaugnay nito, makikipagkasundo na ang tanggapan sa IMES upang subaybayan ang dokumentasyon at isyung lohistika alinsunod sa Seksyon 5.

Nasasaklaw naman ng Seksyon 8 ang kapangyarihan ng OVPIA na magtalaga ng mga komisyoner para sa katuparan ng LSAL. Nilinaw ni Tan na magsisilbing katulong lamang ng IMES ang OVPIA sa bahaging ito. Sa pamunuang organisasyon pa rin dudulog ang mga komisyoner, dagdag ni IMES President Aubrey Dadulo. Pagpapatuloy pa ni Tan, pinagtuunang-pansin nilang mga tagapagtaguyod ang Seksyon 8.1 na nagtatakda ng kabuuang responsibilidad ng mga komisyoner upang mapaigting ang tungkulin ng dalawang partido.

Inalmahan ito ni Loja sa kadahilanang hindi tumutugma ang nakalahad na tungkulin ng OVPIA sa paghirang ng mga komisyoner at ang kaparusahang kanilang matatanggap sakaling hindi masunod ito. Aniya, maaaring magdulot ang mandato ng kalituhan sa pamamalakad ng sistemang pangkaayusan, sapagkat walang direktang kaugnayan sa LSAL ang mga miyembro ng USG.

Sinang-ayunan naman ni Dadulo ang naging pahayag ni Loja. Paglalahad niya, isang-kapat (¼) na bahagi lamang ang pagtipon ng mga komisyoner sa paghahanda para sa LSAL. Higit sa lahat, kasado na ang komite para sa termino na siyang nagpapasawalang-halaga nito. Tinanggal ang Seksyon 8.1 bunsod ng kawalang-kahalagahan ng mandato para sa USG.

Pagpapanumbalik ng kalakasan sa atletang Lasalyano

Nagpahayag ng pagkabahala si Loja sa impluwensiya ng IMES sa abilidad ng USG na itaguyod ang larangan ng isports sa loob ng Pamantasan. Giit ni VPIA Janine Siy, hindi nito maaapektuhan ang pagsusulong nila ng isports sa Pamantasan, sapagkat magpaplano pa rin ang USG ng iba’t ibang mga programa para sa bawat batch o bilang bahagi ng University Vision-Mission Week.

Pagbibigay-diin lalo ni Siy, isa ang pagsuporta nila sa misyon ng IMES na ibalik ang LSAL sa mga pangunahing rason ng pagtulak sa panukala. Umabot na nga ito sa kasalukuyang termino matapos ang mga hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga tanggapan noong huling akademikong taon. Paggigiit niya bilang pagkilala sa bagong tahanan ng programang naantala ng pandemya, “LSAL is really IMES’ ownership.”

Kinuwestiyon naman ni Loja ang batayan ng non-compliance para sa limitadong papel ng OVPIA. Tugon ni Siy, opsyonal lamang ang kanilang pag-alalay at wala rin silang karampatang aksyon na matatanggap sakaling mabigo ang naturang gampanin. “. . . to make sure na OVPIA, the office itself, won’t forget its role in LSAL, I actually have a turnover file already ready na for the next years of OVPIA para lahat ng mandate under our office would not be forgotten for the next years,” paninigurado niya.

Umapela si Loja na hindi lubusang naintindihan ang kaniyang katanungan, at nanghingi ng konkretong solusyon. Aniya, “Given that it is optional — you may assist, you may help, how will we then measure this mandate, if it’s done completely to what’s stated here in the bill, if everything is very circumstantial?”

Nilinaw ni Siy na taon-taong magkakaroon ng koordinasyon sa pagitan ng IMES at OVPIA. Ibinahagi rin niyang sila ang nagkusang-loob na lapitan ang mga tagapamahala ngayong taon dahil sa hindi pagsangguni nito sa kanilang opisina ukol sa mga plano para sa LSAL. Saad ni Siy, nagtapos ang trabaho ng OVPIA sa paglatag ng komite ng mga komisyoner at tanging IMES na ang may hawak ng proyekto mula rito. 

Dadaan na rin sa proseso ng Memorandum of Agreement ang dalawang panig sa kondisyong kailanganin ito sa mga susunod na taon.

Inaprubahan ang panukala sa botong 21 for, 0 against, at 0 abstain.

Kasunod nito, muling ipinabatid ni Chief Legislator Sebastian Diaz na legislator na ang gagamiting titulo para sa lahat ng mga kasapi ng LA sa mga opisyal na dokumento. Bilang pagtalima ito sa pinakahuling kautusan ukol sa mga pagbabago sa kanilang gampanin. Hindi na rin tatanggapin ang mga panukalang batas na walang isponsor matapos maging kapansin-pansin ang problemang dulot nito sa mga nakaraang sesyon.

Ipinaalala niya ring agarang ilapit sa Office of the Chief Legislator ang lahat ng mga proyektong isasagawa sa ilalim ng LA dahil dito nakasalalay ang kanilang calendar of activities, lalo na para sa ikatlong termino. Sa bills folder naman ilalagay ang mga panukalang batas na isasaayos sa pangunguna ng mga legislative committee. Magkakaroon ito ng mga policy monitoring executive para sa pagtatala ng mga batas at panukalang aaprubahan sa susunod na regular na sesyon.