Green Spikers, pinosasan ang mga galamay ng Fighting Maroons!

Kuha ni Adrian Teves

DUMAUSDOS sa palad ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang University of the Philippines (UP) Fighting Maroons sa loob ng tatlong set, 25-21, 25-18, 25-18, sa ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 Men’s Volleyball Tournament, Abril 16, sa PhilSports Arena.

Hinirang bilang Player of the Game ang kapitan ng Green Spikers na si Vince Maglinao matapos sumalaksak ng 17 puntos mula sa 13 atake at apat na block. Umalalay kay Maglinao si Green Spiker Noel Kampton na nakapagtala ng 16 na puntos mula sa 15 atake at isang block.

Bumida naman para sa Fighting Maroons si Ranz Cajolo matapos humakot ng 12 puntos mula sa kaniyang 11 atake at isang service ace. Kasangga naman ni Cajolo si Fighting Maroon Jaivee Malabanan na pumukol ng walong puntos mula sa pitong atake at isang service ace. 

Maagang ipinaramdam ng magkatunggaling koponan ang sagupaan nang salitang pumuntos sina Maglinao at Cajolo, 3-all. Nang magkaroon ng pagkakataong umatake si Fighting Maroon Louis Gamban, binasag niya ang depensa ng Green Spikers matapos solidong ibaon ang bola, 4-7. Mabagal man ang usad ng Taft-based squad, pinatabla naman ni Maglinao ang talaan mula sa kaniyang solo block, 10-all.

Sa pagpapatuloy ng rally, maliksing naghain ng dump si Fighting Maroon Clarence Santiago. Subalit, tinapatan ito ng Green Spikers at tagumpay na nagpamalas ng combination play, 12-14. Gayunpaman, hindi napigilan ng koponang green and white ang umaatikabong spike ni Gamban, 17-all. Nagtapos ang unang set sa offense error ng Fighting Maroons at nagbunsod ng pagkapanalo ng Taft-based squad, 25-21.

Sa pagbubukas ng ikalawang set, napanatili ni Green Spiker Nathaniel Del Pilar ang kalamangan sa kartada matapos palusutin ang bola, 5-2. Bagamat kayod-kalabaw ang pagpuntos ng koponang maroon and white, umukit ng mapilantik na cross-court hit si Gamban, 13-8. Sinundan pa ito nang pabagsakin ni Malabanan ang bola sa backzone at cross court ni Von Marata, 22-16. Samakatuwid, tuluyang pinatahimik ng Green Spikers ang Fighting Maroons nang tuldukan ang tapatan, 25-18.  

Nagpatuloy sa panig ng berde at puti ang momentum nang magsimula ang ikatlong set matapos magpaulan ng off-the-block na atake sina John Mark Ronquillo at Maglinao. Mabagal naman ang naging usad ng pagpuntos ng Fighting Maroons matapos mamuhunan mula sa mga error ng Green Spikers, 8-6. Gayunpaman, sinubukan pa ring makipagsabayan ni Cajolo ngunit hindi naging sapat ang kaniyang lakas upang mailapit ang kartada, 13-9. Nanatiling agresibo ang Taft-based squad sa pangunguna ng mga crosscourt attack ni Maglinao, 15-9.

Tila nabuhayan naman ang Fighting Maroons matapos ang service ace ni Malabanan, 16-12. Subalit, nainip si Joshua Rodriguez at agad na itinulak ang kalamangan ng Green Spikers, 20-13. Nagawa pang patatagin ng Fighting Maroons ang kanilang depensa subalit hindi na pinatagal pa nina Marata at Kampton matapos magpakawala ng matutulis na atake, 24-18. Matagumpay na iniuwi ng Green Spikers ang panalo matapos ang attack error ng Fighting Maroons, 25-18.

Bunsod ng panalong ito, umakyat sa 6-5 ang panalo-talo kartada ng Green Spikers at kasalukuyang tabla sa Far Eastern University Tamaraws. Abangan ang muling paglaban ng Taft-based squad kontra sa Adamson University Soaring Falcons sa darating na Miyerkules, Abril 19, sa SM MOA Arena.