PINATAHIMIK ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang koponan ng Adamson University (AdU) Lady Falcons sa loob ng limang set, 25-17, 25-27, 23-25, 25-23, 15-9 sa ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 Women’s Volleyball Tournament, Abril 19, sa SM MOA Arena, Pasay.
Bumida para sa Lady Spikers si super rookie Angel Canino bitbit ang 28 puntos mula sa 22 atake, limang block, at isang service ace. Katuwang naman niya sa papuntos si Thea Gagate matapos magtala ng 22 puntos mula sa 19 na atake at tatlong block.
Sa kabilang banda, naging matikas na sandalan ng Lady Falcons si Kate Santiago matapos bumuno ng 21 puntos mula sa 20 atake at isang service ace. Umagapay naman kay Santiago si Trisha Tubu nang umukit ng 18 puntos mula sa 17 atake at isang service ace.
Binulaga ng Lady Spikers ang talaan sa unang set nang agad makapukol ng apat na puntos na bentahe, 9-5. Naging maaksiyon sa kort matapos ang mainit na rally nang mga koponan ngunit nanaig ang bangis ng Lady Falcons, 10-8. Binasag naman nina Lady Falcons Tubu at Santiago ang momentum at lumulobong kalamangan ng Taft-based squad, 18-15. Tila kumagat naman ang kamandag ni Canino matapos isara ang unang set, 25-17.
Masaganang panimula naman ang ipinamalas ng Lady Spikers pagdako ng ikalawang set nang magpakitang-gilas ang bagong saltang si Jyne Soreño sa net, 7-3. Sa kabila nito, mabilis na nakadikit sa talaan ang Lady Falcons bunsod ng kanilang pinaigting na depensa kasabay ng nagliliyab na galamay ni Lady Falcon Aprylle Tagsip, 11-10.
Sa kabilang banda, nakaabante ang Taft-mainstays nang magsanib-puwersa sa pagpuntos sina Canino at Dela Cruz gamit ang kanilang crosscourt kill, 15-10. Gayunpaman, nagpaulan ng libreng puntos ang Lady Spikers bunsod ng kanilang mga attack error. Kasabay nito, nanatiling matatag ang mapupusok na Lady Falcons, dahilan upang mapitas ang panalo sa dikdikang set, 25-27.
Sa pagpasok ng ikatlong set, nahirapang pumorma ang berde at puti dala ng tambalan nina Santiago at Tubu, 8-11. Tila naging bayani ng Lady Spikers si Gagate nang sunod-sunod na rumatsada ng puntos at ibaba ang kalamangan sa isa, 13-14. Tagumpay mang nailaban ng Lady Falcons ang dalawang block touch challenge, agad naman itong binawian ng quick hit ni Lady Spiker Mars Alba, 16-17. Sinubukan pang ibalik nina Canino at Gagate ang kalamangan sa kanilang koponan ngunit nanaig ang San Marcelino-based squad, 23-25.
Naging makipot naman ang serye ng sagupaan pagpasok ng ikaapat na set nang magpasiklab ng mga tirada sina Gagate at Tubu, 8-6. Kasunod nito, humarurot ng takbo ang Lady Spikers nang magpasabog ng nagbabagang spike si Canino at isang kill block, 20-15. Sinubukan pang makadikit ng Lady Falcons sa iskor nang makapuntos si Santiago mula sa kaniyang off-the-block hit, subalit hindi ito naging sapat nang magpakawala ng umaatikabong atake si Dela Cruz at panapos na block ni Gagate, 25-23.
Nawindang ang depensa ng Lady Falcons bunsod ng kargadong service ni Dela Cruz, 8-3. Tila bumagal ang pag-usad ng San Marcelino-based squad nang mapako sa anim ang kanilang iskor, 14-6. Kumamada pa ng isang through-the-block attack si Lady Falcon Aliah Marce, ngunit tuluyan nang nakawala ang mga kababaihan ng Taft at naiuwi ang panalo, 15-9.
Bunsod ng pagkapanalo ng Lady Spikers, napanatili ang kanilang puwesto sa tuktok ng standings at napitas ang twice-to-beat advantage. Abangan ang susunod na pagpapasiklab ng Taft-based squad kontra sa Ateneo de Manila University Blue Eagles sa darating na Linggo, Abril 23, sa SM MOA Arena.