TINULDUKAN ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ng panalo ang kanilang huling sagupaan sa elimination round laban sa University of the East (UE) Lady Warriors sa loob ng straight set, 25-17, 25-20, 25-17, sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 Women’s Volleyball Tournament, Abril 29 sa FilOil EcoOil Centre.
Tinanghal bilang Player of the Game si kapitana Mars Alba matapos umukit ng 13 puntos. Naging kaagapay niya rin si Lady Spikers Angel Canino nang makakubra ng siyam na puntos at dalawang block.
Bumida naman para sa UE Lady Warriors si KC Cepada nang magtamo ng 15 puntos at isang block. Tumulong din sa kaniya si Lady Warrior Vanessa Bangayan na nakapagtala ng siyam na puntos.
Sa pagbubukas ng unang set, tila umaapaw ang kagustuhan ng Lady Spikers na lamangan ang koponan matapos bumungad ang hiyas ng mga palo ni Canino, 6-2. Hindi nagtagal at agad na pumorsyento rin para sa koponang berde at puti si Fifi Sharma, 9-4.
Bunsod nito, hindi naman nagpatinag ang Lady Warriors sa pangunguna ni Bangayan matapos magpamalas ng isang off-the-block, 13-7. Patuloy na pinalaki nina Lady Spikers Jolina Dela Cruz at Thea Gagate ang kalamangan at humantong sa pagtatapos ng sagupaan, 25-17.
Naging maigting ang palitan ng dalawang koponan matapos magkamit ng service error ang Lady Warriors, 8-all. Rumagasa ang opensa ng DLSU sa pamamagitan ng matalas na spike ni Malaluan, 11-8. Niregaluhan ni Alba ang lumiliyab na kamay ni Lady Spiker Amie Provido upang lamangan ang UE, 19-13. Napanatili ng DLSU ang kanilang kalamangan matapos magbalikan ng error ang parehong koponan, 23-18. Sinelyuhan ni super rookie Canino ang ikalawang set matapos sumungkit ng isang umaatikabong hampas, 25-20.
Nanatiling matatag ang floor defense ng Lady Warriors papasok ng huling set. Gayunpaman, kinapos ito sa pagdepensa sa mga atake nina Laput at Canino, 3-all. Sa kabilang banda, nakalikom agad ng apat na unforced error ang Lady Spikers bago sumapit ang first TTO dahilan upang makaabante ang katunggali, 5-8.
Mabilis namang itinapon ng Lady Warriors ang kanilang abante dahil sa sunod-sunod na error, at sinundan pa ng solidong block ni Dela Cruz, 10-9. Umambag din ng puntos si Malaluan gamit ang kaniyang umaatikabong atake sa dos, 20-14, at humirit pa ng 1-2 play si Alba, 21-14. Dinala naman ni Provido ang koponan sa kanilang ika-13 na panalo matapos ang service ace nito, 25-17.
Kaakibat nito, nanatili sa tuktok ng tugatog ang Lady Spikers at papasok ng semifinals matapos matamo ang 13-1 panalo-talo kartada. Tunghayan ang kanilang unang pagsabak sa finals laban sa University of Santo Tomas Golden Tigresses bukas, Mayo 3, sa Smart Araneta Coliseum.