DINAIG ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang National University (NU) Lady Bulldogs sa loob ng limang set, 18-25, 25-22, 22-25, 25-21, 15-13, sa kanilang unang labanan sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 Women’s Volleyball Finals, Mayo 7, sa Smart Araneta Coliseum.
Nag-alab para sa Lady Spikers si super rookie Angel Canino tangan ang 21 puntos mula sa 19 na spike at dalawang service ace. Katuwang naman niya si Taft-tower Thea Gagate matapos magtala ng 17 puntos.
Nanguna naman para sa kampanya ng Lady Bulldogs si Alyssa Solomon bitbit ang 28 puntos. Naging kaagapay naman niya si Bella Belen na umukit ng 22 puntos.
Maagang nagreyna si Solomon nang solidong makabuno ng puntos mula sa service line at crosscourt attack sa pagbubukas ng bakbakan, 4-all. Sa kabilang banda, hirap makaporma ang Lady Spikers matapos makapagtala ng 11-3 run ang Lady Bulldogs, 7-15. Tila nabuhayan muli ang kababaihan ng Taft nang pumukol ng isang drop si Amie Provido, 13-21. Sa huli, namayani ang depensa ng Lady Bulldogs upang isara ang talaan, 18-25.
Palitan ng puntos naman ang naging takbo ng serye pagdako ng ikalawang set nang magsagutan ng umaatikabong tirada sina Taft-tower Gagate at Lady Bulldog Vange Alinsug, 12-all. Kaakibat nito, umukit ng dalawang kalamangan ang Lady Spikers sa pamamagitan ng halimaw na quick hit sa net ni Gagate, 15-13. Gayunpaman, nagpatuloy ang dikdikang bakbakan ng magkabilang koponan matapos magliyab ang mga daliri nina Belen at Canino mula sa crosscourt, 18-all.
Sa kabilang banda, pinaigting naman ng Taft-based squad ang kanilang depensa sa net upang pigilan ang namumuong kumpiyansa ng bagong saltang si Lady Bulldog Ces Robles, 21-19. Bunsod nito, tuluyang nakatakas ang Lady Spikers sa bitag ng NU matapos kumana ng magkakasunod na atake sina Gagate at Canino, at panapos na regalo mula kay Alleiah Malaluan, 25-22.
Nanumbalik naman sa ikatlong set ang bagsik ng Lady Bulldogs matapos magpamalas ng matutulis na atake sina Belen at Toring, 2-8. Sa kabilang banda, sinubukan pang pumuslit ng puntos ng Lady Spikers sa pangunguna ng nakagigimbal na crosscourt attack ni Canino, 11-17. Tila nakawala naman sa hawla si Solomon matapos magpakitang-gilas ng sunod-sunod na atake mula sa crosscourt, 17-22.
Bilang tugon, pinatatag nina rising star Shevana Laput at Gagate ang kanilang depensa upang salagin ang atake ni Belen, 18-22. Nagawa pang pahabain ng Lady Spikers ang ikatlong set bunsod ng rumaragasang atake nina Canino at Jolina Dela Cruz, subalit hindi ito naging sapat nang magpasabog si Belen sa crosscourt, 22-25.
Nanumbalik ang matatag na depensa ng Taft-based squad sa ikaapat na set nang gumuhit ng magkakasunod na kill block sina Gagate at Mars Alba, 8-4. Matagumpay naman na naitawid ni Canino ang kaniyang crosscourt attack at service upang makabuno ng limang puntos na bentahe, 15-10. Sa kabila ng palitan ng puntos ng magkabilang koponan, nanatiling buhay ang tsansa ng Lady Spikers sa bakbakan matapos maitabla ang set sa 2-all, 25-21.
Sa unang bahagi ng huling set, naging matatag naman ang puwersa ng dalawang magkatunggali matapos magpamalas ng makapanindig-balahibong palitan ng puntos, 6-all. Samantala, nagpamigay naman ng libreng puntos ang Lady Bulldogs bunsod ng kanilang magkakasunod na attack error, 10-6. Tila kumakagat pa ang mapupusok na Lady Bulldogs nang magsumite ng puntos sina Solomon at Belen. Subalit, tuluyang napasakamay ng Lady Spikers ang panalo buhat ng attack error ni Lady Bulldog Minierva Maaya, 15-13.
Buhat ng pagkapanalo, nasungkit ng Lady Spikers ang 1-0 lead sa Finals ng torneo. Abangan ang ikalawang tapatan ng dalawang koponan para sa kampeonato sa susunod na Linggo, Mayo 14, sa SM MOA Arena.