NAGREYNA ang De La Salle University (DLSU) Lady Spikers matapos kaladkarin sa lusak ang National University (NU) Lady Bulldogs, 19-25, 23-25, 25-15, 25-17, 15-10, sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 Women’s Volleyball Tournament, Mayo 14, sa SM MOA Arena.
Kinilala bilang Player of the Game si Lady Spiker Fifi Sharma matapos mag-ambag ng 11 puntos mula sa siyam na atake at dalawang block. Nagningning din sa talaan si Rookie of the Year at Most Valuable Player Angel Canino nang magsumite ng 19 na puntos.
Bumida naman para sa koponang NU si Lady Bulldog Alyssa Solomon nang magpasabog ng 34 na puntos.
Balanse ang naging sagutan ng puntos sa pagbubukas ng unang set, 5-all. Nagpatuloy ang kalbaryo ng Taft-based squad nang makapagtala ng 5-0 run ang Lady Bulldogs, 7-12. Ginambala nina Thea Gagate, Shevana Laput, at Canino ang momentum ng NU at nagpamalas ng drop si Jolina Dela Cruz upang maitaas muli ang banderang berde at puti, 16-all. Tumabla man sa Lady Bulldogs, nagpaulan naman ng mga attack at service ace ang NU at tuluyang isinara ang unang set, 19-25.
Tangan ang hangaring makabawi, maagang pinayungan ng Lady Spikers ang mababalasik na palo ng Lady Bulldogs, 3-0. Itinabla naman ni Canino ang talaan matapos ihulog ang bola sa panig ng Lady Bulldogs, 10-all. Nagpasiklab naman ang bagong saltang si Amie Provido matapos magsumite ng isang solidong block, 19-20. Kasunod nito, muling itinabla ni Canino ang iskor sa huling bahagi ng set, 22-all. Gayunpaman, nanaig ang bangis ng Lady Bulldogs upang selyuhan ang ikalawang set, 23-25.
Pagdako ng ikatlong set, nahirapang makabuo ng play ang Lady Spikers bunsod ng kargadong service ni Solomon, 2-6. Subalit, naging magic bunot para sa DLSU si Lady Spiker Maicah Larroza nang mag-ambag ng magkakasunod na puntos mula sa atake at block, 10-11. Kasunod nito, tuluyang umarangkada ang mga kababaihan ng Taft nang mag-apoy ang diwa ni Sharma matapos magsumite ng puntos gamit ang kaniyang quick hit, 23-14. Samakatuwid, napasakamay ng DLSU ang panalo sa set bunsod ng pamigay na puntos ng NU, 25-15.
Nabuhayang muli ang Taft-based squad sa ikaapat na set matapos makabuno ng apat na puntos na bentahe, 10-6. Kaakibat nito, sunod-sunod nang tumikada ng atake at kill block ang Lady Spikers upang itaas ang kalamangan, 19-12. Humarurot naman ng mga service ace si Gagate upang maibulsa ang ikaapat na set, 25-17.
Nanatiling maalab ang depensa sa net ng Lady Spikers matapos magtala ng magkakasunod na kill block, 2-0. Naging maingay naman ang pangalan ni Gagate matapos ang kaniyang sunod-sunod na power hit, 5-1. Hindi naman nagpatinag ang Lady Bulldogs nang maitabla sa pito ang iskor. Sa kabila nito, patuloy na pinatatag ng Taft-towers na sina Gagate at Laput ang kanilang depensa sa net upang palobohin ang kalamangan sa lima, 13-9. Bunsod nito, tuluyang tinuldukan ng Lady Spikers ang sagupaan upang makamit ang kampeonato, 15-10.
Matagumpay na nasungkit ng Lady Spikers ang kanilang ika-12 kampeonato sa UAAP dulot ng kanilang determinasyong maibalik ang korona sa berde at puti. Samakatuwid, hinirang na Finals MVP ng naturang torneo si Best Setter Mars Alba.