PINADAPA ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang FilOil EcoOil Preseason Cup defending champion National University (NU) Bulldogs, 107-86, sa 2023 FilOil EcoOil 16th Preseason Cup sa FilOil EcoOil Centre, Mayo 22.
Nagsilbing alas para sa Taft-based squad si Kevin Quiambao nang pumukol ng 22 puntos, isang rebound, at apat na assist. Naging kasangga naman niya si Mark Nonoy matapos magtala ng 16 na puntos, apat na rebound, dalawang assist, at dalawang steal.
Nagpakitang-gilas naman para sa NU si Omar John nang makalikom ng 17 puntos, siyam na rebound, at dalawang assist.
Maagang nabulabog ang depensa ng Bulldogs matapos magpaulan ng mga tirada nina Green Archer Francis Escandor at Nonoy, 14-11. Hindi nagtagal at sinubukan pang padikitin ni Bulldog Steve Enriquez ang talaan, 19-15. Gayunpaman, nagpatuloy ang nagbabagang opensa ng koponang berde at puti matapos tuldukan ni big man Michael Phillips ang unang kwarter mula sa kaniyang umaatikabong dunk, 30-19.
Tila ramdam ang mainit na tensiyon mula sa dalawang koponan matapos magpaulan ng magkasunod na tres si Bulldog Reinhard Jumamoy, 34-27. Sa kabilang banda, hindi naman nagpatinag si M. Phillips matapos kumana ng magkakasunod na tirada, 36-29. Kasunod nito, tila nagliyab ang palad ni Nonoy nang magpamalas ng isang step-back shot upang tuluyang selyuhan ang ikalawang kwarter, 53-42.
Nagpasiklab naman ang NU Bulldogs sa pagbubukas ng ikatlong kwarter matapos umukit ng 6-0 run mula sa layup nina John at John Figueroa, 53-48. Subalit, agad namang binasag ni EJ Gollena ang momentum ng NU Bulldogs matapos kumamada ng puntos sa ilalim ng rim, 57-48. Samakatuwid, lumobo ang kalamangan ng koponan ng Green Archers matapos magpaulan ng tres sina Quiambao at Evan Nelle, 79-66. Nagawa pang humirit nina Patrick Yu at Enriquez ng puntos sa huling segundo ng kwarter, subalit hindi ito naging sapat upang mapadikit ang iskor, 81-71.
Nanatili namang matatag ang depensa ng Green Archers sa pagbubukas ng ikaapat na kwarter matapos malimitahan sa pagpuntos ang katunggali, 96-80. Bunsod nito, mas pinaigting na opensa ang ipinamalas ni Kean Baclaan nang makalusot sa solidong pagbabantay ng Green Archers, 99-84. Gayunpaman, tuluyan nang umarangkada ang Taft-based squad nang magpawala ng magkasunod na tirada sina Gollena at Penny Estacio upang maibulsa ang kanilang ikaanim na panalo sa torneo, 107-86.
Buhat ng pagkapanalo, nananatiling malinis ang kartada ng Green Archers sa naturang torneo. Abangan ang kanilang susunod na tapatan kontra First Asia Institute of Technology and Humanities Colleges Bravehearts sa darating na Miyerkules, Mayo 24, sa ganap na ika-2 ng hapon sa parehong lugar.
Mga Iskor:
DLSU 107 – Quiambao 22, Nonoy 16, M. Phillips 12, Nwankwo 10, David 8, Gollena 7, Escandor 7, Nelle 6, Cortez 4, Estacio 4, B. Phillips 3, Melencio 3, Abadam 2, Policarpio 2, Manuel 1
NU 86 – John 17, Baclaan 12, Enriquez 10, Yu 10, Jomamoy 8, Figueroa 8, Manansala 8, Gulapa 6, Clemente 4
Quarter Scores: 30-19, 53-42, 81-71, 107-86