Mapait na pagwawakas: DLSU Lady Booters, hinirang bilang 1st runner-up ng UAAP Season 85!

Kuha ni John Mauricio

NAGAPI ang De La Salle University (DLSU) Lady Booters sa dikdikang sagupaan kontra Far Eastern University (FEU) Lady Booters, 1-2, sa pagtatapos ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 Women’s Football Tournament, Mayo 21, sa Rizal Memorial Sports Complex Football Field.

Kayod-kalabaw na opensa ang itinambad ng DLSU at FEU sa pagbubukas ng unang bahagi ng laban. Gayunpaman, gitgitang depensa ang ipinamalas ng Taft-based squad matapos kumamada ng magkakasunod na crucial save si DLSU Lady Booter Alexandrea Gumilao. 

Mas naging agresibo naman ang bawat pagtatangka ng dalawang koponang binyagan ang kartada. Kaakibat nito, sinunggaban ng DLSU Lady Booters ang mga oportunidad bunsod ng naghihingalong depensa ng FEU Lady Booters upang subukang makaukit sa talaan. Gayunpaman, nanatiling bokya ang iskor ng magkakatunggali sa pagtatapos ng unang kalahati ng bakbakan.

Nawakasan naman ang tagtuyot na serye nang humarurot ng goal mula sa gilid si FEU Lady Booter Regine Rebosura sa ika-46 na minuto ng tapatan. Matapos makasungkit ng puntos ng Morayta-based squad, sinubukang sumagot ng koponang green and white mula sa kanilang rumaragasang opensa ngunit, agad naman itong nahadlangan ng solidong zone defense ng FEU Lady Booters. 

Naging masidhi naman ang kalagitnaan ng second-half matapos patawan ng yellow card ang dalawang koponan nang magkainitan sina FEU Lady Booter Leofrance Gayapa at Jonela Albiño, at DLSU Lady Booter Chenny Dañoso.

Buhat ng mga error ng FEU, nakatanggap ng free kicks ang kababaihan ng Taft ngunit masikap itong naikubli ni FEU Lady Booter goalkeeper Jessa Lehayan. Tila maibubulsa na ng  FEU Lady Booters ang panalo nang sumapit ang mga huling minuto ng second-half. Subalit, napigilan ang maagang pagdiriwang nang makasungkit ng isang header si DLSU Lady Booter co-captain Shai Del Ocampo sa ikasampung minuto ng injury time upang pahabain ang eksena, 1-all.

Bitbit ang momentum mula sa kanilang kagila-gilalas na goal, nagpasiklab ng opensa ang DLSU na agad namang pinaradahan ng matatag na depensa ng FEU. Bunsod nito, nagpatuloy ang gitgitang sagupaan ng magkabilang koponan upang pigilan ang pag-iskor ng katunggali. 

Pagsapit naman ng mga huling minuto ng laban, nagliyab ang opensa ng FEU Lady Booters na sinubukang pigilan ni Gumilao. Subalit, agad nang umatake si FEU Lady Booter Rebosura sa ika-118 minuto upang sungkitin ang kampeonato para sa Morayta, 1-2. 

Hindi man naiuwi ng DLSU Lady Booters ang inaasam na 4-peat sa Taft, hindi maipagkakailang umaapaw na kumpiyansa at dedikasyon ang kanilang inihandog sa pagwagayway ng banderang berde at puti. Samakatuwid, nakamit ng DLSU Lady Booters ang pilak na medalya sa naturang torneo at ginawaran naman bilang Best Striker si DLSU Lady Booter Angelica Teves.