PINATUMBA ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang hanay ng Ateneo de Manila University (ADMU) Blue Eagles, 72-59, sa 2023 FilOil EcoOil 16th Preseason Cup sa FilOil EcoOil Centre, Mayo 28.
Pinangunahan ni kapitan Evan Nelle ang Green Archers matapos umukit ng 12 puntos, tatlong rebound, pitong assist, at isang steal. Naging kasangga naman niya sa pagpuntos si Vincent David nang pumukol ng 11 puntos, apat na rebound, at dalawang assist.
Matibay na sinimulan ng DLSU ang unang kwarter matapos makapuntos sina Jonnel Policarpio at Mark Nonoy mula sa isang layup at jump shot, 4-0. Sa kabilang banda, agad namang nakahabol ang ADMU nang magsumite si Kai Ballungay ng isang layup at isang puntos mula sa free throw line, 7-10. Pinagdikit naman ng Green Archers ang iskor nang maipasok ni Earl Abadam ang bola mula sa kaniyang driving layup at isang free throw mula kay Mike Phillips, 14-15.
Naging mabagal ang takbo ng serye pagdako ng ikalawang kwarter, ngunit hindi nagtagal nang basagin ni Blue Eagle Captain Forthsky Padrigao ang katahimikan matapos tumira mula sa labas ng arko na agad namang sinagot ni Mark Nonoy ng isang layup, 16-18. Pumana rin ng tres si star player Kevin Quiambao upang ibigay ang kalamangan sa DLSU, 19-18. Tumikada pa ng bumubulusok na tres si Policarpio upang mapanatili ang kalamangan, 24-22. Bunsod nito, tuluyan nang humarurot ng takbo ang Taft-based squad matapos magbitaw ng dunk si M. Phillips upang palobohin ang kanilang bentahe, 32-28.
Mainit na panimula naman ang ipinamalas ng Green Archers sa pagpasok ng ikatlong kwarter matapos magpasabog ng tres sina Nelle at Quiambao, 38-30. Naipagpatuloy pa ng koponang berde at puti ang kanilang momentum bunsod ng umaatikabong opensa ni Nelle sa loob at labas ng arko, 43-32. Sinubukan pang kumalas ng Katipunan-based squad sa bitag ng DLSU, subalit hindi ito naging sapat nang paigtingin ng Green Archers ang kanilang depensa at panapos na layup mula kay Joaqui Manuel, 55-41.
Nagpatuloy naman ang pag-arangkada ng Taft-based squad sa huling kwarter nang makalamang ng 16 na puntos mula sa fade away ni Nelle, 57-41. Sa kabilang banda, inulan naman ng turnover ang Blue Eagles bunsod ng mahigpit na pagbabantay ng Green Archers. Kasabay nito, sinamantala ng DLSU ang naghihingalong depensa ng ADMU nang magsumite ng magkakasunod na puntos sina David at EJ Gollena upang selyuhan ang panalo, 72-59.
Bunsod ng pagkapanalo, nananatiling nasa tuktok ng standings ang Green Archers bitbit ang 8-0 panalo-talo kartada. Tunghayan ang susunod na bakbakan ng Green Archers kontra St. Clare Saints sa darating na Miyerkules, Mayo 31, sa parehong lugar.
Mga Iskor:
DLSU – E. Nelle 12, M. Nonoy 11, V. David 11, K. Quiambao 11, M. Phillipis 10, J. Policarpio 5, E. Gollena 4, F. Escandor 3, J. Manuel 2, E. Abadam 2, B. Phillips 1
ADMU – K. Balunggay 18, I. Espinosa 9, J. Credo 7, J. Obosa 5, J. Brown 5, F. Padrigao 4, S. Chiu 3, M. Amos 3, S. Quitevis 3, G. Nwabude 2
Quarter Scores: 14-15, 32-28, 55-41, 72-59