SINIBAT ng EcoOil-La Salle Green Archers ang Wangs-Letran Knights upang mapitas ang ikalawang puwesto sa semifinals, 102-79, sa PBA D-League Aspirants’ Cup 2023 sa Ynares Sports Arena, Hunyo 1.
Tumambad bilang best player para sa La Salle si scoring machine Kevin Quiambao matapos magsalaksak ng 28 puntos at 13 rebound.
Nagpasikat naman para sa koponang Letran si Kurt Reyson nang maghakot ng 21 puntos.
Masiglang binuksan nina Mark Nonoy at Kobe Monje ang unang kwarter nang magsagutan ang dalawa ng jumper, 3-all. Kumamada rin ng magkasunod na tres si Mur Alao upang palobohin ang kanilang kalamangan kontra Letran Knights, 13-3. Sa kabila ng matinding pagbabantay ng Green Archers, nakalusot naman ang malinis na midrange jumper ni Reyson, 16-7. Nagpatuloy pa ang pag-arangkada ng Taft-based squad nang rumatsada ng layup at putback sina Quiambao at Mike Phillips, 21-7.
Buhat ng matinding depensa ng La Salle, nagkukumahog ang opensa ng katunggaling koponan. Gayunpaman, agad namang rumesponde ng second chance point si Pao Javillonar, 23-13. Sa natitirang isang minuto at siyam na segundo ng laban, hinatulan ng flagrant foul si Kyle Tolentino at technical foul naman para kay Javillonar. Natigil man ang momentum ng Green Archers, pinalawak pa ni Ben Phillips ang bentahe sa walong puntos nang mailusot ang tirada, 27-19.
Nagpatuloy ang pagdomina ng Taft mainstays sa Letran Knights nang humarurot ng fast break layup si Bright Nwankwo, 35-23. Tinambakan pa nina Quiambao, Joaqui Manuel, at Jcee Macalalag ang kalaban matapos pumukol ng magkakasunod na tirada, 48-27. Sa kabilang banda, nagsumite naman ng midrange jumper ang Letran upang paimpisin ang namamagang kalamangan ng La Salle sa bandang huli ng ikalawang kwarter, 55-34.
Nagising naman ang diwa ng Knights pagpasok ng ikatlong kwarter matapos tumikada ng walong magkakasunod na puntos, 55-42. Gayunpaman, muling nagpakitang-gilas si Quiambao gamit ang kaniyang eurostep, 57-42. Bunsod nito, nagpatuloy ang kalbaryo ng Letran nang paigtingin ng La Salle ang kanilang opensa at depensa. Umukit pa ng fastbreak points si Quiambao at tig-isang layup naman galing kina Letran Knights Kevin Santos at Monje upang tuldukan ang kwarter, 75-55.
Bitbit pa rin ng Green Archers ang kanilang hagupit pagdako ng huling kwarter. Buhat nito, agad namang nag-init si Green Archer Francis Escandor nang makapuntos mula sa dalawang magkasunod na layup, 82-63. Sa kabilang banda, pilit namang sinubukang sabayan ng Letran Knights ang bangis ng berde at puti nang magpakawala ng bumubulusok na tres sina Nicko Fajardo at Tolentino, 88-73. Umeksena naman si M. Phillips bunsod ng kaniyang offensive rebound at putback jumper, 92-73. Nagpalitan pa ng puntos ang dalawang koponan, ngunit agad nang sinelyuhan ng Green Archers ang bakbakan, 102-79.
Samakatuwid, nasungkit ng EcoOil-La Salle ang ikalawang puwesto sa semifinals ng naturang torneo dulot ng kanilang pagkapanalo. Kaakibat nito, hihintayin ng koponan ang mananalo sa quarterfinals round ng torneo upang makompleto ang final four.
Mga Iskor:
La Salle – Quiambao 28, Alao 10, M. Phillips, 9, Nonoy 8, Manuel 7, Escandor 7, Nwankwo 6, Abadam 6, B. Phillips 5, Cortez 4, Macalalag 4, Estacio 4, Gollena 3, David 1.
Letran – Reyson 21, Monje 16, Santos 14, Cuajao 7, Bojorcelo 6, Fajardo 5, Javillonar 4, Tolentino 3, Laquindanum 2, Go 1
Quarter Scores: 27-19, 55-34, 75-55, 102-79