MATAPANG NA TUMINDIG ang Pamantasang De La Salle, sa pangunguna ng University Student Government (USG), sa isinagawang bahagharing pailaw sa harapan ng St. La Salle Hall upang opisyal na ilunsad ang SINAG: DLSU Pride Celebration, Hunyo 1.
Suot ang makukulay na damit kasabay ang pagwagayway ng banderang bahaghari, sama-samang ipinakita ng bawat Lasalyano ang isang makapangyarihang hakbang tungo sa pagyakap sa inklusibong lipunan. Ipinamalas ng bawat estudyanteng dumalo ang patuloy na pagsulong sa mga karapatan ng LGBTQIA+, pagkalas sa tanikala ng pagtatangi, at ang patuloy na paghamon sa kasalukuyang kalagayan sa bansa.
Pagyapos sa makulay na kasarian
Binigyang-diin ni USG President Alex Brotonel sa kaniyang talumpati ang lakbaying kanilang tinatahak sa pagbuo ng mga programa para sa LGBTQIA+ sa loob ng Pamantasan. Giit niya, pasimula pa lamang ang aktibidad sa mahabang krusada ng pagtataguyod ng karapatan ng bahagharing komunidad, hindi lamang sa loob ng Pamantasan ngunit maging sa labas nito. Paglalahad niya, “Gusto ko pong sabihin na malayo pa, pero malayo na ang nararating ng ating Unibersidad.”
Hinikayat din niya ang pamayanang Lasalyano na patuloy na makiisa sa pagtanggap sa mga kasapi ng LGBTQIA+ at lumaban sa mga pang-aabuso at pang-aaping nararanasan ng komunidad. Kaugnay nito, patuloy ang kanilang opisina sa pagbuo ng mga programang naglalayong magsulong ng inklusibidad sa Pamantasan, tulad na lamang ng pagtaguyod sa paggamit ng courtesy titles sa graduation rites na naaayon sa kagustuhan ng mga estudyante.
Isasagawa rin ang kauna-unahang Pride March sa Pamantasan sa darating na Hunyo 14. Pagdidiin ni Brotonel, “We are also helping them to create a unique opportunity to foster a Lasallian community that embraces diversity and promotes inclusivity.” Nangako naman si Karen Fae Chua, tagapagsalita mula sa DLSU PRISM, na susuportahan ng kanilang organisasyon ang komunidad at patuloy na makikipaglaban para sa pagkakapantay-pantay.
Nagpahayag din ng mainit na pagsuporta si Dr. Estesa Xaris Que-Legaspi, direktor ng Lasallian Center for Inclusion, Diversity and Well-being, sa makukulay na pagkakaiba ng mga kasapi ng LGBTQIA+. Paglalarawan niya, may kaugnayan ang bahaghari sa komunidad dahil sinasalamin nito ang makukulay na pagtanggap at suportang natatanggap ng mga kabahagi nito.
Sa pagtatapos ng kaniyang talumpati, itinatak ni Legaspi ang isang paalala sa lahat ng dumalo. Pabatid niya, “May the rainbow continue to be a sign of hope, and we see each other as a child of God. May we love, respect, and include each other as such.”
Balangaw ng boses na lumalaban
Paninindigan sa pagsulong ng isang komunidad na hindi binibigyang-puwang ang anomang anyo ng diskriminasyon ang naging panawagan ng mga miyembro ng LGBTQIA+ sa isinagawang aktibidad. Nagsisilbing katalista ang bahagharing kilusang ito para sa pagbabago at nagbubukas ng mga pintuan para sa diyalogo at pagkakaunawaan.
Sa pananaw ni Br. Richie Yap, FSC, nagbibigay-kapangyarihan ang kolektibong pagkilos at inisyatibang ito sa iba’t ibang sektor. Hinihikayat niyang magsalita at aktibong makisangkot ang bawat isa sa pagprotekta sa karapatan hindi lamang ng mga LGBTQIA+ kundi maging ang ilang mga na pinagkakaitan ng boses sa lipunan, tulad ng mga katutubo.
“I think having [an] event like this and allowing this, especially in a Catholic, in a Lasallian institution, sends a clear message to everyone that we need to make more efforts to [make] sure that first the rights of LGBTQIA+ are respected because they are the same human rights as any of us enjoy, and second, it is also our way of reminding everyone to be more inclusive, accepting, and welcoming of the diversity of people, [among] other things,” maalab na mensahe ni Yap.
Gayundin, naniniwala siyang mahalagang ikintal bilang isang institusyong pang-akademiko sa isipan ng lipunang may malawak na ideolohiya at paniniwala ang mga paksang gaya nito upang maisulong ang paggalang at pagrespeto sa kabila ng pagkakaiba-iba.
Giit naman ni gender equality rights advocate Deo Cabrera, ipinakikita ng Pride Light ang tapang na manindigan kahit na posibleng magdulot ito ng negatibong reaksiyon mula sa ibang tao. Aniya, nagbigay rin ito sa mga queer people ng kumpiyansa na ipamalas ang tunay nilang kulay dahil ipinararamdam ng Pamantasan at ng pamayanang Lasalyano ang mainit na pagtanggap nito sa lahat.
Pagpapatuloy niya, “Feel ko, ngayon [na] talaga ang panahon na mas kaya nating iusog ang laban forward given nga na tolerated na tayo. So, talagang ipasok na natin ang [mga] paa natin sa pintuan, umupo na tayo sa mga lamesa para simulan ang mga conversation, at ipakita sa mga tao na nandito kami, kailangan namin ng karapatan, at hindi kami kukuha ng no for an answer.”
Isang imbitasyon para sa lahat ang pagdiriwang na ito sa pagkilala sa makulay na komunidad ng LGBTQIA+ na unang hakbangin sa pag-abot ng isang makatarungan at mapagpalayang lipunan. Sama-sama nating bagtasin ang daan patungo sa mas inklusibo at mahabagin na lipunan na binibigyang-oportunidad ang lahat na makilala, mapaunlad, at maipagdiwang ang matingkad nilang pagkatao higit sa pagiging isang Lasalyano.