WINARAK ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang kalasag ng Colegio de San Juan de Letran (CSJL) Knights, 101-79, sa quarterfinals ng 2023 FilOil EcoOil 16th Preseason Cup sa FilOil EcoOil Centre, Hunyo 16.
Umarangkada para sa Taft-based squad si Kevin Quiambao matapos tumikada ng 23 puntos, anim na rebound, dalawang assist, at isang steal. Naging kasangga niya naman sa pagpuntos sina Mark Nonoy at Evan Nelle bitbit ang pinagsamang 30 puntos.
Bumida naman para sa hanay ng Letran Knights ang kanilang kapitan na si Kurt Reyson matapos magsumite ng 17 puntos, dalawang rebound, walong assist, at isang steal. Umagapay din sa kaniya si Kobe Moje nang bumulsa ng 11 puntos.
Bininyagan ni kapitan Nelle ang unang kwarter matapos magpakawala ng umaatikabong tres. Napagdikit naman ng Letran ang talaan buhat ng kanilang bantay-saradong depensa sa Green Archers, 10-all. Gayundin, inulan ng turnover ang koponang berde at puti nang tawagan ng magkakasunod na travelling violation. Gayunpaman, naiangat pa rin ng Taft mainstays ang kanilang bentahe matapos magsumite ng dunk sina Quiambao at big man na si Michael Phillips upang selyuhan ang kwarter, 23-18.
Nagpatuloy ang nagbabagang momentum ng Green Archers matapos umeksena sina Nelle at Quiambao gamit ang kanilang rumaragasang fastbreak jumper, 40-36. Pilit namang pinagdikit ng Knights ang labanan nang makadiskarte sa loob ng rim. Kaakibat nito, nagpalitan ng puntos ang magkabilang koponan gamit ang kanilang midrange jumper. Sa kabila nito, nanaig pa rin ang puwersa ng Taft-based squad patungong halftime, 52-45.
Sumiklab naman ang diwa ni standout player Quiambao matapos yanigin ang puwersa ng Letran Knights sa pagbubukas ng ikatlong kwarter, 54-47. Gayunpaman, hindi pinanghinaan ng loob ang CSJL nang makapagsalaksak ng magkakasunod na layup. Subalit, hindi ito naging sapat upang paimpsin ang lumolobong kalamangan ng DLSU, 74-61.
Pagdako ng huling kwarter, nanatiling mataas ang kumpiyansa ng Green Archers nang palawigin ang kalamangan, 90-70. Tila humihinga pa ang Knights nang makapagpuslit ng isang mabulusok na tirada si Josef Bojorcelo, 90-74. Sa huli, nagpakitang-gilas naman si Jonnel Policarpio nang magpakawala ng maangas na dunk upang tuldukan ang bakbakan, 101-79.
Bunsod ng lumalagablab na panalo, nananatiling malinis ang kartada ng Green Archers. Gayundin, aabante ang koponang berde at puti sa semifinals ng naturang torneo, upang kaharapin ang defending champions National University Bulldogs sa Lunes, Hunyo 19, sa ganap na ika-4 ng hapon sa parehong lugar.
Mga Iskor:
La Salle – Quiambao 23, Nonoy 18, Nelle 12, Austria 7, Macalaig 6, Manuel 6, M. Phillips 6, Policarpio 6, Abadam 4, David 4, Gollena 4, Cortez 2, Nwankwo 2, Escandor 1.
Letran – Reyson 17, Monje 11, Javillonar 10, Cuajao 9, Tolentino 9, Galoy 7, Santos 6, Bojorcelo 4, Guarino 2, Morales 2, Nunag 2.
Quarter Scores: 23-18, 52-45, 74-61, 101-79