Sa pagbuo ng isang relasyon, basehan ng iba ang paghahanap ng kanilang “The one”—ang kaisa-isang magiging kasangga sa hirap at ginhawa. Subalit, paano kapag kayang matagpuan nang panandalian ang mga naturang senyales sa ibang tao? Maaari bang isa lamang ang nilalaman ng puso habang may iba pang nagpapatibok ng puso at nagpaliligaya sa kama?
Kasabay ng unti-unting pagbukas ng isipan ukol sa open relationship ang pagsalubong ng mga katanungan. Dulot ng kakaibang pamamalakad sa relasyon, hindi maiiwasan ang samu’t saring akusasyon—free pass, pangangaliwa, o kasalanang nakapipinsala sa pagkasagrado ng pag-iisang dibdib. Salungat sa kuro-kuro ng karamihan, kinakailangan pa rin ng matibay na pundasyon sa relasyong walang kadena sa pagitan ng dalawang tao. Sa mundo ng open relationship, matutunghayan na nananatiling tiwala, permiso, at katapatan ang makapagpipiglas o makapagtatali nito.
Panghuhusgang walang katuturan
Mga titig na kasing tulis ng kutsilyong tumatagos sa inosenteng kaluluwa—katulad nito ang pananaw ng mga tao pagdating sa open relationship. Pagdating sa pagmamahalan, hindi pa rin maiwasan ang paghusga sa mga taong nasa loob ng relasyong hindi lubos na nasisilayan. Subalit, madaling maunawaan ang mga alinlangang bumabalot dito sapagkat hindi tanyag ang relasyong hindi eksklusibo sa dalawang taong nag-iibigan.
Malayang makipag-usap at makipagtalik sa iba, hindi hadlang ang pagkakaroon ng kasintahan—ganiyan ang inilakip na mga kahulugan ng kinapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) na si JD* ukol sa open relationship. Sa kasalukuyan, magdadalawang taon na siyang sumusugal sa relasyong bukas sa ideyang maaaring maramdaman ang kilig o kalibugan mula sa ibang indibidwal bukod sa kasintahan. “We’ve been together for almost 2 years [at] nag-start kami ng open relationship, 1 year and 8 months ago,” pagsasalaysay ni JD.
Upang mas maliwanagan sa kaibahan nito sa polyamorous na relasyon, inilarawan niyang maaari silang kumausap ng ibang tao bilang pampalipas-oras ngunit hindi puwedeng mahulog ang kanilang loob. Kabaliktaran ito sa isang polyamory na maaaring gawing karelasyon ang napiling pampasaya basta may pahintulot ng ibang kasintahan.
Gaya ng mga karaniwang magkasintahan, nagkakaroon din sila ng minsanang tampuhan lalo na sa simula ng kanilang open relationship. Inilinaw niyang may mga kaba pa sa kanilang mga dibdib dahil baguhan pa lamang sila sa isang relasyong bukas ang tarangkahan sa paglilibang, subalit daglian din namang nawala ang kanilang takot. Tulad ng mga itinatayong gusali, sementado ang kanilang pagsasama sa katapatan at bukas na komunikasyon—dahilan upang maglaho ang mga kaba.
Maliban sa aliw, natutugunan ng ganitong kalagayan ang sekswal at pisikal na pangangailangan nilang magkasintahan sapagkat nakatira sila sa mga lugar na malayo ang pagitan sa isa’t isa. Binuksan din ng open relationship ang pinto patungo sa iba’t ibang oportunidad tulad ng lubusang pagkilala sa sarili. Pagbabahagi ni JD, nagagalugad ng kaniyang kasintahan ang sekswalidad niya dulot ng pagkilala o pagliwaliw kasama ang iba’t ibang tao.
Gayunpaman, hindi naman sumagi sa kanilang isipan na pagtataksil o pangangaliwa ang ginagawa nila dahil sa laki ng tiwala nila sa isa’t isa. “Long term plans tapos reassurance na din galing sa isa’t isa,” tugon ni JD sa pagtuldok ng mga pagdududa. Sa kabilang banda, napili man ni JD bilang lunduyan ng pagmamahal ang open relationship, naging makatotohanan pa rin siya sa pagsasabi na hindi para sa lahat ang relasyong ito.
Hindi sagrado kapag hindi sarado
Sa gitna ng pagbali ng bagong henerasyon sa mga tradisyonal na pamantayan ng pagsinta, patuloy na lumilitaw ang iba’t ibang anyo ng pagmamahal na hindi humahadlang sa pagkatao ng isang indibidwal. Subalit, sa relasyong may puwang para sa ibang tao, saan nga ba nakalugar ang konsepto ng tunay na pag-ibig at katapatan?
Nananatiling kontrobersiyal ang open relationship sa larangan ng sikolohiya kaya sa panayam ng APP kay Dra. Julse Zantua, isang guidance counselor na 13 taon nang nagsisilbi sa Pamantasang De La Salle, ibinahagi niya ang ilang salik at implikasyon ng naturang relasyon. Sa kaniyang pananaw, pumapasok ang magkasintahan sa isang open relationship dahil hindi sila komportableng matali sa isang tao. Isinasaalang-alang din bilang rason ang likas na pagnanais na makipagtalik sa iba. Paglalahad nga ni Dra. Zantua, “Maaaring depende sa values ng tao, baka liberated [at] not so conservative. . . sa personality din siguro ‘yun ng both partners, adventurous sila [kaya] they want to try everything.”
Walang permanenteng epekto ang open relationship dahil karaniwang sekswal na pangangailangan lamang ang habol ng mga taong pumapasok sa ganitong relasyon, ani Dra. Zantua. Subalit, inihayag din niyang may implikasyon ito sa mental na kalagayan ng tao sapagkat mahihirapan silang panatilihin ang katahimikan sa kanilang utak dahil sa komplikadong estado ng relasyon.
Para kay Dra. Zantua, walang lugar ang katapatan sa open relationship sapagkat nagagawa nilang makahanap ng kasiyahan sa ibang tao na maaaring magtulak sa kanilang iwan ang kasintahan. Sambit din niyang iniiba nito ang konsepto ng pag-ibig dahil sa pagkawala ng hangaring bumuo ng pamilya kahit parehong panig man ang sang-ayon sa relasyon.
Isinalaysay pa rin naman niyang walang masama sa open relationship lalo na kapag hindi pa sumasagi sa isip ng indibidwal na pumirmi sa isang tao. Gayunpaman, naniniwala siyang kapag kontento na ang isang tao sa kaniyang sarili—gugustuhin niya pa ring pumili ng taong makakasama niya habang-buhay.
Malayang identidad ng pagmamahal
Sa pagsabak sa relasyong susukatin ang katatagan ng pagtitiwala, mahalagang maging handa sa hindi pagkakaunawaan dulot ng agam-agam. Pabiro mang inamin ni JD na hindi dapat mabilis magselos ang magkasintahan sa loob ng open relationship—may kalakip pa rin itong katotohanan dahil hindi maiiwasan ang mga pag-aaway na nag-uugat sa selos. “Before ka magselos at mag-assume ng mga bagay kausapin mo muna ‘yung partner mo. Reassurance,” payo niya.
Hindi man pangkaraniwan ang open relationship, mahalaga pa ring bigyang-respeto ang mga nasa loob ng relasyong hindi lubos na tanggap ng lipunan. May rason ang lahat sa pagpasok dito. Walang lugar ang panghuhusga lalo na sa konsepto nila ng pagmamahal.
Sa open relationship, ipinamalas ang pakikipagsapalaran sa pag-irog na inaanyayahan ang ibang maglibang kasama ang piling ng iba. Malaya silang nakagagalaw—walang mabigat na parusa kapag nakaramdam ng aliw o kiliti mula sa ibang tao maliban sa kasalukuyang kasintahan.
*hindi tunay na pangalan