NAUPOS ang puwersa ng De La Salle University (DLSU) Green Archers sa pagliyab ng De La Salle – College of Saint Benilde (CSB) Blazers, 76-88, sa kanilang sagupaan sa Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) Invitational Games sa SM MOA Arena, Hunyo 28.
Nanguna si EJ Gollena para sa Green Archers matapos tumikada ng 19 na puntos, dalawang rebound, tatlong assist at isang steal. Naging kaagapay naman niya sa pagpuntos sina Vhoris Marasigan at Raven Cortez matapos umukit ng kabuuang 31 puntos.
Naglagablab naman para sa hanay ng Blazers si Miguel Oczon matapos pumoste ng 29 na puntos, anim na rebound, at apat na assist. Bumida rin sina Miguel Corteza at Zenrick Jarque matapos magtala ng tig-17 marka.
Sinalubong ng Green Archers ang unang tatlong minuto ng laro nang makabuo ng 5-0 run. Ipinasawalang-bisa naman ito ng Blazers nang itabla ang talaan sa pito at kumamada pa ng magkakasunod na puntos upang makaabante sa serye, 7-12. Nagpatuloy pa ang pagragasa ng CSB bunsod ng tirada ni Corteza, 10-21. Sa kabilang banda, sinubukang sumagot ng Green Archers nang makadiskarte si Raven Cortez sa loob ng paint, 16-21. Gayunpaman, nanaig ang opensa ng Blazers matapos rumatsada ng puntos sa pagtatapos ng unang kwarter, 16-33.
Pagdako ng ikalawang kwarter, agad na humataw ng tres si Ben Phillips, 21-38. Nagpakitang-gilas naman si Vhoris Marasigan para sa koponang DLSU nang magsumite ng isang layup at sinundan pa ng tirada mula sa labas ng arko, 29-42. Umeksena naman sa loob ng kort si Gollena matapos magtala ng magkakasunod na puntos, 33-44. Subalit, hindi na nagpahabol ang Blazers nang maiakyat ang kalamangan sa 15 puntos, 36-51.
Nagsagutan naman ng umaatikabong tres sina Blazer Felipe Marasigan at Green Archer Marasigan sa pagbubukas ng ikatlong kwarter, 39-54. Samantala, nagpatuloy ang nagbabagang opensa ng CSB nang makabuo ng 6-0 run bunsod ng tirada ni Oczon, 39-60. Sa kabilang banda, tila nagising naman ang koponang DLSU nang humarurot ng takbo sa pagpundar ng puntos, 51-62. Subalit, agad namang pinigilan ni Blazer Jarque ang pagtatangkang pagkalas ng Green Archers sa kanilang bitag matapos pumuwesto sa labas ng arko, 59-67.
Bumulaga naman ang bagsik ni Green Archer Jake Gaspay sa huling kwarter nang maisalya ang drive sa ilalim ng rim upang ipagdikit ang talaan ng iskor, 61-67. Sa kabila nito, kumayod naman ng magkakasunod na tres si Oczon upang itaas ang kanilang bentahe, 64-82. Sinubukan pang makahabol ng Green Archers matapos magsumite ng tirada sina Gollena at Phillips, ngunit hindi ito naging sapat nang tuldukan ng CSB Blazers ang bakbakan, 76-88.
Isinagawa ang SBP Invitational Games bilang paghahanda sa nalalapit na 2023 FIBA Basketball World Cup. Kabilang sa naimbitahang koponan ang DLSU Green Archers at iba pang koponan mula sa University Athletic Association of the Philippines at National Collegiate Athletic Association.
Mga iskor:
DLSU – Gollena 19, Marasigan 16, Cortez 15, Phillips 9, Estacio 6, Agunanne 5, Gaspay 4, Buensalida 2.
CSB – Oczon 29, Corteza 17, Jarque 17, Carlos 8, Gozum 6, Marasigan 3, Arciaga 2, Jalalon 2, Mara 2, Turco 2.
Quarterscores: 16-33, 36-51, 59-67, 76-88