“Ayokong magmahal!”
PINAIGTING ng pamayanang Lasalyano ang malawakang kampanya, online at onsite, laban sa 3% na pagtaas ng matrikula nitong ikalawang termino ng akademikong taon 2022-2023, sa pangunguna ng University Student Government (USG).
Isiniwalat ng USG sa isinagawang town hall meeting nitong Pebrero 23 na magkakaroon ng 4% na pagtaas ng matrikula sa susunod na akademikong taon, batay sa naging desisyon ng Multi-Sectoral Consultative Committee on Tuition Fees (MSCCTF). Mas mataas ito kompara sa 2.5% noong nakaraang akademikong taon ngunit hindi nalalayo sa porsyento noong taong 2020-2021 (4%), 2015-2016 (4%), 2014-2015 (5%), 2013-2014 (4-5%), at 2012-2013 (3.5%).
Pangangalampag ng USG
Mariing kinondena nina USG President Alex Brotonel at USG Treasurer Cid Gernandiso ang 3% na pagtaas ng matrikula nitong ikalawang termino, batay sa isinagawang panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP). Ayon sa kanila, hindi makatuwiran ang porsyentong ito dahil marami pa ring mga aberya sa sistema ng Pamantasan at mga kakulangan sa pasilidad. Taliwas naman ito sa naging pahayag ni Br. Bernard Oca, FSC na hindi nagtaas ang matrikula nitong nagdaang termino.
Batay sa inilabas na projected tuition at fees ng Pamantasan ngayong akademikong taon, tumaas nang mahigit Php10,000 ang matrikula ng College of Computer Studies (CCS), College of Liberal Arts (CLA), at College of Science (COS) kompara sa itinakdang bayarin noong ikatlong termino ng AY 2021-2022. Matatandaang naging batayan ng pagtaas ng matrikula ang patuloy na pagsipa ng implasyon ng bansa.
Ani Brotonel, “Tumataas ang mga bayarin subalit hindi naman natatanggap ng mga estudyante ang benepisyo na karapat-dapat sa mataas na matrikula.” Sinang-ayunan din ito ng mga Lasalyano ayon sa isinagawang sarbey at mga focus group discussion. Anila, hindi makatuwiran ang kasalukuyang halaga dahil sa pagtaas ng presyo ng bilihin at mga aberya sa mga pisikal at online na pasilidad, tulad ng AnimoSys at My.LaSalle.
Sa katunayan, 2,968 estudyante ang nagpahayag na tumaas ang kanilang mga bayarin ngayong hybrid na setup. Naapektuhan din ang badyet ng mga estudyanteng mula sa probinsya dahil kinakailangan nilang maghanap ng mauupahan upang matamo ang kalidad na edukasyon sa Pamantasan. Dagdag pa rito, 1,632 estudyante ang gumagamit ng pampublikong transportasyon at gumagastos ng humigit-kumulang Php160 bawat araw.
Matatandaang naglunsad ang USG ng mga aktibidad tulad ng paggawa ng plakard, pag-organisa ng unity walk, at pagsagawa ng town hall meeting upang bigyang-pagkakataon ang mga estudyanteng maipahayag ang kanilang pagtutol. Naghain din ang USG ng isang panukala sa MSCCTF para sa 0% na pagtaas ng matrikula sa susunod na akademikong taon dahil aabot pa rin sa Php4,083,091,876.07 ang inaasahang makokoletang pera ng Pamantasan mula sa matrikula, ayon sa kanilang naging tantiya.
Kaugnay nito, inaasahan nina Brotonel at Gernandiso na ikokonsidera ng administrasyon ang mga hamong dulot ng ekonomiya, pandemya, at hybrid na setup. Ayon kay Gernandiso, karapatan ng lahat ang makapag-aral kaya makatarungan lamang na dinggin ng Pamantasan ang hinaing ng mga Lasalyano.
“Kapag tumaas pa ang matrikula, [ang] edukasyon ng DLSU ay nagiging eksklusibo at nagiging kabaliktaran ng adbokasiya ni St. La Salle,” pagbibigay-diin ni Brotonel.
Sa kabila nito, nabigo pa rin sila sa kanilang panawagan kaya tiniyak na lamang nina Brotonel at Gernandiso na maghahanap ang USG ng karagdagang pondo upang makapagbigay ng mas maraming scholarship sa mga estudyanteng nangangailangan.
Sinubukan ng APP na makapanayam sina Maria Lourdes Fajardo, pangulo ng DLSU-Parents of University Students Organization (PUSO); Dr. Rafael Cabredo, dekano ng CCS; Dr. Rhoderick Nuncio, dekano ng CLA; at Dr. Glenn Alea, dekano ng COS, ngunit wala pang natatanggap na tugon ang Pahayagan sa mga oras na isinusulat ang artikulo.
Perspektiba ng GCOE
Iginiit ni Dr. Kathleen Aviso, dekano ng Gokongwei College of Engineering (GCOE), sa isang panayam ng APP, na ibinalik lamang ngayong face-to-face na setup ang mataas na matrikula para sa klaseng panlaboratoryo. Aniya, “Ang matrikula para sa laboratory ay pansamantalang tinanggal noong panahon ng pandemya dahil ang mga klase ay online. Ito ay isinagawa kahit na patuloy pa din ang maintenance ng mga gamit sa laboratory.”
Ibinahagi rin niyang wala silang natatanggap na mga hinaing mula sa mga estudyante sa kabila ng mataas na matrikula dahil isinasaalang-alang ng administrasyon ang panig nila bago pa man ipanukala ang iba’t ibang mga polisiya.
Nakikipag-ugnayan din ang GCOE sa PUSO upang makapagbigay ng pinansyal na tulong sa mga Lasalyanong nangangailangan. Kasalukuyang inihahandog ng Pamantasan ang mga student loan upang makatulong sa pagbayad ng kanilang matrikula.
Inaasahan naman ni Aviso na patuloy lamang na magtiwala ang mga Lasalyano sa Pamantasan dahil para naman sa ikabubuti ng pamayanan ang mga isinasagawang pagbabago. Wika niya, “Bukas din ang aming mga opisina upang tumanggap ng mga [suhestiyon] at maghanap ng paraan kung paano [makatutulong] ang administrasyon sa mga pagsubok na hinaharap ng mga estudyante ngayong termino.”
Hinaing ng mga Lasalyano
Pagkadismaya ang iisang tugong nakalap ng APP sa ilang mga estudyanteng nakapanayam hinggil sa hindi napapanahong implementasyon ng pagtaas ng matrikula. Anila, nagdudulot lamang ito ng karagdagang pasanin sa aspektong pinansyal lalo na sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ani Joshua Alec Sevillano, ID 122 ng kursong Bachelor of Science in Legal Management, nagkakaroon ng negatibong epekto ang pagtaas ng matrikula gaya na lamang ng pagkuha ng mas kaunting yunit, paglipat sa ibang paaralan, o paghinto sa pag-aaral. Sinang-ayunan din ito ni Ivan Henry Ramos, ID 121 ng kursong Bachelor of Arts Major in Economics, lalo na’t nasa gitna ng transisyon ang Pamantasan tungo sa face-to-face na moda.
“Para sa isang tulad kong naninirahan sa Bulacan, ang transisyon ay nangangahulugang malaking gastusin para sa lugar [na pagtitirahan] at transportasyon. Sa hinaharap, kung sakaling hindi [ko] na kayanin, baka ang pagtaas ng matrikula at ang transisyong ito ay magdulot ng [paglipat] ko sa ibang paaralan,” ani Ramos.
Sa kabilang banda, ipinahayag naman ni Anne Marie Sy, ID 121 ng kursong Bachelor of Science in Early Childhood Education, na kinailangang taasan ang matrikula nitong ikalawang termino dahil sa kinokonsumong enerhiya sa mga silid-aralan. Gayunpaman, nakikiisa pa rin siya sa pagtutol dahil hindi lahat ng mga estudyante ang may pribilehiyong makapagbayad ng matrikula. Giit pa niya, marapat na ipabatid ng Pamantasan ang mga usapin hinggil dito sa lalong madaling panahon upang makapaghanda sila sa maaaring maging epekto nito.
Hangad din ni Shealtiel Lei Jamoles, ID 121 ng kursong Bachelor of Science in Human Biology, na ikonsidera ang pagkakaloob ng awtomatikong kabawasan sa matrikula ng mga estudyanteng mapabibilang sa Dean’s List.
Sa kabuuan, bakas ang pagtutol ng mga Lasalyano sa pagtaas ng matrikula dahil nagiging karagdagang pasanin ito sa kabila ng pandemya at estado ng ekonomiya. Patuloy din ang kanilang pangangalampag upang makamit ang pantay na karapatan sa edukasyon na isa sa mga misyong nagbigay-daan sa pagtatatag ng Pamantasan.