Bata man o matanda, anomang kasarian, henerasyon, o kulturang kinalakihan, nagiging pantay ang lahat sa mundo ng pag-ibig. Walang takas ang bawat isa sa hiwagang nagbibigay ng kakayahang ialay ang buong puso upang makatanggap ng katumbas na pagsinta. Subalit, sa dami ng tao sa mundo, iba-ibang mukha ng pagmamahal ang umusbong.
Sandamakmak na tao ang naglalaan ng kanilang buong buhay upang hanapin ang kabiyak ng kanilang mga puso. Lingid sa kaalaman ng iba, may mga taong hindi lamang katambal ang sinusubukang matagpuan. Hanap nila ang pira-pirasong bahaging bubuo sa kanilang buhay. Gayunpaman, sa tradisyonal na konsepto ng pagmamahalan, napakukunot ang noo ng karamihan tuwing magdidikit ang mga salitang sangkaterba at kasintahan.
Kalawakan ng pag-ibig
Pag-ibig. Isang makapangyarihang puwersang taglay ng lahat anoman ang anyo nito. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel kina D* at Charles Sutter, ibinahagi nila ang kakaibang mundo ng polyamory. Tanggap dito ang mga pusong may kakayahang magmahal nang marami. Salungat ito sa tradisyonal na paniniwalang eksklusibo lamang ang pagmamahal para sa isang itinadhanang tao. Subalit, paano nga ba ito gumagana?
Isa sa mga pangunahing aspekto ng relasyon ang eksklusibong pangakong manatiling tapat sa isa’t isa. Kabaligtaran ang nangyayari sa polyamory na ipinagkakaila ang pagnanais ng pusong magmahal pa ng iba. Sa gayon, komunikasyon ang susi ng mga polyamorous upang maging malusog ang pagsasama kahit marami mang kasintahan. “Commitment is communication. [It] is following everything you agreed upon [and] respecting each other,” pahayag ni D. Gayunpaman, hindi ibig sabihing panandalian lamang ang kanilang katapatan. Para kay Sutter, nakikita niyang magtatagal ang kaniyang relasyon sa pamamagitan ng tamang komunikasyon.
Madalas ring tinatalakay ang selos sa loob ng polyamory. Ipinaliwanag ni Sutter na batay sa lipunan, matatagpuan ang halaga ng mga romantikong relasyon sa pagiging espesyal ng isang tao sa kaniyang kasintahan. Subalit, sa sandaling dumami ang karelasyon, naglalaho na ang kanilang natatanging kuwenta kaya umuusbong ang selos. Aniya, kailangang abandonahin ng mga polyamorous ang ganitong pag-iisip. “You’re still a special part of your partner’s life. It’s just removing the idea of being the only one,” paglilinaw niya. Sa kabila nito, nararamdaman pa rin nila ang selos. Ibinahagi ni D na may pag-aalinlangan pa ring hindi ganap na maiiwasan sa mga relasyon dahil sa sari-sariling kabuwayan.
Misteryo rin sa karamihan ang konsepto ng pangangaliwa. Paliwanag ni D, “It depends on the relationship and agreement. Some poly relationships are closed; others have more relaxed rules and allow anything.” Para sa kanila, itinuturing na panloloko ang pagsisinungaling o pagtatago ng isang relasyon. Samakatuwid, binigyang-diin ni D na hindi ito pangangaliwa kapag may pahintulot mula sa mga karelasyon.
Kabiyak ng mga puso
Malawak ang pagbibigay-kahulugan sa salitang pag-ibig—walang makapagsasabi sa tunay nitong kalaliman at kabuluhan. Pilit man itong igapos ng mga tao sa mga nakagisnang pamantayan, patuloy lamang ang pagpiglas ng ilan upang maisabuhay ang naaangkop na pagmamahal. Isinalaysay nila D at Sutter na kagaya ng isang monogamous na relasyon, nakaangkla rin ang polyamorous na relasyon sa pagbibigay-pahintulot at pagkauunawaan.
Sa kanilang pagbabahagi, makikita ang kahalagahan ng paglalatag at pagbibigay ng mga alituntunin sa bawat kasintahan ng mga hindi angkop na gawain sa loob ng relasyon. “Each relationship has different “rules,” but what’s important is that everyone agrees what each partner is allowed to do,” giit ni D. Muli, pinaigting nila ang kahalagahan ng malinaw at tuwirang pag-uusap at pag-aareglo ng mga pangangailangan.
Pinagdaanan din nina D at Sutter ang monogamous na relasyon ngunit nahinuha rin nilang hindi ito salamin ng kanilang tunay na pagkakakilanlan at nararamdaman. “I just felt like I wasn’t who I really was. I’m naturally just a polyamorous person. I felt guilty being in a monogamous relationship and having the feelings I did,” mahapis na pagbabahagi ni Sutter. Naramdaman din ni Sutter na hindi siya nagiging patas sa kaniyang sarili at kasintahan sakaling ipinagpatuloy niya ang pagiging monogamous.
Nagsalaysay din sila ng mga maling kuro-kurong pinaniniwalaan ng iba. Inihayag nilang malimit ang pag-iisip na nangyayari ito sapagkat hindi kayang punan ng isang kasintahan ang mga romantiko at sekswal na pangangailangan ng mga polyamorous. Isinalaysay din ni Sutter na hindi katwiran sa pagpasok sa polyamory ang hindi pagiging sapat ng kanilang kasintahan. Gayundin, pinabulaanan niya ang paniniwalang kasakiman ang dahilan ng paglitaw ng ganitong relasyon.
Ibang mukha ng pagmamahal
Dulot ng konserbatibong kultura sa Pilipinas, hindi maiiwasang makatanggap ang mga tulad nila D at Sutter ng diskriminasyon galing sa mapanghusgang mata ng lipunan. Aminado si D na hindi madaling ipaunawa sa iba ang kanilang sitwasyon sapagkat madaling makabuo ang iba ng maling perspektiba o mga agresibong komento.
Malaki na ang pagbabago sa dinamiko ng mga relasyon sa modernong panahon kaya mahirap na ring matukoy ang tunay na pamantayan sa katanggap-tanggap na paraan ng pag-irog. Gayunpaman, mahalagang maunawaan na hindi batayan ang pagiging normal o kakaiba upang masabing tama o mali ang mga relasyon. Basta hindi mapang-abuso at mapagsamantala, hindi mali ang paraan ng pagmamahalan.
Sa kabila ng mga tuligsa, masayang ibinahagi nina D at Sutter na kasalukuyan silang nasa maayos at malusog na relasyon. Pareho man silang dumaan sa monogamous na relasyon, nahanap nila ang nararapat na pagmamahal sa piling ng kanilang mga kasintahan. “Don’t be afraid to explore together, take that journey together,” inspiradong panghikayat ni Sutter. Sa kabilang banda, binigyang-diin naman ni D na may karapatan ang bawat isa na magbigay at tumanggap ng pagmamahal na nararapat sa kanilang pagkatao at hangarin
Magulo sa iba ang sitwasyong kinalalagyan ng dalawa ngunit sa mata ng mga umiibig—wala itong kamaliang tangan. Kabiyak man o pira-pirasong bahagi ng puso, iisa lamang ang magdidikit sa mga ito—pag-ibig.
*hindi tunay na pangalan