Kumpuni ng bawat piyesa: Pagbida sa entrada ni Coach Topex bilang panibagong head coach ng DLSU Green Archers

Kuha ni Adrian Teves

PANIBAGONG TAON, iisang layunin—ito ang namumutawing panata sa koponan ng De La Salle University (DLSU) Green Archers pagpasok sa bagong sistema na bitbit ni Michael Christopher “Topex” Robinson. Determinadong ibandera ng Taft-based squad ang bagong anyo nito upang makalundag pabalik sa nakagisnang podium finish sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 86 Men’s Basketball Tournament mula sa pagkadapa sa ikalimang puwesto noong nakaraang torneo. 

Buong-loob na ibinahagi ni Coach Topex sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang ilan sa kaniyang mga inihandang adhikain at programa para sa Green Archers. Nakatuon si Robinson sa pagpapatibay at pagpapasigla ng relasyon ng koponan sa loob at labas ng kort. Dagdag pa rito, inaasahan din ang panunumbalik ng matatag na koneksyon ng bawat miyembro sa laro sa kaniyang panunungkulan bilang punong tagapagsanay ng pangkat.

Pagtanggap sa panibagong hamon

Nananaig sa puso ni Robinson ang kaniyang adhikaing makapagturo sa pangkolehiyong entablado bagaman nanungkulan na siya bilang head coach ng Phoenix Super LPG Fuel Masters sa Philippine Basketball Association (PBA). “Dito ko nahahanap ‘yung fulfillment sa pagko-coach ng college. Unang-una, mga bata ‘yung mga inaalagaan namin dito, mga tinuturuan. Iisang layunin siyempre [ang] makarating sila [sa] PBA sa darating na panahon,” ani Robinson. 

Nagsimula ang karera ni Robinson bilang coach noong 2011 matapos pamunuan ang San Sebastian Golden Stags sa National Collegiate Athletic Association (NCAA). Nabigo mang makapag-uwi ng gintong medalya, nakitaan ng husay ang naturingang The Pitbull sa paghahasa ng karakter at talento ng kaniyang mga manlalaro. Nagbukas ito ng mga oportunidad kay Robinson sa PBA at NCAA sa koponan ng Alaska Aces noong 2012 bilang assistant head coach at Lyceum Pirates noong 2015 bilang head coach, ayon sa pagkakabanggit.

Sa kauna-unahang pagkakataong sumabak sa UAAP, tinitimbang ni Robinson ang husay ng mga pangkat na kanilang haharapin sa darating na Season 86. Higit na malawak ang bentahe, talento, at kasanayang bitbit ng mga manlalaro sa UAAP kompara sa NCAA. Dagdag pa niya, may kapasidad ang bawat koponan na magkampeon dahil sa pinaigting na sistema at estratehiya ng mga coach—bagay na lingid sa ibang mga pangkolehiyong kumperensiya sa bansa. 

Naniniwala si Coach Topex na hindi lamang sa pisikal na pamamaraan nahuhubog ang isang manlalaro. Aniya, kailangang pausbungin din ang mental at sosyal na pangangatawanan ng isang atleta.

Bilang panibagong miyembro sa koponan, sinisikap ni Robinson na maging mabuting ehemplo sa kaniyang mga manlalaro sa pagsasabuhay ng mga katangiang pang Lasalyano. Pagsasaad ni Robinson, “Kailangan po pare-parehas kami ng pinapahalagahan. . . hindi ko po maipapahayag sa kanila kung ako mismo hindi ganoon kalalim yung pagkakaalam ko sa school na pinagsisilbihan ko.”

Kolektibong hangarin

Mailap makalikha ng isang perpektong relasyon sa isang koponan sa rami ng manlalarong nakapaloob dito. Importante para sa bawat pangkat ang pagkakaunawaan ng lahat ng miyembro. Gayundin, mahalaga ang atmosperang namamalagi sa paglalaro. 

Gayunpaman, mahabang proseso ang kailangan upang maabot ang ganitong antas sa koponan. Paglalahad ni Coach Topex. “Hindi mo magagawa ng ilang araw o ilang buwan, minsan ilang taon bago mo ma-establish ‘yung ganoong relationship among sa team. . . Sa ngayon, andami pang maayos dito.”

Naging bokal si Robinson sa mga proyektong nais niyang isakatuparan na magdudulot ng mga pagbabago sa sistema ng koponan. Iminungkahi ni Robinson na isa sa kaniyang adhikain para sa koponan ang pagbuo ng kani-kanilang karakter. Bilang isang beterano sa pamumuno ng mga estudyanteng manlalaro, binigyang-diin ni Robinson na hindi natatamasa ang isang matibay na relasyon nang magdamagan.

Bilang hudyat sa mariing transisyon, naglaan ng oras si Robinson sa paglalatag ng isang matuwid na direksyon. Inilakip ni Coach Topex ang pangangailangan, layunin, at estilo ng bawat manlalaro sa pagbuo ng soliding relasyon sa koponan. “Sa amin po, ang pinakamahalaga ay ‘yung maging isa lang po ‘yung aming adhikain. Siyempre po maraming bagay dito sa team. . . Unang-una, isang malaking karangalan maging bahagi nito so alam din po nila ‘yon importansya,” pagdidiin ni Robinson.

Lubos na pinagtutuunang-pansin ni Coach Topex ang pagbubuklod ng bawat miyembro ng Green Archers. Pangunahing layunin ni Robinson ang pagsuong sa mga pagsubok ng kanilang kapatiran bago ang mga katunggali nito sa torneo. Pagsasaad niya, kailangang mailatag ang matibay na pundasyon sa loob ng koponan upang maitaguyod ang bandera ng Green and White.  

Paghasa sa talim ng pana

Patuloy na hinahasa ni Coach Topex ang talas sa pisikal at mental na mga aspekto ng Green Archers sa pagnanais na makapag-iwan ng marka, alinsunod sa pagsasagawa ng makabagong sistema. Buhat nito, hindi natakpan ng mabubulaklak na salita at impresyon ni Robinson ang kasalukuyang kalagayan ng koponan. “Sa ngayon napakalayo pa po namin, pero ang mahalaga gumagalaw kami. Hindi kami tumitigil. Ang maging bahagi ng team na ‘to, malaking responsibility, hindi sa maliit na panahon magagawa mo. Baka nga tapos na nga ako dito hindi pa namin magagawa ‘yon eh, it’s really something po na malaki, more than sa aming team,” sambit ni Robinson. 

Pinahahalagahan din ni Robinson ang pagkakaroon ng team chemistry upang mahigitan nila bilang isang koponan ang anomang pagsubok na maaaring tumambad sa Green Archers. Dagdag ni Robinson, sa mga pagkakataong nabibigo ang isang koponan nasusubukan ang bigkis ng mga manlalaro nito. Sa kabila nito, malaki ang kumpiyansa ni Coach Topex na makakamtan ng kaniyang koponan ang ninanais na estado nito sa nalalapit na torneo. 

Sa pagsisimula ng UAAP Season 86, mapabibilang si Robinson sa mga piling coach na nahawakan ang DLSU Green Archers. Sa pagsampa ng The Pitbull sa kampo ng Taft, susubukan nitong pakinangin muli ang mga palaso sa hardcourt. Ramdam ni Robinson ang umaapaw na suporta at karangalan sa paglalathala ng kaniyang bahagi sa kasaysayan ng Green Archers. “Again, [muli] pong nagpapasalamat at aasahan na kung ano man ‘yung ma-achieve namin, dahil ‘yon sa tulong ng buong community,” maalab niyang pagbabahagi. 

Nagtapos man ang karera ng Green Archers sa alanganing puwesto noong nakaraang torneo, inaasahan na sa kaniyang panibagong sistema papabor sa pagsungkit ng titulo ang takbo ng koponan. Bagamat masyado pang maaga upang sabihin ang kapalaran ng koponan, sa tulong ng isang konkretong programa at motibasyon ng pamayanang Lasalyano, malinaw ang pag-asa na maibabalik ang tugatog sa Taft.