Hindi ako nagsimula bilang isang mamamahayag. Bagamat napipili ako noong sumali sa mga paligsahan sa pagsulat ng sanaysay, madalas na hindi ako nananalo at hindi ko rin talaga naging hilig ito. Isa na rin siguro sa dahilan nito ang aking takot na mahuhusgahan ang aking paninindigan pati na rin ang aking kasanayan sa pagsusulat.
Sa kabila nito, nagkaroon ako ng pagnanais para sa katotohanan. Naghanap ako ng paraan upang makakuha ako ng kaalaman at magkaroon din ng ambag sa kaalaman ng ibang tao, at nakita ko ito sa pamamahayag. Nagkaroon ako ng sariling boses at lumawak din ang pananaw ko sa mundo—isang kakayahang hindi ko hahayaang mapuksa. Sa parehong paraan, hindi ko rin ninanais na mawalan ng boses ang masa, na siyang nangyari noong panahon ng Batas Militar.
Sa pagproklama ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ng Batas Militar noong 1972, ipinasara ang mga media outlet at mahigpit na binantayan ng gobyerno ang mga balita at impormasyong ipinalalabas sa midya. Sa unang linggo pa lamang nito, hinuli na ang mga mamamahayag na sina Rosalinda Galang, Amando Doronila, at Luis Beltran. Kasunod ito ng Letter of Instruction No. 1 na nag-atas sa militar na humalili at kumontrol sa pribadong pag-aari ng mga dyaryo, TV station, at iba pang midya.
Pinahintulutan lamang ang operasyon ng iilang pahayagan tulad ng Manila Daily Bulletin at The Times Journal na pare-parehas umano ang ipinalalabas na press release araw-araw. Nagmula ang press release sa Ministry of Information, at naging dahilan ito ng pagtigil sa pagsusulat ng balitang nagsisiyasat. Gayunpaman, hindi nagpatinag ang ilang mamamahayag at patuloy na lumaban para sa malayang pamamahayag sapagkat mayroon silang pinaninindigan.
Kabilang dito si Imo Obispo, ang pinakaunang punong patnugot ng Malate Literary Folio. Gamit ang kaniyang kakayahan bilang isang manunulat, naging kritiko siya ng mga polisiya noong Batas Militar na naging dulot ng kaniyang walang habas na pagpaslang. Sa pamamagitan nito, iminulat niya ang kaniyang mga kapwa Lasalyano sa mga suliraning bumabalot sa Pilipinas. Ipinakita rin niyang hindi kalaban ng bayan ang midya bagkus ang tunay nitong gampaning itaguyod ang boses ng masa.
Bagamat marami nang batas laban sa pagbabalik ng Batas Militar sa Pilipinas, nakatatakot pa rin ang posibilidad ng isang awtoritaryong rehime—lantaran man ito o hindi. Kaugnay nito, malaki ang gampanin ng mga mamamahayag sa pagmulat ng kapwa nilang Pilipino. Bukod sa pagbibigay-alam, tila nabibigyan din ng pagkakataon ang mga Pilipino upang masulyapan ang buhay ng iba at bumuo ng sarili nilang opinyon batay sa kanilang nakikita.
Ngayong tinatamasa natin ang karapatan sa malayang pamamahayag, mahalaga ang pagtuklas ng katotohanan na hindi lamang nagagawa sa panonood ng YouTube o TikTok. Kahit na mapanghamon maging mamamahayag, kinakailangan nating tumindig at iulat ang katotohanan, kahit gaano pa ito kahirap. Kahit na maraming panunukso para magsulat ng artikulong walang patunay, balikan ang iyong prinsipyo at dahilan sa pagpapatuloy.
Balikan ang iyong pinagmulan. Hindi tayo babalik sa karimlan.