Pamumukadkad ng karera ng Lady at Green Shuttlers, ibinida!

Kuha ni Adrian Teves

MASIDHING determinasyon ang ipinamalas ng Lady at Green Shuttlers sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85. Gayunpaman, hindi ito naging sapat upang makatungtong sa tugatog ng tagumpay ang dalawang koponan matapos maiuwi ang panalo-kartadang 1-4 ng Green Shuttlers habang lumapag naman sa ikaapat na puwesto ang Lady Shuttlers.

Bagamat nabigo, samu’t saring aral at karanasan naman ang tumatak sa mga manlalaro. Kaakibat nito, ibinahagi nina dating Lady Shuttler team captain Ashah Enriquez at Green Shuttler team captain Clark Golez sa Ang Pahayagang Plaridel ang kanilang karanasan sa muling pagsabak sa torneo at ang mga hamong sumubok sa kanilang koponan. Inihayag din ng dalawang atleta ang kanilang mga mithiin sa darating na UAAP Season 86. 

Pagbandera sa panibagong yugto

Halos tatlong taong ipinagkait sa mga atleta ang pagkakataong sumabak sa torneo bunsod ng pandemya. Kaya naman, sa muling pagbabalik ng badminton tournament sa UAAP Season 85, pursigidong naghanda ang Lady at Green Shuttlers upang mapanumbalik ang kanilang gilas at tikas. Gayunpaman, kasabay ng bawat kumpas ng raketa at tagaktak ng pawis, kinaharap ng mga atleta ang iba’t ibang hamon na sumubok sa kanilang karera. 

Sa muling pagsisimula ng face-to-face na tagisan, tila nanibago ang Lady at Green Shuttlers sa kanilang pag-eensayo, pakikipaglagayan ng loob sa mga kagrupo, at higit sa lahat ang paghahasa ng kanilang mga galawan. “Kasi noong online, putol-putol hindi masyado nakikita ‘yong pinapagawa nang maayos ng mga coaches,” paliwanag ni Golez. 

Bukod dito, nagsilbing balakid para sa grupo ang paghahanap ng mga bagong paraan, matibay na pundasyon, at inspirasyon tungo sa medalya. Dumagdag sa kanilang priyoridad ang oras na dapat nilang igugol sa bawat aksiyon sapagkat ayon kay Golez, kinakailangang mahasa ang skills at drills ng isang manlalaro ng badminton. 

Sa mapait na kinahinatnan ng parehong koponan nitong Season 85, tangan ni Golez ang mga latak ng alaala sa naturang serye ng pakikipagsapalaran. “Malungkot siyempre. Hindi ganoon kataas ‘yung rank namin sa previous season. Pero sa nakikita ko na performance na binigay ng team, masaya ako,” pagbabahagi ng kapitan ng Green Shuttlers. 

Tungo sa muling pagsibol ng karera

Naging kahanga-hanga man ang ipinakitang-galing at dedikasyon ng mga nasabing manlalaro, nanaig pa rin ang hatak ng pangangapa sa torneo na siyang naglilok sa kanilang mga naiwang puwesto sa talaan. 

Hindi maikakaila ang bahid ng kalungkutan sa mga atleta matapos mabigong maiuwi ang medalya sa Taft. Kinapos man, hindi ito naging dahilan upang mabura ang pag-asa at determinasyon ng mga manlalaro. “Parang after ng pagkatalo namin, tinake din namin ‘yon as opportunity na maghanda kinabukasan o pagkagising namin,” pagbabahagi ni Enriquez. 

Nanatili ring positibo ang pananaw ni Golez sa kabila ng naging resulta ng torneo. “Despite sa nangyari na months lang ‘yong preparation, binigay pa rin nila ‘yong best nila na kada laro nandoon pa rin ‘yong gusto [nilang] manalo,” saad ni Golez.

Tangan ang mga napulot na aral sa kanilang nakaraang kampanya, inaasam ng Lady Shuttlers na pagbutihin pa ang kanilang paghahanda para sa UAAP Season 86. Isa na rito ang pagbibigay-diin ni Enriquez na ilalaan nila ang panahon ng Enero hanggang Oktubre para sa kanilang puspusang pag-eensayo. 

Hangarin naman ni team captain Golez na mapatnubayang mabuti ang mga miyembro ng kanilang koponan, lalo na ang mga bagong salta bilang paghahanda sa UAAP Season 86. “Kailangan ko maging patient. . . i-trust ‘yong coaches na kaya namin ito na kahit paunti-unti lang ‘yung training namin, makakabalik pa rin [kami] sa dating form namin,” positibong saad ni Golez. 

Huling hataw sa UAAP Season 86

Isang malaking gampanin ang kailangang tuparin nina Enriquez at Golez. Gayunpaman, ibinahagi ni Golez na mas lalo pa niyang pagsisikapan, bilang kasalukuyang team captain, ang posibilidad na maaaring ito na ang kaniyang huling season. “Kailangan ibigay ko na yung best ko if ever eto na rin yung last season ko. If ever, hindi pa sure kaya gusto ko lang na i-lead ‘yung team nang mas mabuti this season na ma-guide pa ‘yung mga bata,” ani ng Green Shuttlers captain.

Nagbalik-tanaw naman ang Lady Shuttlers captain sa lahat ng oportunidad na ibinigay sa kaniya ng kaniyang koponan at mga coach. “So lagi kong iniisip, one year pa nga lang bago ako grumaduate eh, iniisip ko na kung paano ako makakapag-payback dito sa team na ‘to. [Kung] paano ko sila matutulungan gaya ng pagtulong na ginawa nila sa akin, kagaya ng paghubog na ginawa nila sa akin,” wika ni Enriquez. 

Kaakibat ng kanilang paggunita sa naging estado ng dalawang sumabak na tropa, binigyang-diin nila Enriquez at Golez ang kahalagahan ng pagyakap sa responsibilidad, at pagtutok sa kanilang gampanin bilang mga team captain ng kani-kanilang koponan. 

Inspirasyon tungo sa muling pagsabak

Sa panibagong season na bubungad sa mga team captain ng Green Shuttlers at Lady Shuttlers, patuloy ang hangarin ng bawat koponan na maungusan ang naunang produksiyon ng talento sa torneo. Kasabay nito, hindi nagpatinag ang damdamin ni Golez matapos sabihing lalaban muli ang kanilang koponan sa susunod na season. Pinasalamatan niya rin ang pamayanang Lasalyano sa walang humpay na suporta sa nakaraang season. “Para sa Lasallian community, maraming maraming salamat po sa suporta niyo sa’min despite na kinapos kami this season, nandiyan pa rin kayong sumusuporta at hindi nagsawa sa amin. Bounce back kami next season,” pagbabahagi ni Golez.

Gayundin, nagpasalamat si Enriquez sa walang patid na suporta ng bawat Lasalyano sa landas na tinatahak ng Lady Shuttlers. “Isa rin ‘yon sa strong foundation bilang isang atleta eh, ‘yong may naniniwala sayo. Kaya nga sabi ko before sa mga teammate ko, isa lang taong naniniwala sa inyo, sobrang laking tulong niyan. What more kaya kapag madami,” pawari ni Enriquez. 

Nauna mang nadapa sa paligsahan, asahang babangon muli ang mga koponang Green Shuttlers at Lady Shuttlers sa UAAP Season 86. Tunghayan ang muling pagsabak ng Green at Lady Shuttlers sa darating na bagong season ng UAAP habang sukbit ang kanilang layuning makamit ang gintong medalya para sa berde at puti.