INAPRUBAHAN NA ang panukalang-batas na naglalayong amyendahan ang Omnibus Election Code (OEC) sa ika-13 regular na sesyon ng Legislative Assembly (LA), Setyembre 27. Nilagdaan ito ng Commision on Elections (COMELEC) matapos mapagkasunduan ng lupon ang masusing pagrerebisa at paglilimbag ng panibagong code, pagpapasya ng katagalan bago ito maaaring muling susugin, at pagdaragdag ng mga tuntunin patungkol sa pagsasaayos ng mga darating na eleksyon.
Restriksyon sa rebisyon ng OEC
Ipinagbawal ng COMELEC, sa pangunguna ni Chairperson Carlos Gaw Jr., ang rebisyon ng bagong OEC sa susunod na tatlong termino mula nang pagtibayin ito.
Nilinaw ni Gaw na mangyaring ipatutupad muli ang Summer Term, ikokonsidera itong hindi kasali sa bilang ng termino na itatala ng COMELEC simula nang bigyang-bisa ang bagong OEC. Pahayag niya, “As we all know, [during the] academic year 2021-2022, there were only two regular terms and the other one was Summer Term and we cannot hold a proper election. So, what we wish to do is to identify what the three academic terms are.”
Matatandaang nakansela ang General Elections (GE) sa kasagsagan ng pandemya, na nagbigay-daan para isagawa ang Make-Up Elections (ME) sa halip nito. Naging sanhi rin ang pagkakaroon ng summer term na binuo lamang ng anim na linggo.
Hindi tinutulan ni Chief Legislator Sebastian Diaz at ng iba pang lehislador ang iminungkahing kondisyon ng COMELEC. Pagpapalawig ni Diaz, “So essentially, once changes are made on the first term, it will be restricted to a change until the end of the third term, second term. . . For example, kung third term siya napalitan, next third term siya pwedeng palitan ulit.”
Karagdagang amyenda sa OEC
Pinagtuunan din ng pansin sa sesyon ang pagwawasto ng mga patakaran hinggil sa aplikasyon ng mga kandidato, durasyon ng pangangampanya, at mga aksyong lumalabag sa Omnibus Election Code.
Nilinaw ni Gaw na garantisadong magkakaroon ng awtomatikong pagpapalawig sa paghahain ng kandidatura bilang resulta ng biglaang pagbabago sa mga proseso at rekisitong may kaugnayan sa eleksyon. Ibibigay ang karagdagang panahon sa pagpapasa ng kandidatura sa kondisyong isinagawa ang rebisyon sa loob ng inilaang 20 araw para sa filing period.
Iminungkahi naman ni Sai Kabiling, CATCH2T26, na dapat magsumite ng isahang colors form ang mga miyembro ng partidong politikal. Sa kabilang banda, dapat magpasa ng indibidwal na kulay ang bawat independiyenteng kandidato, bahagi man sila ng koalisyon o hindi. Matatandaang pinasadahan sa nakaraang LA ang karagdagang colors form bilang bahagi ng mga dokumentong kinakailangang ipasa ng mga tumatakbo sa puwesto.
Kalakip nito, kikilalanin bilang opensa ang paglahok sa anomang aktibidad na may kinalaman sa impersonasyon at hindi awtorisadong paggamit ng mga opisyal na kulay, logo at simbolo ng mga kandidato na nagtatangkang linlangin ang mga botante. Itinuturing ding pagsuway sa batas ang paggamit ng mga kulay na puti at berde na siyang nakareserba para sa COMELEC.
Isinaayos din ni Kabiling ang depinisyon ng Miting de Avance sa naturang sesyon. Nilinaw niyang tumutukoy ito sa isang pangyayaring naglalayong bigyan ng pagkakataon ang mga estudyanteng kilalanin ang mga kumakandidato sa halalan at busisiin ang kani-kanilang mga plataporma. Idiniin niyang hindi dapat ito mawala sa lahat ng anyo ng eleksyon.
Matagumpay namang napalitan ang katawagan sa pumalyang General Elections 2023 sa kabila ng magkakasalungat na perspektiba sa depinisyon ng mga pinagpiliang salita. Sisimulan nang gamitin ang salitang “pagkabigo” imbes ang salitang “pagkansela” tuwing tinutukoy ang nasabing GE. Kumpirma ni Gaw, “While there is no definite definition during that time, we still deem it as a failure of election.”
Bukod sa mga ito, tiniyak ni Kabiling at pinatotohanan ng COMELEC na hindi magkakaiba ang ibibigay na panahon ng pangangampanya sa lahat ng porma ng eleksyon.
Inulan ng pagsang-ayon ang pagsasapinal ng panibagong bersyon ng code, matapos itong makatanggap ng 12 boto ng pagpayag.
Samantala, tatalakayin sa mga susunod na sesyon ng LA ang pagtatalaga ng bagong mahistrado.