SINAKMAL ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 88-79, sa kanilang ikalawang pagtutuos sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 86 Men’s Basketball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Nobyembre 5.
Hinirang na Player of the Game si UAAP Season 86 Most Valuable Player frontrunner Kevin Quiambao matapos pumoste ng 22 puntos, 12 rebound, tatlong steal, at dalawang assist. Umagapay rin para sa opensa ng mga nakaberde si DLSU point guard Evan Nelle tangan ang 17 puntos. Sa kabilang banda, nanguna para sa Fighting Maroons si Team Captain CJ Cansino matapos tumikada ng 20 marka.
Maagang nagpasiklab si DLSU power forward Quiambao sa pagbulusok ng unang sampung minuto ng sagupaan matapos magpakawala ng tres, 7-4. Gumawa rin ng ingay si Green Archer Earl Abadam buhat ng tirada mula sa labas ng arko, 10-6. Hindi naman nagpaubaya ang Fighting Maroons at nagawang itabla ang talaan sa bisa ng dalawang puntos ni Gerry Abadiano, 14-all. Gayunpaman, dinagundong ni Francis Escandor ang entablado matapos rumatsada ng tres sa huling segundo ng naturang kwarter, 22-14.
Sinamantala ng Fighting Maroons ang matamlay na simula ng Taft mainstays pagdako ng ikalawang kwarter matapos magpundar ng 9-0 run kaakibat ng tatlong tirada ni Harold Alarcon, 27-all. Sumagot naman kaagad ang tambalang Michael Phillips at Nelle gamit ang isang slam at tres, 32-27. Napasama naman ang kalagayan ni Quiambao buhat ng unsportsmanlike foul ni Luis Pablo pagpatak ng 4:39 marka. Gayunpaman, hindi nito napigilan ang pananalasa ng kalalakihan ng Taft sa bisa ng mga tres nina Jonnel Policarpio at Escandor, 44-35. Kumamada rin ng limang marka si Nelle upang tuluyang wakasan ang 1st half, 51-39.
Binuksan ni big man M. Phillips ang ikatlong kwarter gamit ang isang reverse layup, 53-39. Kaagad namang sumagot ang kalalakihan ng Diliman sa bisa ng magkasunod na tirada nina Janjan Felicilda at Abadiano, 53-43. Nagpatuloy pa ang pag-arangkada ni Felicilda upang paliitin ang bentahe ng Taft-based squad sa anim, 57-51. Ngunit, nagpakitang-gilas sa labas ng arko si Escandor upang supalpalin ang Maroons, 62-53. Samakatuwid, napasakamay ng Green Archers ang kalamangan sa pagtatapos ng naturang yugto, 66-59.
Sa pagpasok ng ikaapat na kwarter, kaagad pinabulaanan ni Abadiano ang talaan mula sa labas ng paint, 66-62. Nagngangalit naman na tumikada ng jumper at tres si Chico Briones, 72-71. Samantala, naging sandalan ng Green Archers ang dalawang free throws ni M. Phillips upang ibalik sa tatlo ang bentahe ng koponan, 74-71. Nag-iba naman ang ihip ng hangin nang maipalasap ni Cansino ang tamis ng kalamangan sa kaniyang koponan matapos umariba ng puntos sa loob ng arko, 78-77. Sa natitirang isang minuto ng yugto, hirap nang makatudla ng puntos ang Diliman-based squad at tuluyan nang sinelyuhan ng Taft-based squad ang bakbakan, 88-79.
Buhat ng tagumpay na ito, umangat sa 7-3 ang panalo-talo kartada ng Green Archers at umigting ang tsansang makamit ang twice-to-beat advantage sa final four ng naturang torneo. Samantala, susubukang pabagsakin ng Taft mainstays ang Adamson University Soaring Falcons sa darating na Miyerkules, Nobyembre 8, sa ganap na ika-6 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Mga Iskor:
DLSU 88 – Quiambao 22, Nelle 17, M.Phillips 15, Policarpio 11, Escandor 11, Nonoy 3, Abadam 3, Cortez 2, Austria 2, Manuel 2.
UP 79 – Cansino 20, Felicilda 13, Alarcon 10, Abadiano 9, Pablo 6, Briones 5, Lopez 4, Torculas 4, Alter 2, Belmonte 2, Torres 2, Fortea 2.
Quarter scores: 22-14, 51-39, 66-59, 88-79.