SINUGPO ng De La Salle University (DLSU) Lady Archers ang University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 75-71, sa kanilang ikalawang salpukan sa University Athletic Association of the Philippines Season 86 Women’s Basketball Tournament sa SMART Araneta Coliseum, Nobyembre 11.
Bumandera para sa Lady Archers si shooting guard Lee Sario matapos kumamada ng 19 na puntos at 12 rebound. Umalalay rin sa pagkapanalo si Betina Binaohan tangan ang 15 puntos, siyam na assist, at dalawang steal. Pinatunayan namang muli ni Favour Onoh ang kaniyang tikas bilang pivot matapos magkarga ng double-double figure na 23 puntos at 24 rebound para sa Fighting Maroons.
Kaagad na pumailanglang ang puwersa ng Diliman-based squad nang pangunahan ni Kaye Esquerra ang pagporma sa labas ng arko, 0-3. Pansamantalang naparalisa ang koponan ng Berde at Puti nang sinimulang gatungan ng tres ni Rhea Sanchez ang kalamangan ng mga Iskolar ng Bayan, 4-10. Tinanggihan ng kababaihan ng Taft ang kumpletong dominasyon ng kabilang koponan at matagumpay na nakabuslo ng atake si DLSU Team Captain Bernice Paraiso, 11-all. Nagtuloy-tuloy ang pagaspas ng dalawang kampo, subalit tinuldukan na ng Diliman-based squad ang unang kuwarter sa bisa ng umaalab ng tres, 16-24.
Naging tensyonado ang tagisan nang magsagutan ng mga tres ang dalawang pangkat pagdako ng ikalawang yugto. Matagumpay na napagdikit ng Taft-based squad ang talaan matapos utakan ang Fighting Maroons, 28-27. Nagpatuloy ang gitgitan nang sunggaban ng puntos ni point guard Luisa De La Paz ang three-point line, 31-29. Napanatiling tabla ni Paraiso ang talaan hanggang sa umeksena si Luisa San Juan upang tuluyang igapos ang kalamangan sa pagtatapos ng ikalawang kwarter, 40-37.
Umentrada papasok ng ikatlong yugto ang sentro ng Fighting Maroons na si Onoh bitbit ang siyam na puntos matapos magdomina sa paint. Pumalag naman sa hamon ang Lady Archers matapos mag-ambag ang tambalang Binaohan at Sario ng kabuuang 13 puntos. Napalobo ng DLSU ang bentahe sa siyam matapos makaukit ng 8-0 run mula sa dalawang tres at isang fastbreak nina Sario at San Juan, dalawang minuto ang natitira sa shot clock. Ngunit, humirit pang muli ang UP matapos maipasok ni Achrissa Maw ang crucial three-point shot at baseline drive ni Onoh upang matapyas sa tatlo ang patong sa talaan, 62-59.
Pinairal nina Lady Archer Paraiso at Bea Dalisay ang paggawa ng espasyo upang mailusot ang dalawang tira pagsampa ng huling yugto, 66-61. Nagising muli ang higante ng UP na si Onoh at kaagad binalangkas ang ilalim ng court, 66-66. Muling pinaandar nina Dalisay, Binaohan, at Paraiso ang opensa taglay ang pinagsamang pitong marka upang mailayo ang kalamangan ng DLSU sa nalalabing tatlong minuto ng salpukan, 73-66. Buhat nito, sinelyuhan ni kapitana Paraiso ang isang mid-range shot upang tuluyang ipuslit ang panalo sa panig ng Lady Archers, 75-71.
Waging napalawig ng Lady Archers ang kanilang kampanya sa torneo habang patuloy ang pagpuntirya ng puwesto sa Final Four bitbit ang 5-7 panalo-talo kartada. Samantala, tunghayan ang muling paghaharap sa hanay ng DLSU kontra Ateneo De Manila University Blue Eagles sa darating na Miyerkules, Nobyembre 15, sa ganap na ika-11 ng tanghali sa parehong lugar.
Mga Iskor:
DLSU 75 – Sario 19, Binaohan 15, Paraiso 12, Dalisay 10, San Juan 8, Dela Paz 7, Mendoza 4
UP 71 – Onoh 23, Maaw 11, Vingno 9, Pesquera 8, Ozar 7, Sanchez 6, Domingo 3, Lozada 3, Bariquit 1
Quarter scores: 16-24, 40-37, 62-59, 75-71.