IWINAGAYWAY ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang Berde at Puting bandera matapos kastiguhin ang magigiting na University of the East (UE) Red Warriors, 86-76, sa ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 86 Men’s Basketball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Nobyembre 12.
Nanguna sa kampanya ng Taft mainstays si power forward Kevin Quiambao bitbit ang triple-double output na 17 puntos, 19 na rebound, 12 assist, apat na steal, at dalawang block. Umagapay rin sa luntiang puwersa si point guard Mark Nonoy matapos bumomba ng 25 puntos, apat na assist, dalawang rebound, at isang steal. Sa kabilang dako, nagpasiklab para sa Recto-based squad si floor general Rey Remogat tangan ang double-double na 22 puntos, 10 assist, anim na rebound, at tatlong steal.
Maagang tumudla ang kalalakihan ng Taft sa pagbubukas ng unang kwarter gamit ang midrange jumper ni Nonoy, 9-0. Ipinamalas din ng Taft-based squad ang tibay ng Berde at Puting kalasag nang ibigay sa mga kawal ng Silangan ang ikalawang shot clock violation pagpatak ng 5:37 marka. Sumagot naman agad si Red Warrior Precious Momowei ng tatlong tirada upang subukang humabol, 14-11. Nakapagtala ng isang marka si small forward Earl Abadam sa free-throw line, ngunit agad ding nakapuslit ng layup para sa mga nakapula si Team Captain Abdul Sawat upang selyuhan ang naturang kwarter sa tablang talaan, 15-all.
Matamlay naman ang naging simula ng mga nakaberde sa panimula ng ikalawang kwarter matapos magpakawala ng nagbabagang tres si Red Warrior Remogat, 15-25. Gayunpaman, kaagad na nakaresbak ang mga manunudla matapos magpundar ng nagbabagang 19-0 run kaakibat ang mga pinakawalang palaso sa labas ng arko nina power forward Jonnel Policarpio, Evan Nelle, at Nonoy, 34-25. Gitgitang sagupaan naman ang naging eksena sa huling dalawang minuto ng yugto matapos magsagutan ng tirada sina Sawat at DLSU center Raven Cortez, 44-36. Pumukol pa si Cortez ng isang floater kaakibat ang foul upang selyuhan ang first half, 49-38.
Umiba naman ang timpla ng Recto-based squad matapos gulatin ang kort sa bisa ng nakagigimbal na 11-0 scoring blitz sa pagbubukas ng ikatlong kwarter. Kinalabaw ni Momowei ang ilalim na sinundan pa ng kaliwa’t kanang tres nina Remogat at Sawat, 49-all. Gayunpaman, binasag ni DLSU point guard Nelle ang nagyeyelong opensa ng DLSU nang magpakawala ng kaniyang swak na floater, 51-49. Bumuwelta rin si Most Valuable Player frontrunner Quiambao ng pitong magkakasunod na puntos para iangat ang bentahe ng DLSU, 58-54. Buhat nito, nagawang makapuslit ni Abadam ng puntos sa free-throw line upang panatilihin ang kalamangan sa Green Archers, 64-63.
Sa pagbubukas ng ikaapat na kwarter, halos dalawang minutong walang galawan ang talaan ng magkabilang koponan. Sa kabila nito, umalab ang dilaab ni Nonoy matapos magpakawala ng tatlong makamandag na tirada sa labas ng arko, 77-63. Patuloy namang kumapit ang tinaguriang Reygun na si Remogat nang bumulusok ng pitong magkasunod na marka, 77-70. Gayunpaman, pinatahimik na nina Quiambao at Nonoy ang hanay ng Recto matapos magpakawala ng kanilang balaraw na tres upang siilin ang panalo para sa DLSU, 86-76.
Buhat ng tagumpay ito, lalong napalakas ng Green Archers ang kanilang pagkakataong makamtan ang ikalawang puwesto para sa inaasam-asam na twice-to-beat advantage sa naturang torneo. Samantala, subaybayang muli ang kampanya ng Taft-based squad kontra Far Eastern University Tamaraws sa darating na Miyerkules, Nobyembre 15, sa ganap na ika-4 ng hapon sa SM Mall of Asia Arena.
Mga Iskor:
DLSU 86 – Nonoy 25, Quiambao 17, Cortez 11, Policarpio 9, Nelle 7, Escandor 6, Austria 6, Abadam 3, Nwankwo 2.
UE 76 – Remogat 22, Momowei 21, Sawat 18, Lingolingo 6, Maglupay 4, Cruz-Dumont 3, Tulabut 2.
Quarter Scores: 15-15, 49-38, 64-63, 86-76